Biyernes, Hulyo 5, 2019

Kuwentong may okasyon

Anong gusto ko ngayong nadagdagan na naman ang edad ko?



Sa totoo lang, marami akong gusto...lalo na noong bata pa ako at sa dami ng gusto ko, madalas hindi nangyayari o kaya ay natutupad.

Noong bata pa ako, nangarap ako na magkaroon ng party sa birthday ko pero madalas, isinasabay ito sa birthday ng kapatid ko. Pareho kasi kaming July...nasa unahan ako siya naman nasa huli...kaya ang pagdiriwang birthday niya. Nagtatanong pa ako noon sa sarili ko kung bakit laging ganoon, iniisip ko na lang na ang dahilan ay pagtitipid. Isa pa, ang petsa ng aking kaarawan ay hindi tapat sa sweldo ng aking mga magulang kung kaya't hindi na ako umaasa...na-realize ko na lang 'yun nung nagtatrabaho na  ko.

Madalas ding umuulan sa birthday ko, kaya noon lagi kong dalangin na sana hindi umulan o kaya walang bagyo kapag sasapit ito. Pero sa isang banda, iniisip ko na lang na blessing ang ulan kaya okay lang.

Gusto ko ring makatanggap ng mga regalo (sino ba namang ayaw?) pero mas madalas na wala. Kaya nung minsang tinanong ako ng tatay ko kung anong gusto ko sa birthday ko (fourth year high school na yata ako noon), pinera ko na lang...at least mabibili ko gusto ko. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakahawak ako ng 500 pesos. Nanlaki ang mga mata ko...naisip ko bibili ako ng Sweet Dreams pocket book (uso noon kasabayan ng Sweet Valley High) at saka bibili rin ako ng songhits...'yung Solid Gold. Masaya na ako noon. Kahit na hindi ako nakatatanggap ng regalo tuwing birthday ko naisip ko na sapat na pinag-aaral nila ako at may pagkain sa bahay.

Isa rin sa wish ko na sana magluto ng spaghetti ang nanay ko kapag dumarating ang okasyon na iyon, pero laging pansit canton ang niluluto niya...ang dahilan, hindi raw madaling mapanis ang pansit. Naisip ko na lang, kasi n'ung mga panahong iyon, wala pa naman kaming ref...so praktikal na pansit na lang rin. Kung sabagay noon, hindi naman ganoon kagarbo ang mga handaan. Pansit, lumpiang shanghai, tasty at barbecue ang karaniwang handa sa mga okasyon at ang inumin kung hindi softdrinks ay ang tinimplang Sunny Orange o kaya grapes. Marami nang nakakakain noon. 

Dahil sa ganitong mga pangyayari, nasanay na akong ganoon taon-taon ang takbo ng birthday ko...karaniwan walang handa kundi pansit para raw humaba ang buhay ko at wala ring mga regalo. Naisip ko na lang na siguro kapag nakapagtapos ako at nagkatrabaho mas magiging okay na ang pagdiriwang ng kaarawan ko pero dahil nga sa sanay na ako sa ganoong takbo bawat taon...bumibili na lang ako ng bagay na nagpapasaya sa akin. 

Masaya na ako sa mga pagbati ng mga kapamilya ko. Sa ngayon naman, nagkakaroon naman ng simpleng handaan o kaya pagkain sa labas...kaya okay na rin. Ang mahalaga naman sa mga kaarawan ay pagpapasalamat sa buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal.

Sa ngayon, dalangin ko na lang ang malusog na pangangatawan, masayang pamumuhay kasama ang aking pamilya at manatiling positibo sa mga pagsubok sa buhay. 

Kaya, Maligayang kaarawan sa akin! πŸ°πŸŽˆπŸŽˆπŸŽˆπŸŽ‰πŸŽ‰πŸŽ‰

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Lunes, Hunyo 24, 2019

Padaan sandali...

Inaagiw na yata ang blog ko... hehehe



Isang taon nang tulog ang blog ko dahil sa hindi ko maharap. Gustuhin ko mang bumalik parang ang hirap sapagkat maraming nakabinbin na gawain at trabaho. 

Sabi ko papasyalan ko lang ito sandali pero napatipa ako ng konti. 

Natuwa ako nang makita kong may pageview pa rin pala ang blog ko...amazing! (hehehe...) So, meron pa palang napapadpad dito...Salamat sa inyo! mula iyan sa kaibuturan ng aking taba...este...puso. 

Para sa mga napapadpad sa blog na ito:  Kumusta? Pasensya na at wala pa ring bagong kuwentong may kuwenta dito. Sana kapag sinipag na akong mag-update ay makapamasyal ka pa rin dito. 😊

Saglit na pagpasyal lamang ito na walang laman...sabaw na yata ang utak ko sa dami ng dapat kong isipin.  Ninanais ko nang bumalik at pansining muli ang aking mga blog kaya lang talagang sa ngayon hindi ko mahanapan ng oras. 

Namimiss ko nang gumawa ng mga review...magkuwento lang ng kung ano. 

Pangako, muli akong magsusulat. Muli akong magiging masaya sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng kalayaan. 

Hanggang sa sunod na paskil! πŸ‘‹πŸ‘‹πŸ‘‹

Martes, Setyembre 11, 2018

Malalim pa ang gabi



Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.

Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.

Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa. 

Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan. 

Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat. 

Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.

Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.

Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito. 
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)

PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)

Linggo, Agosto 6, 2017

May maisulat lang



Hindi ko na napansin ang pagtakbo ng oras. Ang alam ko lang ay may kailangan akong gawin at tapusin. Ngunit sa kabila ng mga gawaing ito, napadpad akong muli sa aking pahinang matagal ko nang hindi napagtutuunan ng pansin.

Kung tutuusin wala naman talaga akong balak isulat...bagaman may mga ideya na patuloy na pumapasok sa isipan ko, mga nais kong ibahagi subalit hindi ako makahanap ng oras at panahon para isatitik ang mga ito.

Sa matagal na pananahimik ko sa pagsusuri ng mga pelikula at pagsusulat ng mga pangyayaring naranasan ko... nais ko muling bumalik. Nais ko muling magbahagi. Hindi ko naman kinalimutan kaya nga lamang ay maraming gawain na nakapipigil sa aking gawin ang isa sa mga hilig ko...at ito ay magsulat.

Masasabi kong nakaw na sandali ang pagkakataong ito na makapagpaskil ako ngayon. Maikling hinaing lamang ang magagawa ko sapagkat hindi sumasapat ang mga salitang aking nabubuo upang ayusin at pagandahin ang mga habi ng pangungusap ko.

Bahala na kayong umunawa, kung mauunawaan ninyo. Tanong ko lang palagi sa aking sarili tuwing ako'y magpapaskil... may nagbabasa ba naman sa mga paskil ko. (Asa mode lang di ba?)(*^_^)


Photo Credit:Ugly Dukcling Don't


Lunes, Abril 10, 2017

Kalma lang bawal pikon

Pikon ang laging talo.

Madalas itong binabanggit kapag napansin ng kausap mo na naasar ka o nagalit at hindi mo nakuhang kontrolin ang iyong sarili. Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo at nadaragdagan ang mga wrinkles mo dahil sa hindi mo makuhang ngumiti man lang. Sa paglipas pa ng ilang araw magugulat ka at marami ka na palang puting buhok dahil madalas kang mainis, maasar o kaya nama’y magalit.

Tanong ko lang, hahayaan mo bang pumangit ka dahil sa mga ganoong bagay? Hindi mo dapat dibdibin ang mga ganoong pangyayari...dapat ay gumawa tayo ng paraan para mawala ang inis at asar na ‘yan.

Narito ang ilan sa mga katwiran ko kapag nakadarama ako ng pagkaanar o inis.

1. Kapag galit ka, magpaganda ka!




Ito ang pinaka unang katwiran ko sa buhay... dapat maganda ako kapag humaharap sa aking mga kliyente...magalit man ako, maganda pa rin! (Dapat super red and lipstick para masaya.)

2. Gusto kong maging alien

Madalas ko itong isipin kapag nakakaharap ko ang mga taong malabong kausap. Sila kasi ‘yung mga taong kahit gaano pa kalinaw ang paliwanag at instruction na binigay ay hindi nila ma-gets. Para bang Malabo pa rin... kaya minsan gusto kong maging alien, ang labo kasi nila. Hayyy...

3. OO na lang


Ito na lang ang masasabi ko sa sarili ko kapag ang kausap ko ay maraming sinasabi, panay paliwanag at paligoy-ligoy. Hindi ko na alam kung saan ba talaga ang punto. Nakakayamot makinig lalo na kung alam mo na ang totoo tapos kung ano-ano pa ang sasabihin. Pwede ba, hindi ako t_n_a... nag-aral din naman ako... kaya sige, oo na lang para matigil ka na. Kapagod sa tainga ang mga alibi.

4. Idaan sa ngiti

Isa sa mga bagay na dapat mong gawin kapag nayayamot na ay ngumiti. Una, wala ka na namang magagawa kung sakaling nakagawa ng pagkakamali. Pangalawa, mapapagod ka lang sumimangot na magiging dahilan para pumangit. Sabi nga mas maraming muscle ang gumagana kapag nakasimangot kaya dapat ngumiti na lang tayo kahit nayayamot.

5. Magselfie na lang

Madalas kapag selfie, ngumingiti tayo... kaya kaysa ma-imbyerna, i-selfie na lang yang pagka-badtrip na nararamdaman at saka magbuntong hininga. Maasar ka man hindi halata.

Kung tutuusin marami naman tayo pwedeng gawin para hindi tayo tuluyang magalit at matanggal ang nararamdaman nating inis o kaya ay pagkaasar. Nasa atin na rin kung masyado tayong magpapaapekto sa mga iyon.

Maikli lang ang buhay para sayangin ang oras para maasar at mainis. Baka mamaya niyan tayo lang ang naiinis pero yung kinaiinisan natin wala lang sa kanila...lugi pa tayo. Kaya dapat mas marami tayong oras na maging masaya, at lagi tayong maging positibo. (*^_^)

photo credit:
https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwivn6Sf0KvTAhWBMpQKHevDCZEQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fkatelouisse.wordpress.com%2F2017%2F01%2F24%2F4199%2F&psig=AFQjCNFqys1qlu_nEpBL_n1_-igtm1J91w&ust=1492523037802819

https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwjIrdrM0qvTAhUMkJQKHeczApAQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fmemesuper.com%2Fcategories%2Fview%2Fe6940c873e2b1b5ed5bd25248e187e5c6dbd1219%2Foo-na-lang-meme.html&psig=AFQjCNGVRNp6T7WGt8m4t0o8O9rHs2h3vA&ust=1492523798728202


Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)