Lunes, Disyembre 26, 2011

MC Sessionista :)

MC Sessionista eating at...


madalas sa McDonalds kami nanginginain at naghuhuntahan... 
pero dahil magpapasko at para maiba nagpunta kami ng Chef d Angelo...

pero eto ang kuwento kung bakit nagcelebrate kami!


Sa hindi inaasahang pagkakataon, pinalad na makuha ni Bheng ang ikatlong puwesto sa pinakamaputing babae sa MC Sessionista... inalayan siya ng palakpak at natatanging korona na natagpuan sa kung saang sulok ng apat na sulok ng kanyang mundo....


...nahihiya man ay kumaway-kaway pa siya sa madlang people...(kung meron man...hehehe)

Pumangalawa naman si Ting, ipinasa ni Bheng ang korona sapagkat wala nang ibang maipapasa pa... 


tuwang-tuwang tinanggap ni Ting ang korona...


tatararan... presenting princess Ting..hehehe...


...pero dahil naiiba...inilipat ni Ting ang korona ... 

kay...

eh...sa akin pala...hehehe...


iba pa la feeling kapag kumakaway...LOL...


pero mas masarap pa ring maging anghel..hahahha...

ngunit di nagpaawat ang pinaka-cute at reigning...ms. korona


at 'yan ang dahilan ng celebration...

eat-all-you-can


one, two, three...click!
buti hindi gumalaw...LOL...


sa totoo n'yan...binantayan niya talaga ang mga stub na 'yan! heheh...


yummy....yummy...yummy....





Round 1



  
 ...Round 2 na sila...


...sumakit na yata ang ulo dahil sa kabusugan...
kaya mo 'yan...Rachel..LOL

pero nagcelebrate din kami dahil magkakaroon na daw ng tv sila Me-an


dahil d'yan...

CONGRATULATIONS!

Matapos manginain...


busog agad...


tumapong pagkain


napasayaw...


tamang trip lang...


at tamang tayo lang 
at iwanan ang bakas ng kabusugan!

(*^_^)

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Bakit pa kasi gumawa ng blog?

Bigla na lang ang daming tanong sa isipan ko...ewan ko nga ba kung bakit pero ganun talaga

Halos naka-isang taon na akong nakagawa ng blog na matagal ko nang minimithi pero ngayong meron na akong blog bakit wala naman akong mailagay...bakit parang wala na akong oras? Ningas kugon nga lang ba ako. Parang ang yabang ko pang tatlo pa ang ginawa ko.

Parang kayang i-update everyday. Parang napakaraming oras para humarap sa kuwadradong mundo. Parang napakasigasig sumulat.

Gusto ko nang katukin ang utak ko eh...bakit pa kasi gumawa ako ng blog gayong hindi ko naman pala magagawang malagyan ng kung anu-ano.

Pero, muli kung binasa ang mga naitala ko na...maayos naman...nakakatuwa naman...nakaka-excite naman pero sad pa rin ako dahil tila wala namang nagbabasa.

Ano nga ba ang dahilan ko sa paggawa ng blog? Una, gusto kong mabasa ng ibang tao kung anong nasa isip ko. Pangalawa, gusto kong mabasa ng ibang tao ang mga likha ko. Pangatlo, para ipaalam kung gaano ako kaadik manood ng mga pelikula.

Tila ang babaw ng dahilan ko...pero 'yun talaga 'yon! Walang labis, walang kulang...pero kung sa inyong palagay eh may kulang e di dagdagan ninyo...pero ang sa akin lang WALANG PAKIALAMAN!

Kaya masisisi n'yo ba ako kung itanong ko sa aking sarili kung bakit pa ako gumawa ng blog? Ang umeksena...papampam!

Linggo, Oktubre 2, 2011

Kumanta siya, umiyak ako

Nang sumalakay si Pedring nawalan kami ng kuryente. Dalawang araw na walang kuryente dito sa amin. Sa unang gabi, walang magawa. Ang gitara ko...wala sa tono kaya wala akong magawa. Kaya...tulog na lang muna.

Sa pangalawang gabi, tila ganoon ulet ang drama ng buhay ng mga walang kuryente....bago sumapit ang dilim kailangan, luto na ang pagkain...at bago pa tuluyang mabalot ng dilim ang buong paligid at mga malabong ilaw na lamang ng kandila ang magsisilbing liwanag ay kailangang nakakain na. 

Hindi naman namin inaasahan na hindi pa rin magkakaroon ng kuryente. Ang anak kong buhay na buhay pa rin ang energy sa kabila ng madilim na kapaligiran...inuto kong kumanta.

Marami siyang kinanta na kinakanta daw nila sa school...pero may isang awitin na tinamaan ako...

eto iyon...

Bago ko ipikit ang mata ng mahigpit
kaya bago pa managinip kayo ang nasa isip

Ang pamilyang ito, may pag-ibig na totoo
kaya abot hanggang langit 
ang pasasalamat ko

Dear God, salamat po 
sa pamilyang ito
Huwag n'yo pong pababayaan 
ang mga minamahal ko
Dear God, salamat po
panalangin ko'y dinggin
sana'y laging may pag-ibig
sa tahanan namin

Nanay at tatay ko
sa akin ay the best kayo
kapatid kong makulit
hindi kita ipagpapalit

Dear God, salamat po
sa pamilyang ito
huwag n'yo pong pababayaan 
ang mga minamahal ko
Dear God, salamat po
panalangin ko'y dinggin
sana'y laging may pag-ibig 
sa tahanan namin


natuwa ako sa pagkanta n'ya punung-puno ng feelings...
mabuti na lang at madilim hindi n'ya pansin ang luha ko...

Kalungkot lang hindi ko na-record...siguro pag nauto ko na lang siya ulet!

Nakakatuwa talaga siya...(*^_^)
Sep. 28,2011




Lunes, Setyembre 19, 2011

Mabahong usapan...as in eeewww!



Marami ang nagsasabi na magandang ehersisyo ang paglalakad. Kaya naman ang motto ko…(na sinabi rin ni drew..ehem) ‘Lahat ay walking distance.’

Pero paano kung ang kalsadang daraanan mo ay puno ng mga …jackpot?!?

Paumanhin sa mga kumakain… pero hindi ba’t nakakadiri…nakakawalang gana at talaga naman nakakaasar lalo na kung umagang-umaga ito ang babati sa’yo! (eeewww!)

HIindi naman ako maselan sa mga mababahong amoy…maging sa mga dumi ng hayop…pero ang hindi ko gusto ay ang kawalang manners ng mga aso na araw-araw ay ginagawang palikuran ang kalye.

Walang araw na walang jackpot sa dinadaanan kong kalye…pwera na lang kung umuulan. Tulad na ng nasabi ko na kung baho rin lang ang pag-uusapan di ko na iyon pansin…pero ang nakakadiri ay ang nagkalat na jackpot na napisa na ng mga gulong ng mga sasakyan o kaya’y may suwerteng nakaapak dito! (Eeewww)

Pero ang malala ay ang pagpapatintero sa mga nakaladkad ng mga gulong o mga tsinelas na bumuo ng mga pulo-pulo sa kahabaan ng kalye. Talagang nakaka-eeewww!

Sabihin n’yo nang nag-iinarte ako… pero nagsasabi lamang ako ng isang katotohanang araw-araw na bumabati sa aking umaga. How I wish magpalit tayo ng sitwasyon kung saan kayo ang makakasaksi ng mga bastos na mga asong hindi magpagawa ng sarili nilang palikuran para hindi nakakahiya sa taong katulad natin!

Hay naku, talaga! EEEWWW!
(*^_^)

Setyembre 19, 2011

Huwebes, Hulyo 28, 2011

Sa sasakyang pampasahero


Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman kanina nang sumakay ako ng jeep papasok sa trabaho. 

Malapit nang mapuno ang jeep siguro ay mga apat na tao na lamang ang hinihintay at lalarga na...kaya naman wala na akong choice mamili ng uupuan. Isa pa, medyo naghahabol na ako ng oras at baka mahuli pa ako ng dating...umuulan pa!

Sa madaling salita, nagtuloy-tuloy ako loob ng jeep na hanggang umabot ako malapit sa likod ng drayber. Sa kabilang side may kakilala pa ako at nakabatian...sa tabi ko ay mag-asawa yata 'yun…hindi ko alam kung mag-ano sila basta ang alam ko may relasyon sila..lalaki ang nakatabi ko at nasa likod ng drayber ang babae.

Hindi naman ako maselan sa katabi pero minsan talagang may kakaibang pakiramdam tayong mga babae sa ikinikilos ng mga katabi natin sa jeep lalo na kung ito’y lalaki. Hindi ko maintindihan kung anong meron sa katabi ko at panay ang dukot sa bulsa ng kanyang pantalon kung saan nakadikit sa akin. N’ung una dedma lang…baka naman talagang may kukunin siya…sige pagbigyan.

Pero ang ikinaasaran ko ay tila pinipilit niyang humarap sa akin…hindi ko maintindihan kung ngayon lang ba siya nakakita ng babaeng katulad ko…kung yelo ako siguro natunaw na ang kamay at braso at mukha ko sa sobra niyang pagtingin.

Sa kasagsagan ng byahe aba…dumukot na naman sa bulsa…kunyari kinuha ang celfon niya eh hindi naman tumunog at kunyaring inilagay sa bag…at muli dumukot sa bulsa na hindi ko alam kung ano namang kinuha.

Sa isip ko, sana’y malapit na ang bababaan ko dahil kung hindi ay hindi ko na mapipigilan ang aking matabil na bibig at makakarinig siya ng mga salitang hindi n’ya magugustuhan.

Tila hindi pa siya nagsawa sa babaeng katabi n’ya na maya’t maya ay inaakbayan at inaamoy-amoy…buti sana kung may fes s’ya eh wala naman…parang galing sa inuman na naisipan lang sumakay ng jeep at magtrip sa pagmumukha ko.

Kabuwisit talaga siya as in! Lingid sa kaalaman ko ay katabi ko pala ang isang kasamahan buti na lang at medyo nawala ang kunot sa noo ko dahil may nakausap ako. Mabuti na lang rin at malapit na kaming bumaba…naglalaro na nga sa isip ko na sadyaing apakan ang kanyang paa o kaya ay sikuhin siya bago bumaba. Para makabawi sa pagkaasar ko sa kanya…pasalamat siya at naka-uniporme ako kung hindi…dyinombag ko siya ng bongga! Hmp!

Martes, Hulyo 26, 2011

Filipino ang SONA?

State of the Nation Address ng pangulo…eh ano naman? Karaniwan ganyan ang reaksyon ko…siguro hindi lang ako pero isa sa mga kinaiinisan ko sa SONA ay ang wikang ginagamit ng mga lumipas na pangulo sa pag-uulat sa bayan. Natuwa ako dahil sa SONA ni Pang. Noynoy Aquino kahapon ay binigkas niya sa wikang Filipino.

Ngunit wala akong balak na batikusin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Hindi ko rin masasabing nagustuhan ko ang mga sinabi niya. Ang sa akin lang ay nagawa niyang maabot ng kanyang tinig ang mas nakararaming mamamayang Pilipino. Mas marami ang nakaunawa at nakabatid ng kanyang mga iniulat.

Mas marami nga namang hindi nakauunawa ng wikang Ingles subalit marami nang pangulo ang nagdaan na hindi nagtalumpati sa ating sariling wika. Mas pinili nilang gamitin ang wikang banyaga kung saan ang mga nakapag-aral o nag-aaral lamang ang nakauunawa.

Nakatutuwang isipin na hindi nagdalawang isip ang ating bagong pangulo na gamitin ang ating sariling wika. Maaaring para sa iba ang kanyang mga sinabi ay kulang pa…ni hindi nga n’ya napagtuunan ng pansin ang usapin sa edukasyon o kaya’y sa kalusugan ngunit kahit ganoon man ay wala akong pakialam ang mahalaga wika natin ang ginamit niya.

Kung sabagay, marami rin naman ang nagsasabing unang taon pa lamang n’ya kung kaya’t hindi dapat na paghanapan ang pangulo. May limang taon pa siyang gugugulin para paunlarin ang bansa at itama ang mga mali ng mga nakalipas na mga administrasyon.

Ngunit ang mahalaga sa akin ay gumamit siya ng wika natin na mas lubos na mauunawan ng mas nakararaming mamamayan…maging ng mga taong hindi nakapag-aral. Sabi nga ang Wika ang kaluluwa ng bansa…kaya naman marapat lamang na mahalin natin ito at gamitin lalo pa’t tayo’y nasa ating bansa.

Magandang halimbawa ang ginawa ng ating pangulo sapagkat dapat itong magsimula sa pinuno ng ating bayan. At dahil d’yan dapat siyang i-klap-klap! (*^_^)

Team building kuno!

Huling hirit naming lahat ang tanggalin ang tension ng darating na pasukan. Kaya mega-team building kuno ang drama naming lahat. Gora sa swimming pool at dinama naming lahat ang sarap ng paglusong sa tubig…maalinsangan pa naman kaya perfect!

Masaya ang lahat. May kumakain, may kumakanta, may naghaharutan at may mga naglulunoy sa tubig. Isang  magandang pagkakataon para sa lahat na mag-relax.

Kung pag-uusapan ang kainan, naku, sobra-sobra ang dami ng pagkain kaya naman halos wala ring tigil ang pagkain naming lahat pag-ahon sa pool. Nariyan ang mga inihaw, spaghetti, pancit malabon, adobo at marami pang iba.

May mga todo ang birit sa videoke…kahit medyo may sayad ang ginamit naming videoke. Sa totoo lang, pagdating palang sa resort marami na ang pumuntirya sa paglalagay ng kani-kanilang paboritong awitin. May mga senti, may mga rockers, may mga biritera at biritero. May mga gusto lang kumanta…wala lang gusto lang nila at meron namang parang gusto ay siya na lang lagi…LOL…

At dahil team building nga namin, may mga palaro! Naglaro ng Pinoy Henyo, balloon relay at catch me if you can (palayuan ng pasahan ng lobong may tubig). Pero bukod sa mga official game, meron ding mga sariling game ang mga isip bata. May mga bumalik sa pagkabata…street fighter daw ang game..hehehe…sabuyan ng tubig…agawan ng magkakampi.

Isa sa mga larong napagkasunduan ang habulan…by pair daw dapat. Mega-holding hands kami ni Timbalicious…at malakas pa ang loob namin as if na marunong kaming lumangoy…LOL…so masaya lang…pero sa di inaasahang pangyayari…napunta kami sa bahaging di na naming abot…oh no!

Super tawanan pa kami…maya-maya…glub…glub…glub…glub…glub… nalulunod na pala kami. Hindi nga pala kami marunong lumangoy…at hindi pala sapat ang matangkad ka lang!

Nakakainom na ako ng tubig. Lumulubog na ako. Ganun din pala si Timbalicious. Magkahawak pa rin kami ng kamay kaya naisip naman naisip kong bitiwan na lang siya. Ngunit patuloy ang paglubog ko at hindi ko na magawang tumaas dahil bago iyon mangyari ay tawa pa kami ng tawa. Ubos na ang lakas ko, sa isang banta ng aking isip alam kong malapit lang ang aking mahal maaari n’ya akong iligtas at iyon nga ang nangyari. Habang nararamdaman akong unti-unti na akong lumulubog ay may bisig na humawak sa aking baywang at itinabi ako sa gilig ng pool.

Natakot ako at iyon talaga ang naramdaman ko ngunit pagkalipas ng ilang minutong pagbawi ng hangin…halakhakan na naman kami ni Timbalicious. Maya-maya parang walang nangyari. Kung minsan pakiramdam ko may mga sayad kami o baka iyon ang epekto ng tubig na nainom namin mula sa pool…naku, malamang may mga kasama na iyong ihi ng mga tinatamad pumunta sa CR…LOL.

Ang pangyayaring ito ay isa sa mga hindi ko malilimutan sa late summer getaway namin. Magkagayon man, naging masaya ang buong maghapon ng lahat. Nailabas namin ang mga kakulitan at pagiging isip bata namin habang naglalaro. May mga libreng seminar din para sa bagong kasal…hehehe…hindi ko alam ang detalye pero iyon ang pinagkaabalahan ng ilan sa amin.

Masasabi kong matagumpay ang aming team building at kahit paano ay nagkaroon ng pagkakataon ang lahat ng dumalo na makita ang kabilang side ng bawat isa. Iyon naman ang purpose ng gawaing ito, ang magkakilala pa ng lubos at magkaroon ng pagkakaisa. Pero sa susunod na magkaroon muli ng ganitong Gawain, titiyakin kong hindi na muling makainom ng tubig sa pool…LOL. (*^_^)


Hanapin ang nakasimangot...LOL!