Biyernes, Marso 18, 2011

Ayaw ko sana pero...

Una kitang nakilala, akala ko okay ka. Akala ko, click tayo. Akala ko, masaya tayo.

Hindi ko maintindihan kung bakit habang tumatagal…nagkakailangan tayo. Madalas na nandyan ka lang ngunit hindi na tayo nagpapansinan. May mga pagkakataon na dahil wala ng ibang paraan ay mapipilitan tayong mag-usap kahit sa palagay ko ay hindi mo naman talaga nais.

Ano nga ba ang nangyari? Ano nga ba ang naging problema? Siguro tinuring kitang kaibigan ngunit para sa iyo ako’y isang kakilala lamang. Magkaiba nga siguro tayo. Wala na naman akong pakialam kung anong turing mo sa akin ngayon pero…kamusta ka na nga ba?

Magaling ka…iyon ang alam ko. Matalino ka…ngunit nasaan iyon ngayon? Kung gaano kalakas ang pagdating mo ay tila ganoon din ang mga ugong na ginawa mo sa ngayon. Mas marami ang hindi makaunawa sa’yo…at isa na ako d’on. Ano na nga talaga ang dahilan? Sila nga ba ang nagbago o ikaw? Alin ba sa dalawa?

Pinipilit kong suriin kung bakit ngunit blanko…marahil ay sanhi ng di natin pag-uusap. Maraming pagkakataon simula ng mag-iba ka o nag-iba kami sayo ay parang nagiging plastic ako sa iyong harapan. Kailangan kitang ngitian, batiin, biruin kahit sa aking palagay ay hindi mo naman nais.

Pero kung nahihirapan ako…marahil ay mas nahihirapan ka sapagkat parang di mo alam ang iyong ginagawa kahit alam naman nating may kakayanan ka. Gusto ko na nga kitang tanungin kung ginagawa mo ba akong tanga, eh…pero baka naman ma-offend kita…ako na lang ang tanga para matapos.

Hindi ka naman pinaghahanapan…pero bakit ibang-iba ka sa dati. Ang mga kuwento mo…kakaiba. Ang kilos mo…may kakaiba rin at habang tumatagal hindi na kita nakikilala. Hindi ko nais na pag-isipan ka ng di maganda pero sana’y kumilos naman sana sa tama…at pag-isipan naman muna ang gagawin kaysa magpretend na walang alam.(*^_^)

Panahon

Habang naghahanda ako ng aking sarili sa pagpasok, pinagmasdan ko siya. Nakahiga at mahimbing na natutulog. Kailangan ko nang umalis kahit tulog pa siya. Kailangan ko nang umalis na hindi ko man lang nasilayan ang kanyang hitsura kapag bagong gising. Hindi ko man lang masuklayan o kaya’y maipaghanda ng agahan sapagkat papaalis na ako.

Habang abala ako sa pagbibigay ng panahon sa mga anak ng iba, naroon  siya’t nag-aabang…naghihintay sa aking pagdating. Naghihintay ng oras na siya naman ang bigyan ng panahon.

Maraming pagkakataon na hindi ko siya napag-uukulan ng pansin sapagkat mas marami ang naghihintay sa akin araw-araw. Mas marami silang nangangailangan ng aking oras at panahon. Mas marami nga sila…subalit kahit binibigyan sila ng panahon at oras ay hindi man lang marunong magpahalaga.

Eto ang nag-iisa at matiyagang naghihintay. Puno ng galak tuwing ako’y nakikita…kahit kulang ang oras na siya’y nakakasama…bakas ang tuwa at saya sa kanyang mukha. Dulot ay ginhawa kapag siya’y nariyan.

Hindi ko maintindihan pero habang iniisip ko ang kapakanan ng mga batang nangangailangan sa akin ay nawawalan naman ako ng panahon para sa kanya at kung sino pa ang binibigyan ng mas maraming oras at panahon…ay wala man lang pakialam sa aking nararamdaman.

Minsan, siya’y nagkasakit ngunit dahil kailangan kong pumasok naiwan siya. Naunawaan niya na kailangan kong umalis. Ayaw ko man siyang iwan ng mga sandaling iyon…ngunit umalis pa rin ako at nangakong uuwi agad.

Ngayon ko lang napagtanto na hindi lang mahalaga ang perang kinikita kung ang taong pinaglalaanan ay magkakasakit at hindi mabantayan. Mahalaga pa rin na mabigyan siya ng oras, panahon at pagmamahal na kailangan niya. Hindi naman siguro masamang hangarin na makasama siya ng matagal kaysa sa iba.

Ayaw kong dumating ang pagkakataong nais ko siyang makasama ngunit iba na o ang mga kaibigan na mas gusto n’yang paglaanan ng panahon. Hindi ko rin nanaisin na mas alam pa ng iba ang ayaw at gusto n’ya sapagkat alam ko sa sarili kong nagkulang ako ng panahon sa kanya.(*^_^)

Sabado, Marso 12, 2011

Hindi ako marunong magsulat

Hindi ako marunong magsulat. Madalas puro simula lamang ang nagagawa ko. Ilang lang ang natapos at sa ilang natapos…may nakabasa ba?

Isa sa mga pinangarap ko ay may makabasa ng mga sinusulat ko subalit wala namang mag-abala kundi ang mga pinilit kong kaibigan. Mula noon sa pakiramdam ko hindi ako marunong magsulat.

Ngunit, heto at umaariba ang mga nagkalat na blogsite at mga social network. Nagkaroon ako ng pagkakataon. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga sinulat ko…ang laman ng aking isipan.

Ilang beses na ba akong hindi pinatulog ng mga ideyang sa tuwing ako’y pipikit ay parang monitor ng computer ang kadiliman sapagkat naglalaro ang mga letrang naghuhumiyaw na sila’y pansinin. Kaya naman kahit sa kalagitnaan ng hatinggabi…kukuha ako ng kwaderno at panulat para lamang isulat angmga nasa utak ko dahil kung hindi ay di ako makakatulog.

Kung minsan tuloy naisip ko…kung may memory card lang sana ang isip ko mas madali sanang magsulat subalit wala kaya’t kailangan ay mabilis magtrabaho ang aking mga kamay dahil kung hindi ay maglalaho na ang mga letra o mga salita at ideyang nag-uunahan sa aking isipan…tulad ngayon.

May mga pagkakataon namang kailangan ko ng ideya subalit wala akong mapiga sa pasaway kong utak. Para kasing panahon…weather-weather lang!

Masasabi kong matalik na kaibigan ang turing ko sa bolpen at papel sapagkat sa mga oras na ako’y nalulungkot, nagagalit, natutuwa o kahit ano pang uri ng emosyon at wala akong ibang makausap sila ang nagsisilbing tagapakinig ko.

Marami na nga akong nasabing sekreto na sila lang ang nakakaalam. Marami na akong galit na sila rin ang nakaramdam. Pagkatapos kong isulat ang aking mga nararamdaman…ay gumagaan na ang pakiramdam ko kaya naman mahalaga sa akin ang mga ito.

Kaya naman kahit hindi ako marunong sumulat ay patuloy pa rin akong nagsusulat dahil alam kong sa bawat letrang aking nililimbag isang bahagi ng kasaysayan ng buhay ko ang kalakip nito.(*^_^)

Biyernes, Marso 4, 2011

Masarap mag-bike

Bukod sa pag-akyat sa puno, isa sa mga kinawilihan kong gawin ay ang magbisikleta. Katulad ng lagi kong naririnig…hindi na naman ito pambabae!


Sa totoo lang, hindi kami nagkaroon ng bisekleta sa bahay… pero anong ginagawa ng mga kapitbahay namin na meron nito at pwedeng hiramin kung kelan mo gusto na walang bayad.

Wala namang nagturo sa akin mag-bike, basta sumakay ako at nagpidal ako ng nagpidal…ayun ang ending…nabangga ko ang pader…pero pagkatapos naman noon eh, carry ko na!

Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sumemplang sa bike. May mga simpleng bagsak at may mga semplang na talagang naglulumayo kami ng bike. Marami akong natamong gasgas at sugat sa pagba-bike…pero parte ‘yun…lahat ng nag-aaral magbike ay hindi dapat natatakot magkasugat o sumemplang.

Sa tuwing maaalala ko ang mga bahagi ng aking kabataan na nagba-bike…hindi ko mapigilan ang matawa. Paano kasi, ang nahihiram kong bike laging walang break…kaya gamit ko ang aking malapit nang mapudpod na tsinelas at iyon ang gagamitin kong pampigil sa gulong… malas kung makakain ng gulong ang tsinelas…at tuloy bagsak…ouch!

Masarap magbike lalo na kung natatakpan ng ulap ang langit at kasama ang mga barkada. Noong hindi pa ako marunong madalas akong maki-angkas kung kaya’t lagi akong may gasgas sa makabilang binti dahil sa sumasayad sa gulong habang naka-angkas. Pero mas gusto ko ako na lang ang nagbibike. Makikipagkarera…kunwari…hehehe…

Mahirap namang mag-angkas ng malikot…dahil magpapagewang-gewang ang bike…dapat steady lang. Pero noon lahat gusto sumakay sa bike lalo na kung isa lang ang bike kaya kung minsan pinagsasabay-sabay ko na lang silang i-angkas… isa sa manubela, isa sa gitna at isa sa likod.

Isa pang nakakatuwa sa pagba-bike ay ang makapunta sa kung saan naisin…tulad ng palengke…pero na-realize ko na mahirap pala talaga ang mga paakyat na kalsada at isa pa…nakakatakot pala magbike sa highway. Minsan kasi malalaking trak ang nasa likuran ko na sa aking pakiramdam ay mahahagip ako.

Dahil din sa pagba-bike, naranasan kong makaubos ng isang basong tubig na isang lagok lang. Naranasan ko ding mahabol ng mga aso habang nagba-bike…grabeng takot ko ng mangyari iyon…wala akong nagawa kundi itaas ang aking mga paa para hindi makagat…(dami kasing matatapang na aso noon sa may amin na pakalat-kalat at pati mga pupu ng mga ito!)

Masarap magbike…lalo na kung mountain bike ang gamit. Mas mabilis…mas mataas…mas masarap ang pakiramdam. Pero kung simpleng pagba-bike lang ang gagawin mo ay pwedeng-pwede ang BMX. Hindi masyadong mataas at hindi masyadong mababa…tamang-tama lang.

Isa sa mga nagpasaya sa aking kabataan ang gawaing ito…single man o may side car…ayos sa akin. Pero kung minsan hindi maiiwasan ang sumemplang o kaya naman ay makabangga.

Nakabangga ako noon gamit ang bike ng tito ko na may side car…at kasama ko ang mga pinsan ko nang mangyari iyon. Una, walang preno ang bike…so kailangan kong gamitin ang aking tsinelas para ito pahintuin. Pangalawa, alam nung nabangga ko na paparating kami ay humarang pa sa dadaanan namin. Tuloy pumailalim siya sa side car at medyo nakaladkad pa ng konti dahil sa hindi ko agad naihinto. Nagkaroon siya ng gasgas at nabukulan pa.

Kaya naman ang nanay at tatay ko ang nagpagamot sa kanya. Abut-abot na sermon ang gantimpala ko dahil sa insidenteng iyon. Dati takot na takot ako pero ngayon eh, natatawa na lang ako. Hindi ko kasi alam ang gagawin noon pakiramdam ko ay makukulong ako dahil sa nangyari.

Simula noon naging maingat na ako sa daan. Talagang humihinto na ako kapag may naglolokong haharang-harang sa aking daraanan. Natakot akong baka maulit na makabangga ulit ako na hindi ko naman sinasadya.

Sa kabila ng pangyayaring iyon ay gusto ko pa ring sumakay sa bisikleta…pero alam ko na ang responsibilidad nito. Para rin pala kasing pagsubok ang pagsakay dito…kapag bumagsak o sumemplang ay tumayo’t magpatuloy katulad ng mga pagsubok na dumarating sa ating mga buhay.(*^_^)

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Noon, umakyat ako ng puno

Hindi daw magandang tingnan sa isang babae ang umakyat ng puno…pero ang alam ko… masarap umakyat ng puno.

Maraming punong bayabas sa bakuran namin noon. Meron ding puno ng kaimito at niyog. Sa bakanteng lupa naman sa aming harapan ay may puno ng chesa, kamias, abokado at dalawang malalaking puno ng narra.

Doon kami madalas maglaro ng taguan o kaya ay patintero. Takbo doon. Takbo ditto. Kapag kami’y  napagod tatambay naman kami sa mga sanga ng punong bayabas habang ngumangata ng manibang bunga nito.

Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ang pakiramdam habang umaakyat at nasa mga sanga ng puno. Masarap kasi talaga umakyat ng puno lalo na’t kung ang dahilan ng pag-akyat ay  mangunguha ng mga hinog na bunga tulad ng mangga at bayabas.

Masarap ding tumambay sa itaas ng puno…wala lang…pahinga lang habang nagbabasa ng funny komiks o kaya ng mga pocketbook. Minsan tambayan ng barkada. Doon magtatawanan kasabay ng pag-ihip ng sariwang hangin.

Ngunit hndi naman parating enjoy ang umakyat ng puno… dahil kung minsan mahuhulog at mapipilayan kapag namali ng hawak  o kaya’y marupok ang sangang nahawakan…(hindi ako nakaligtas sa mga hulog at pilay na ‘yan.) Minsan naman sa huli ko na lang nalalaman na may mga langgam pala…lalo na ‘yung kulay pula o kaya ay hantik na marami sa punong mangga…supersakit pa naman kung mangagat ang mga ito.

Minsan naman ay makakahawak ako ng higad at mag-iiwan ng mga malalaking pantal na pinaliliguan ko nang suka. Mag-iiwan din ng mga gasgas o galos ang mga sanga ng puno…tipong hindi mo napansing nasugatan ka na pala.

Isa sa mga masasayang bahagi ng kabataan ko ang umakyat ng puno kahit pa sabihin pang hindi bagay sa babae ang gawaing ito natutuwa pa rin ako at naranasan ko o namin noon  ang mga bagay na ito.

Sa ngayon kasi tila sa mga probinsya na lang nagiging libangan ang pag-akyat ng puno. Kung titingnan rin parang hindi na masyadong pag-uukulan ng mga bata o kabataan ngayon ang gawaing ito…una dahil asa marami nang makabagong pagkakaabalahan at pangalawa…kakaunti na ang punong maaaring akyatin lalo na sa syudad.(*^_^)


‘Ako na ang masama!’ (hindi ako ‘yun)

Naatasan kami na magpunta sa ibang  lugar  para doon gawin ang aming trabaho at dahil hindi ko kabisado ang pagpunta doon kaya sumabay ako sa mga kasamahan ko.

Ang usapan ay magkikita kami sa may Mercury Drugs at doon sabay-sabay kaming sasakay papunta sa destinasyon namin. Ngunit dahil sa nalalayuan ako sa pagkikitaan namin kaya’t nagpasya akong magtext na intayin ko na lang ang jeep na sasakyan nila sa may kanto naming dahil sa madodoble ang pamasahe ko.

Maaga talaga akong gumising sapagkat sabi ni Em…baka mahuli na naman ako…nakakahiya naman ma-late kapag sinabihan ka ng gan’on…ooopppsss…di ko naman sinasabing napakasama n’ya para sabihan ako ng ganoon…LOL…


So, buong akala ko jeep ang sinakyan nila…kaya ng magtext sila na sila ay nakasakay na ay sinabayan ko ng labas ng bahay at naglakad pababa sa kanto. Hindi naman ako late nagising kaya nga lang ay nauna pa rin sa kanto ang sinasakyan nilang FX at hindi jeep…mega-takbo tuloy ako pababa at take note naka-high heels ako…medyo ngayon ko nga lang naisip siguro kung mas binilisan ko pa ang pagtakbo…gumugulong akong makakarating sa napakabilis na FX na sinakyan namin papunta sa aming destinasyon. (natatawa na agad ako imahinasyon ko palang ‘yun…hehehe)

Lumagpas pa kami sa dapat naming bababaan…to think na kasama namin ang nakakaalam…mabuti na lang at mabait si Manong FX at ibinalik niya kami sa bababaan namin at sakto… kararating lang din ng iba naming kasamahan na dapat ay kasabay din namin dahilan para medyo nahuli ng konti sa usapan namin…(hindi ko siya sinisisi, ha…wala ‘yun sa vocabulary ko.)


Naging maayos naman ang maghapon namin at nang uwian kami ulit ang magkakasabay. Sa jeep…sinabihan ni Em si Indyanero na siya ang dahilan kung bakit sila naghintay ng matagal sa MD kaninang umaga…ang banat ba naman eh… “O, sige na Ako na ang masama.” Sabay tawa…as if natatawa kami…hahaha…ayon sa kanya, tumingin daw siya sa Kanluran, Silangan, Hilaga, Timog...eh di n’ya nakita sila Em… at talagang nagpapaliwanag pa siya…naku..indyanero na’y bulag pa pala…LOL…

Napag-usapan ang FB…at take note we’re not friends…not yet! Nagtanong siya kung saan siya bababa…eh, dahil sa aking palagay mabait ako…sinabi ko ang palatandaan ng bababaan niya…sabay sabi sa kanya.. “O, ayan ha…we’re not friends but I’m helping you!” …LOL…nakakatuwa pa naman siya dahil parang lahat ng sinasabi ko nakakatawa.

Kaya lang sa kalagitnaan ng aming huntahan sa loob ng jeep…mega-sabat si Golden Wood Awardee na suot-suot ang kanyang pinangkasal na sapatos na ayon kay Em-gee ay parang makatutusok kaya sa kanya naman napunta ang kuwento… binili daw nila ang sapatos na balat na iyon sa Rusty Lopez…siguro kung hindi pa siya ikakasal eh, hindi siya bibili kasi minsan lang siya bumili. Pero hindi lang sapatos ang suot niya maging ang pantaloon na binili nila sa SM Taytay ay suot din niya…sana pala’y isinuot na rin niya ang barong niya…hahaha…

Wala namang script ang usapan namin pero ang humigit kumulang na tatlumpung minutong byahe namin pauwi habang nakasakay sa jeep…ay napuno ng walang humpay na tawanan dahil sa isang di sinasadyang pagkakamali na sa una ay marahil na kinainisan ngunit sa huli’y naging isang malaking joke na lamang. Hindi naman kasi dapat maging big deal ang insidenteng iyon…kailangan lang nang pang-unawa. At dahil sa pangyayaring iyon…lahat kami’y umuwi na nakangiti dahil sa nakakatuwang usapan sa loob ng jeep.(*^_^)

Martes, Pebrero 22, 2011

Eto ang kuwento niya

Masaya. Maingay. Makukulit. Ganyan kami kapag walang gaanong ginagawa o kung oras ng break. Walang pakundangan sa mga salitaan at maging sa mga kuwento ng mga bumabangka…tulad niya.

Isang nakakatuwang kuwento ang ibinahagi niya sa amin kanina at lahat kami ay natuwa ng bongga. Hindi ko na kailangang banggitin kung sino siya sapagkat ayon sa kanya ay baka ikahiya siya ng kanyang asawa…LOL…well, para siya pagbigyan, e, di hindi ko babanggitin ang pangalan niya.



Bahagi ng kanyang kabataan ang kuwento. Tungkol sa BAKA (Cow). Noong una akala ko…kalabaw (Carabao) hindi pala. Grade three siya noon habang naglalaro daw sila sa palayan ng touching ball hindi n’ya naisip na masusuwag siya ng baka. Masaya daw silang naglalaro at habang sinisigawan niya ang kanyang kakampi na ihagis sa kanya ang bola ay lumapit daw ang baka sa kanya at dalawang beses siyang sinuwag.  Una ay sa may puwet niya at ang ikalawa ay sa may labi niya.

Ang nakakatuwa sa pagkukuwento niya ay inimwestra pa niya kung paano siya sinuwag ng baka at sa kanyang palagay kung bakit nanilaw ang isang ngipin niya ay dahil sa pagkakasuwag sa kanya nung baka...hehehe…

Pero hindi doon natapos ang kuwento dahil nung grade four naman daw ay may nangyari din sa kanya sa loob ng klasrum. Naatasan daw siyang maging taga-lista ng maingay sa seksyon nila kung kaya’t marami ang naiinis o kaya nagagalit sa kanya. Nananaway din siya.

Minsan daw na wala ang kanilang titser habang sinasaway niya ang kanyang mga kaklase …isa sa mga sinaway niya ang biglang tumayo at sinuntok siya sa mukha…ouch…hindi siya nakapagsumbong sa kanilang guro dahil wala nga ito kaya umuwi siyang umiiyak.

Kung iisipin noong panahon na nangyari ito sa kanya marahil napakasama ng loob niya sa kanyang kaklase at siguro pinag-isipan niya rin ito ng masama…pero kanina habang kinukuwento niya ang pangyayari ay hindi lang kaming nakikinig sa kanya ang humahagalpak ng tawa kundi maging siya.

Nakakatuwa kasi ang kanyang pagkukuwento at talaga namang tumabo sa takilya ang kuwento niya… Hehehe...isa ‘yan sa mga kuwento niya at inaasahan ko na marami pa siyang kuwentong ibabahagi na noon ay nagdulot sa kanya ng kalungkutan pero ngayon ay isa na lamang alaala na maaari nang tawanan sapagkat lumipas na.(*^_^)