Lunes, Disyembre 26, 2011

MC Sessionista :)

MC Sessionista eating at...


madalas sa McDonalds kami nanginginain at naghuhuntahan... 
pero dahil magpapasko at para maiba nagpunta kami ng Chef d Angelo...

pero eto ang kuwento kung bakit nagcelebrate kami!


Sa hindi inaasahang pagkakataon, pinalad na makuha ni Bheng ang ikatlong puwesto sa pinakamaputing babae sa MC Sessionista... inalayan siya ng palakpak at natatanging korona na natagpuan sa kung saang sulok ng apat na sulok ng kanyang mundo....


...nahihiya man ay kumaway-kaway pa siya sa madlang people...(kung meron man...hehehe)

Pumangalawa naman si Ting, ipinasa ni Bheng ang korona sapagkat wala nang ibang maipapasa pa... 


tuwang-tuwang tinanggap ni Ting ang korona...


tatararan... presenting princess Ting..hehehe...


...pero dahil naiiba...inilipat ni Ting ang korona ... 

kay...

eh...sa akin pala...hehehe...


iba pa la feeling kapag kumakaway...LOL...


pero mas masarap pa ring maging anghel..hahahha...

ngunit di nagpaawat ang pinaka-cute at reigning...ms. korona


at 'yan ang dahilan ng celebration...

eat-all-you-can


one, two, three...click!
buti hindi gumalaw...LOL...


sa totoo n'yan...binantayan niya talaga ang mga stub na 'yan! heheh...


yummy....yummy...yummy....





Round 1



  
 ...Round 2 na sila...


...sumakit na yata ang ulo dahil sa kabusugan...
kaya mo 'yan...Rachel..LOL

pero nagcelebrate din kami dahil magkakaroon na daw ng tv sila Me-an


dahil d'yan...

CONGRATULATIONS!

Matapos manginain...


busog agad...


tumapong pagkain


napasayaw...


tamang trip lang...


at tamang tayo lang 
at iwanan ang bakas ng kabusugan!

(*^_^)

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Bakit pa kasi gumawa ng blog?

Bigla na lang ang daming tanong sa isipan ko...ewan ko nga ba kung bakit pero ganun talaga

Halos naka-isang taon na akong nakagawa ng blog na matagal ko nang minimithi pero ngayong meron na akong blog bakit wala naman akong mailagay...bakit parang wala na akong oras? Ningas kugon nga lang ba ako. Parang ang yabang ko pang tatlo pa ang ginawa ko.

Parang kayang i-update everyday. Parang napakaraming oras para humarap sa kuwadradong mundo. Parang napakasigasig sumulat.

Gusto ko nang katukin ang utak ko eh...bakit pa kasi gumawa ako ng blog gayong hindi ko naman pala magagawang malagyan ng kung anu-ano.

Pero, muli kung binasa ang mga naitala ko na...maayos naman...nakakatuwa naman...nakaka-excite naman pero sad pa rin ako dahil tila wala namang nagbabasa.

Ano nga ba ang dahilan ko sa paggawa ng blog? Una, gusto kong mabasa ng ibang tao kung anong nasa isip ko. Pangalawa, gusto kong mabasa ng ibang tao ang mga likha ko. Pangatlo, para ipaalam kung gaano ako kaadik manood ng mga pelikula.

Tila ang babaw ng dahilan ko...pero 'yun talaga 'yon! Walang labis, walang kulang...pero kung sa inyong palagay eh may kulang e di dagdagan ninyo...pero ang sa akin lang WALANG PAKIALAMAN!

Kaya masisisi n'yo ba ako kung itanong ko sa aking sarili kung bakit pa ako gumawa ng blog? Ang umeksena...papampam!

Linggo, Oktubre 2, 2011

Kumanta siya, umiyak ako

Nang sumalakay si Pedring nawalan kami ng kuryente. Dalawang araw na walang kuryente dito sa amin. Sa unang gabi, walang magawa. Ang gitara ko...wala sa tono kaya wala akong magawa. Kaya...tulog na lang muna.

Sa pangalawang gabi, tila ganoon ulet ang drama ng buhay ng mga walang kuryente....bago sumapit ang dilim kailangan, luto na ang pagkain...at bago pa tuluyang mabalot ng dilim ang buong paligid at mga malabong ilaw na lamang ng kandila ang magsisilbing liwanag ay kailangang nakakain na. 

Hindi naman namin inaasahan na hindi pa rin magkakaroon ng kuryente. Ang anak kong buhay na buhay pa rin ang energy sa kabila ng madilim na kapaligiran...inuto kong kumanta.

Marami siyang kinanta na kinakanta daw nila sa school...pero may isang awitin na tinamaan ako...

eto iyon...

Bago ko ipikit ang mata ng mahigpit
kaya bago pa managinip kayo ang nasa isip

Ang pamilyang ito, may pag-ibig na totoo
kaya abot hanggang langit 
ang pasasalamat ko

Dear God, salamat po 
sa pamilyang ito
Huwag n'yo pong pababayaan 
ang mga minamahal ko
Dear God, salamat po
panalangin ko'y dinggin
sana'y laging may pag-ibig
sa tahanan namin

Nanay at tatay ko
sa akin ay the best kayo
kapatid kong makulit
hindi kita ipagpapalit

Dear God, salamat po
sa pamilyang ito
huwag n'yo pong pababayaan 
ang mga minamahal ko
Dear God, salamat po
panalangin ko'y dinggin
sana'y laging may pag-ibig 
sa tahanan namin


natuwa ako sa pagkanta n'ya punung-puno ng feelings...
mabuti na lang at madilim hindi n'ya pansin ang luha ko...

Kalungkot lang hindi ko na-record...siguro pag nauto ko na lang siya ulet!

Nakakatuwa talaga siya...(*^_^)
Sep. 28,2011




Lunes, Setyembre 19, 2011

Mabahong usapan...as in eeewww!



Marami ang nagsasabi na magandang ehersisyo ang paglalakad. Kaya naman ang motto ko…(na sinabi rin ni drew..ehem) ‘Lahat ay walking distance.’

Pero paano kung ang kalsadang daraanan mo ay puno ng mga …jackpot?!?

Paumanhin sa mga kumakain… pero hindi ba’t nakakadiri…nakakawalang gana at talaga naman nakakaasar lalo na kung umagang-umaga ito ang babati sa’yo! (eeewww!)

HIindi naman ako maselan sa mga mababahong amoy…maging sa mga dumi ng hayop…pero ang hindi ko gusto ay ang kawalang manners ng mga aso na araw-araw ay ginagawang palikuran ang kalye.

Walang araw na walang jackpot sa dinadaanan kong kalye…pwera na lang kung umuulan. Tulad na ng nasabi ko na kung baho rin lang ang pag-uusapan di ko na iyon pansin…pero ang nakakadiri ay ang nagkalat na jackpot na napisa na ng mga gulong ng mga sasakyan o kaya’y may suwerteng nakaapak dito! (Eeewww)

Pero ang malala ay ang pagpapatintero sa mga nakaladkad ng mga gulong o mga tsinelas na bumuo ng mga pulo-pulo sa kahabaan ng kalye. Talagang nakaka-eeewww!

Sabihin n’yo nang nag-iinarte ako… pero nagsasabi lamang ako ng isang katotohanang araw-araw na bumabati sa aking umaga. How I wish magpalit tayo ng sitwasyon kung saan kayo ang makakasaksi ng mga bastos na mga asong hindi magpagawa ng sarili nilang palikuran para hindi nakakahiya sa taong katulad natin!

Hay naku, talaga! EEEWWW!
(*^_^)

Setyembre 19, 2011

Huwebes, Hulyo 28, 2011

Sa sasakyang pampasahero


Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman kanina nang sumakay ako ng jeep papasok sa trabaho. 

Malapit nang mapuno ang jeep siguro ay mga apat na tao na lamang ang hinihintay at lalarga na...kaya naman wala na akong choice mamili ng uupuan. Isa pa, medyo naghahabol na ako ng oras at baka mahuli pa ako ng dating...umuulan pa!

Sa madaling salita, nagtuloy-tuloy ako loob ng jeep na hanggang umabot ako malapit sa likod ng drayber. Sa kabilang side may kakilala pa ako at nakabatian...sa tabi ko ay mag-asawa yata 'yun…hindi ko alam kung mag-ano sila basta ang alam ko may relasyon sila..lalaki ang nakatabi ko at nasa likod ng drayber ang babae.

Hindi naman ako maselan sa katabi pero minsan talagang may kakaibang pakiramdam tayong mga babae sa ikinikilos ng mga katabi natin sa jeep lalo na kung ito’y lalaki. Hindi ko maintindihan kung anong meron sa katabi ko at panay ang dukot sa bulsa ng kanyang pantalon kung saan nakadikit sa akin. N’ung una dedma lang…baka naman talagang may kukunin siya…sige pagbigyan.

Pero ang ikinaasaran ko ay tila pinipilit niyang humarap sa akin…hindi ko maintindihan kung ngayon lang ba siya nakakita ng babaeng katulad ko…kung yelo ako siguro natunaw na ang kamay at braso at mukha ko sa sobra niyang pagtingin.

Sa kasagsagan ng byahe aba…dumukot na naman sa bulsa…kunyari kinuha ang celfon niya eh hindi naman tumunog at kunyaring inilagay sa bag…at muli dumukot sa bulsa na hindi ko alam kung ano namang kinuha.

Sa isip ko, sana’y malapit na ang bababaan ko dahil kung hindi ay hindi ko na mapipigilan ang aking matabil na bibig at makakarinig siya ng mga salitang hindi n’ya magugustuhan.

Tila hindi pa siya nagsawa sa babaeng katabi n’ya na maya’t maya ay inaakbayan at inaamoy-amoy…buti sana kung may fes s’ya eh wala naman…parang galing sa inuman na naisipan lang sumakay ng jeep at magtrip sa pagmumukha ko.

Kabuwisit talaga siya as in! Lingid sa kaalaman ko ay katabi ko pala ang isang kasamahan buti na lang at medyo nawala ang kunot sa noo ko dahil may nakausap ako. Mabuti na lang rin at malapit na kaming bumaba…naglalaro na nga sa isip ko na sadyaing apakan ang kanyang paa o kaya ay sikuhin siya bago bumaba. Para makabawi sa pagkaasar ko sa kanya…pasalamat siya at naka-uniporme ako kung hindi…dyinombag ko siya ng bongga! Hmp!

Martes, Hulyo 26, 2011

Filipino ang SONA?

State of the Nation Address ng pangulo…eh ano naman? Karaniwan ganyan ang reaksyon ko…siguro hindi lang ako pero isa sa mga kinaiinisan ko sa SONA ay ang wikang ginagamit ng mga lumipas na pangulo sa pag-uulat sa bayan. Natuwa ako dahil sa SONA ni Pang. Noynoy Aquino kahapon ay binigkas niya sa wikang Filipino.

Ngunit wala akong balak na batikusin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Hindi ko rin masasabing nagustuhan ko ang mga sinabi niya. Ang sa akin lang ay nagawa niyang maabot ng kanyang tinig ang mas nakararaming mamamayang Pilipino. Mas marami ang nakaunawa at nakabatid ng kanyang mga iniulat.

Mas marami nga namang hindi nakauunawa ng wikang Ingles subalit marami nang pangulo ang nagdaan na hindi nagtalumpati sa ating sariling wika. Mas pinili nilang gamitin ang wikang banyaga kung saan ang mga nakapag-aral o nag-aaral lamang ang nakauunawa.

Nakatutuwang isipin na hindi nagdalawang isip ang ating bagong pangulo na gamitin ang ating sariling wika. Maaaring para sa iba ang kanyang mga sinabi ay kulang pa…ni hindi nga n’ya napagtuunan ng pansin ang usapin sa edukasyon o kaya’y sa kalusugan ngunit kahit ganoon man ay wala akong pakialam ang mahalaga wika natin ang ginamit niya.

Kung sabagay, marami rin naman ang nagsasabing unang taon pa lamang n’ya kung kaya’t hindi dapat na paghanapan ang pangulo. May limang taon pa siyang gugugulin para paunlarin ang bansa at itama ang mga mali ng mga nakalipas na mga administrasyon.

Ngunit ang mahalaga sa akin ay gumamit siya ng wika natin na mas lubos na mauunawan ng mas nakararaming mamamayan…maging ng mga taong hindi nakapag-aral. Sabi nga ang Wika ang kaluluwa ng bansa…kaya naman marapat lamang na mahalin natin ito at gamitin lalo pa’t tayo’y nasa ating bansa.

Magandang halimbawa ang ginawa ng ating pangulo sapagkat dapat itong magsimula sa pinuno ng ating bayan. At dahil d’yan dapat siyang i-klap-klap! (*^_^)

Team building kuno!

Huling hirit naming lahat ang tanggalin ang tension ng darating na pasukan. Kaya mega-team building kuno ang drama naming lahat. Gora sa swimming pool at dinama naming lahat ang sarap ng paglusong sa tubig…maalinsangan pa naman kaya perfect!

Masaya ang lahat. May kumakain, may kumakanta, may naghaharutan at may mga naglulunoy sa tubig. Isang  magandang pagkakataon para sa lahat na mag-relax.

Kung pag-uusapan ang kainan, naku, sobra-sobra ang dami ng pagkain kaya naman halos wala ring tigil ang pagkain naming lahat pag-ahon sa pool. Nariyan ang mga inihaw, spaghetti, pancit malabon, adobo at marami pang iba.

May mga todo ang birit sa videoke…kahit medyo may sayad ang ginamit naming videoke. Sa totoo lang, pagdating palang sa resort marami na ang pumuntirya sa paglalagay ng kani-kanilang paboritong awitin. May mga senti, may mga rockers, may mga biritera at biritero. May mga gusto lang kumanta…wala lang gusto lang nila at meron namang parang gusto ay siya na lang lagi…LOL…

At dahil team building nga namin, may mga palaro! Naglaro ng Pinoy Henyo, balloon relay at catch me if you can (palayuan ng pasahan ng lobong may tubig). Pero bukod sa mga official game, meron ding mga sariling game ang mga isip bata. May mga bumalik sa pagkabata…street fighter daw ang game..hehehe…sabuyan ng tubig…agawan ng magkakampi.

Isa sa mga larong napagkasunduan ang habulan…by pair daw dapat. Mega-holding hands kami ni Timbalicious…at malakas pa ang loob namin as if na marunong kaming lumangoy…LOL…so masaya lang…pero sa di inaasahang pangyayari…napunta kami sa bahaging di na naming abot…oh no!

Super tawanan pa kami…maya-maya…glub…glub…glub…glub…glub… nalulunod na pala kami. Hindi nga pala kami marunong lumangoy…at hindi pala sapat ang matangkad ka lang!

Nakakainom na ako ng tubig. Lumulubog na ako. Ganun din pala si Timbalicious. Magkahawak pa rin kami ng kamay kaya naisip naman naisip kong bitiwan na lang siya. Ngunit patuloy ang paglubog ko at hindi ko na magawang tumaas dahil bago iyon mangyari ay tawa pa kami ng tawa. Ubos na ang lakas ko, sa isang banta ng aking isip alam kong malapit lang ang aking mahal maaari n’ya akong iligtas at iyon nga ang nangyari. Habang nararamdaman akong unti-unti na akong lumulubog ay may bisig na humawak sa aking baywang at itinabi ako sa gilig ng pool.

Natakot ako at iyon talaga ang naramdaman ko ngunit pagkalipas ng ilang minutong pagbawi ng hangin…halakhakan na naman kami ni Timbalicious. Maya-maya parang walang nangyari. Kung minsan pakiramdam ko may mga sayad kami o baka iyon ang epekto ng tubig na nainom namin mula sa pool…naku, malamang may mga kasama na iyong ihi ng mga tinatamad pumunta sa CR…LOL.

Ang pangyayaring ito ay isa sa mga hindi ko malilimutan sa late summer getaway namin. Magkagayon man, naging masaya ang buong maghapon ng lahat. Nailabas namin ang mga kakulitan at pagiging isip bata namin habang naglalaro. May mga libreng seminar din para sa bagong kasal…hehehe…hindi ko alam ang detalye pero iyon ang pinagkaabalahan ng ilan sa amin.

Masasabi kong matagumpay ang aming team building at kahit paano ay nagkaroon ng pagkakataon ang lahat ng dumalo na makita ang kabilang side ng bawat isa. Iyon naman ang purpose ng gawaing ito, ang magkakilala pa ng lubos at magkaroon ng pagkakaisa. Pero sa susunod na magkaroon muli ng ganitong Gawain, titiyakin kong hindi na muling makainom ng tubig sa pool…LOL. (*^_^)


Hanapin ang nakasimangot...LOL!

Martes, Hulyo 5, 2011

basura with thoughts...

Sabi ko lahat ng hindi ko na kailangan itatapon ko na…pero kung minsan 25% lang ang naitatapon ko. Mahilig kasi akong magtabi ng kung anu-ano na may sentimental value. Mahirap kasing magtapon ng gamit na naging bahagi ng iyong pagkatao kaya naman hindi ko basta maitapon.

Sa paghahanap ko ng mga bagay na hindi na gaanong mahalaga sa akin…napagtanto ko na marami pala akong naisulat na kung anu-ano sa iba’t ibang uri ng papel. Tulad ng likod ng notebook, resibo, kapiraso ng kartolina at iba pang pwedeng sulatan. At habang isa-isa kong binabasa ang mga isinulat ko…natawa ako.

Ang iba kasi sa mga ginawa ko ay di mga tapos ngunit nagpapaalala ng mga nangyayari kung bakit ko ito isinulat…tulad nito:

“May mga pagkakataong gusto kong pulutin ang mga nagkalat na maliliit na bato para ipukol sa iyo. Hindi naman nangangahulugang ayaw ko sa iyo o galit ako sa’yo ngunit mapang-akit ang mga batong ito na nagnanais dumampi sa iyong balat.”

Naisulat ko noon…kung sino ang tinutukoy ko…di ko na kailangang i-reveal (hehehe)…pero may kasunod pa pala iyan…

“Unang-una, hindi ko kasi lubos na pinaniniwalaan ang iyong sinasabi. Hindi ko maunawaan kung bakit napakaraming paliguy-ligoy sa iyong sinasabi.”

Siguro nabobored lang ako sa kausap ko kaya iyon ang mga naisulat ko.

Mayroon pang isa…mukha naman akong badtrip sa sinulat kong ito pero hindi ko na rin sasabihin kung sino ang tinutukoy ko…

“I hate to say this but I hate you! I hate everything about you! I hate your big brown eyes! I hate your steel bracket…toot…toot…toot!”

Hindi lang yata ako badtrip…galit na yata ako kasi English na ang ginamit ko eh,  pero for sure…wala na sa akin ‘yun ngayon kung ano man ang kinaasaran ko ng mga panahon na iyon!

May mga pagkakataon din na tinatanong ko ang aking sarili tulad nito:

“Ginagawa natin ang isang bagay dahil masaya tayo dito. Pero paano kung hindi ka na masaya at wala ka nang gana? Magpapatuloy ka pa ba?”

Sa totoo lang, lagi ko itong naitatanong sa aking sarili pero nagpapatuloy pa rin ako… parang tulad din ng naisulat kong ito…

“I’m quiting, yes, I am but then again I’ll be like a broken record for here I am again!”

Ilang beses ko na bang sinabi na mag-quit pero later on ako pa rin… I know one day I will be free from stress.(*^_^)

Huwebes, Mayo 26, 2011

'Pag pumula ang mata

First time kong magkaroon ng SORE EYES and because of that I don’t really know what to do. I kept on asking my friends, my husband and my parents.
I’m so paranoid. I felt that I’m going to lose my eyesight (overacting ako…) pero iyon talaga ang naglalaro sa isip ko, kaya lagi kong tanong:

Talaga bang parang malabo ang paningin kapag may sore eyes?

Sagot nila:

OO, dahil nagluluha ka at natural lang ‘yan sa may ganyan!

Pero kahit sinasabi nilang natural lang iyon, paulit-ulit pa  rin akong nagtatanong…(hindi naman ako makulit naninigurado lang).

Meron pa akong isang tanong:

Talaga bang lumiliit ang mata kapag merong sore eyes?

Sagot nila:

Syempre, sore eyes nga eh…namamaga kaya liliit!

Haaayyyy!!!!

Ang hirap palang magkaroon nito. Una, natatakot ako kasi mata…pangalawa ang hapdi at pangatlo halos di ko mamulat ang akong beautiful eyes…ehem! J

Paggising sa umaga…di ko maimulat ang aking mata parang may glue…kapag naimulat ko naman at tiningnan sa salamin…eh para naman akong zombie dahil pulang-pula..(super kakaasar!)

abi ng nanay ko…magshade daw ako…hiya naman ako magsuot lalo na paggabi na…minsan kasi ginabi akong umuwi galing sa kanila…magshade daw ako habang nasa byahe…isipin n’yo na lang ang itsura ko sa kalaliman ng gabi na nakashade…parusa!
Gusto ko na nga lang pagtawananan ang pangyayaring ito sa buhay ko…drama…pero may mga bagay din na nakakainis. Ito ‘yung tipong pagtitinginan ka ng mga nakakasalubong mo…mayroong lihim na matatawa dahil sa hindi pantay ang laki ng mata ko…at akala naman nila super ganda sila…at isa pa parang ngayon lang sila nakakita ng merong sore eyes!

Anyway. mabuti at wala pang pasok nang magkaroon ako nito hiling ko lang n asana wag nang mahawa ang kabila dahil pag nagkataon kalbaryo na naman!(*^_^)

Huwebes, Mayo 12, 2011

Ganda ng ads, hina ng signal!

 Ano ang gagawin mo kung ang pangakong inaasahan mo na ibibigay ng iyong gamit na broadband ay hindi naman makatugon sa bilis na gusto mo?
A.    Maasar
B.    Magagalit
C.   Magrereklamo
D.   Magpapalit na lang ng iba
E.    Lahat ng ito

Kung ako ang tatanungin, letrang E ang magiging sagot ko. Syempre imposibleng di ka maasar habang excited kang magsurf sa world wide web subalit ang gamit mong broadband ay biglang hihina ang signal at babagal. Iyong tipong nanonood ka ng isang video sa youtube tapos pahinto-hinto hanggang sa tuluyang hindi mo na mapanood sa sobrang hina ng signal.

Sa umpisa, pagpapasensyahan mo muna muli ka na lang kokonekta at aasa na mabilis na ang serbisyo. Iisipin na, talagang ganoon minsan dahil sa marami ang nag-iinternet…parang cable at ordinaryong antenna ng t.v….na kapag marami daw ang naka-cable malamang lalabo ang sagap ng antenna sa bahay n’yo dahil naaagaw daw ng cable.

Sa totoo lang hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung totoo ba ang balitang iyon…at ngayon nga ganoon din ang paniniwala ng iba na gumagamit lamang ng broadband kaysa line sa pag-iinternet. Lalo na raw kapag Friday, marami daw ang nag-iinternet kaya naman magiging super bagal ang serbisyo.

Nauunawaan ko ‘yon…sige na…ganoon na nga siguro pero bakit madalas talaga mabagal at mahina ang signal? Siguro naman bilang isang customer na naniniwala sa mga ads at commercial ng mga telecom company may karapatan ako o kaya kami na magtanong kung bakit ang ilan sa amin hindi ma-achieve ang mga pangakong pinaniwalaan namin.

Tila hindi ko matanggap na ang idadahilan kung minsan eh, baka dahil sa lugar kaya mahina. Unang-una, hindi ba’t dapat kahit saan pwede…dahil iyon ang unang bagay na nagustuhan ng kagaya ko…kahit saan pwedeng dalhin iyon naman pala ay may lugar lamang na kinikilingan.

Nakakagalit din kung minsan na hindi masulit ang load na inilagay dahil nga sa bagal ng koneksyon. Minsan naman linya na nga hindi pa maganda ang serbisyo at pagkatapos na ireklamo ay mangangakong aayusin at titingnan daw. Pero darating ang bill para maningil sa hindi mo naman nagamit na serbisyo…hindi ba’t nakakagalit. Dapat sana kung naghain na ng reklamo at hindi naman naayos ang koneksyon ay pansamantala munang ihinto ang paniningil…kaso ang problema mabilis maningil eh, hindi naman maayos ang serbisyo.(grrr…)

Pero kung wala ka nang magawa, nabutas na ang bulsa mo at nangulubot pa ang balat  mo sa mukha dahil sa pagkaasar at hindi ka na nakapag-enjoy sa paglalakbay sa worldwideweb…mabuti pang palitan mo na lang ng iba ang gamit mong broadband. Tiyakin mo na rin kung maganda ang serbisyo nito.

Kaya lang may napapansin ako, nang minsan kasing gumamit ako ng making things possible, sa umpisa super lakas ang signal…makalipas ang ilang buwan…biglang humina kaya naman napilitan akong gumamit ng simply amazing…aba’y ganoon din…super enjoy ako surfing ng ilang buwan pagkatapos…bumagal na naman… parang nakahalata tuloy ako…nabibigayan ba sila ng panahon para ang tulad ko ay mag-avail ng dalawa?

Nagtatanong lang naman ako hindi ko kasi maintindihan kung bakit minsan sobrang bilis ng koneksyon minsan naman sobrang bagal…sana naman kung gaano kabilis ang ngiti ng mga teller sa pagtanggap ng aming bayad ay ganoon din sana kabilis ang serbisyong ibinibigay. Magaganda pa naman at talagang nakaka-enganyo ang mga patalastas sa t.v. with smiley…tapos pagdating sa amin…magiging sad face…aba, unfair yata ‘yun!

Sa isang banda ng isip ko, baka ako lang ang nakakaranas n’on…pero kwidaw kung ako nga lang ba? Eh, sa totoo lang, di sila nakakatuwa! HMP!(*^_^)

Linggo, Abril 3, 2011

Ikatlong Taon Pangkat Tatlo (2010-2011)

Hindi ko alam kung anong dahilan at gumawa ako ng liham para sa inyo. Siguro dahil sa ako ang inyong tagapayo at sa aking palagay ay kailangan ko kayong payuhan.
Maraming nangyari sa isang buong taon. Ilang beses nabago ang mga bilang at mga mag-aaral sa pangkat na ito. At siguro sasabihin kong maswerte kayo at kayo ang mga napiling manatili sa pangkat na ito kahit ayaw naman talaga ng iba sa akin bilang tagapayo ninyo.
Marami na rin akong naikuwento sa inyo. Sa buhay ko noon at maging sa buhay ko ngayon. May pagkakataon rin na talaga namang nauubos na ang aking pasensya at hindi ko rin maiaalis na naging masaya rin ang mga araw nating magkakasama sa apat na sulok ng silid-aralan natin.
Kung minsan hindi ko talaga alam kung nakakatawa ba ang itsura ko dahil madalas natatawa kayo kapag ako ang kaharap…pinagtatawanan n’yo ba talaga ako? …pero alam ko namang hindi… madalas natatawa kayo dahil sa kababawan ng mga sinasabi ko.
Madalas din, nakikita ninyo ang natural beauty ko…dahil sa inyo palagi akong pumapasok na walang kaayos-ayos…walang make-up at hindi ko na alintana kung ano man ang sabihin ninyo dahil doon.
Pero ang liham na ito ay hindi tungkol sa akin bilang ako o bilang isang guro. Ang liham na ito ay tungkol sa inyo…kayo bilang isang kabataan..kayo bilang isang mag-aaral…kayo bilang mga anak ko sa isang buong taon.
Sa loob ng sandaling panahon, marahil ay maraming bagay kayong natutunan mula sa aming mga guro at aminin man namin o hindi ganoon din kami sa inyo…siguro lalo na ako…ngunit hindi ito tungkol sa mga lesson na pinag-aaralan natin kundi tungkol ito sa mga obserbasyon na nakikita ko sa bawat isa sa inyo.
Sa inyong pangkat, nandyan na ang lahat ng pwedeng makita…mahilig mang-asar, magpatawa, sumagot o kaya naman ay manahimik. Ngunit sa dami ninyo, ilan lang talaga ang sineseryoso ang pag-aaral. Mas marami ang pumapasok dahil walang ibang choice kundi pumasok at magtiis ng limang oras na nakaupo sa loob ng klasrum.
Pero ito lang ang gusto kong sabihin sa inyo…una, mag-aral kayong mabuti. Huwag ninyong hintayin na dumating ang pagkakataon na sasabihin ninyo sa inyong sarili na…’sana inayos ko ang aking pag-aaral noon’. Sikapin ninyong makatapos, kahit vocational lang dahil sa panahon ngayon…mahalaga ang may pinag-aralan. Naniniwala ako na kung gugustuhin maraming paraan kung ayaw maraming dahilan. Kayanin ninyong pagtapusin ang inyong mga sarili.
Pangalawa, matutong maghintay. Marami sa inyo ang nagpupumilit maging dalaga o binata. Gusto maging in sa trend…kaya naman maagang nakikipagboyfriend o kaya naman girlfriend. Hindi ko sinasabi na bawal pero kung may goal ka sa buhay mo…kaya mong iisantabi ang mga usaping pakikipagrelasyon o kaya naman ay kaya mong gawing inspirasyon ang inyong relasyon. Ngunit ang makagawa ng hindi pa dapat ay isang malaking pagkakamali na pwedeng magawa ng isang maagang pakikipagrelasyon kung kaya’t ingatan ang inyong mga sarili lalo na ang mga babae. Mahirap nang ibalik ang bagay na nawala na aat hindi isang laro ang pakikipagrelasyon.
Pangatlo, maging masayahin. Huwag mong dalhin ang bigat ng mundo. Meron kasi sa inyo na kung pumasok parang napakabigat ng dinadala. Ang pagiging masayahin ay hindi nangangahulugan na ipinagwawalang bahala mo ang iyong mga problema…pinagagaan mo lang ito. Kung gagawin mong malungkot ang isang buong araw mo…mabilis kang tatanda. Kaya dapat ay maging masaya ka at ipagpasalamat sa KANYA kung ano man ang dadating sa iyong buhay…problema man ‘yan o hindi.
Pang-apat, matutong tumanggap ng pagkakamali. Marami sa inyo ang nakagagawa ng mali pero madalas hindi ko na masyadong pinapansin. Alam ko kasi na sa edad ninyo alam n’yo sa sarili ninyo na nagkamali kayo. Pero meron pa rin sa inyo na hindi kayang tanggapin ang kanyang pagkakamali…kung kaya kayong patawarin ng mga ginawan ninyo ng mali ay dapat kaya n’yo ring tanggapin ang inyong pagkakamali at higit sa lahat kaya ninyong patawarin ang inyong sarili.
Panglima, magkaroon ng disiplina. Ito ang kulang na kulang sa inyo. Hindi ninyo kaya na disiplinahin ang inyong mga sarili. Marami ang ginagawa ang nais kahit alam naman niya sa sarili niya na hindi maganda ang kanyang ginagawa. Ang ingay sa loob ng klase ay dulot ng kawalan ng disiplina ninyo sa inyong sarili…sana pala kung gusto ninyong makipaghuntahan ay hindi na lang kayo pumasok para walang aawat sa inyong walang katapusang kuwentuhan.
Iba na ang usapan kapag nasa ikaapat na taon na …kaya’t ngayon palang ay pag-aralan na ninyong disiplinahin ang inyong mga sarili. Iwasan ninyo ang pakikipag-away sapagkat mahalaga ang marka na makukuha ninyo sa para sa kolehiyo.
Huwag na sana kayong maging pasaway. Kung sakali mang nabaitan kayo sa akin bilang tagapayo ninyo…huwag ninyong isipin na ganoon din ang susunod. Iwasan din ninyong maging mayabang, sa kilos, sa salita at sa gawa…kung minsan kasi hindi umaayon ang inyong ginagawa mga sinasabi ninyo. Iwasan din ang magsalita ng mga bagay na walang katotohanan o pagbabalita ng hindi totoo. Kung minsan ang nakakasira sa iba ay kapwa rin niya…kaya’t maging maingat sa mga sasabihin o gagawin.
Hindi na kayo bata para palaging sawayin kaya kumilos na sana kayo ng naaayon sa inyong edad. Mas maging responsible na sana kayo at magkaroon ng pakialam sa nararamdaman ng iba. Iwasan na rin ninyong maghintay ng grasya mula sa papel ng iba…dahil masarap pa ring makakuha ng mataas na marka dahil sa sariling pagsusumikap.
Maging mas magalang din sana kayo hindi lang sa aming mga guro ninyo pati na rin sa inyong mga magulang. Alam ko na may mga mahilig sumagot-sagot sa kanilang nanay o maging sa kanilang tatay. Isipin n’yo na lang ang sakripisyo na ginagawa nila para sa inyo. Madalas na kapakanan lang ninyo ang kanilang iniisip at kung meron man sa inyo na bahagi ng mga broken family hindi solusyon ang pagrerebelde para iparamdam ninyo sa kanila ang sakit ng ginawa nila sa inyong mga anak.
Mas magiging maganda na gawin mo ang tama upang makita nila na kaya ninyong gawing maayos ang inyong buhay sa kabila ng mga problemang dumarating sa inyo. Katatagan ang kailangan ninyo. Isipin n’yo munang mabuti ang lahat ng mga bagay na gagawin ninyo bago kayo gumawa ng isang desisyon at matuto kayong tanggapin ang maaaring kalabasan nito.
Kung dati ang laman ng mga sulat ko ay puno ng mga pag-uyam o kaya’y pagkayamot sa mga nakalipas nang mga mag-aaral…sa inyo ay mas gusto kong sabihin na naging masaya ang kabanatang ito ng aking buhay. Mas gusto kong iwanan kayo ng mga payong sa tingin ko’y kailangan ninyo kaysa isa-isahin pa ang inyong mga pagkakamali.
Nawa’y lahat kayo’y magtagumpay hindi para sa akin o sa inyong pamilya kundi para sa inyong sarili. Hindi sana kayo mapabilang sa mga maagang nag-aasawa o kaya’y mapariwara ang buhay sapagkat hindi man namin aminin kalungkutan ang dulot noon sa amin …sa akin at ligaya naman sa inyong tagumpay.
Bilang pagwawakas, nagustuhan n’yo man ako bilang ako o bilang guro ninyo ay wala akong pakialam basta ang alam ko, pinagtiisan n’yong makinig sa akin at pinagtiisan ko kayong turuan at unawain. Nawa’y may maiwan akong parte sa inyo na palagi ninyong maaalala. Salamat sa isang buong taong nakasama ko kayo.(*^_^)

Lunes, Marso 28, 2011

Pabango, mabango?!?


Actually, hindi ako gaanong mahilig sa pabango. Kahit noong nag-aaral ako, natural scent lang ang gamit ko…(ehem…) pero nung nagtrabaho na ako, syempre ibang usapan…kaya napilitan akong magpabango.

Maganda ang benepisyo ng pabango…tulad na lang kapag hindi ka naligo..so para mapagtakpan ..magpapabango. Kapag naman alam mong nandyan ang iyong crush of course kailangan mabango…kaya naman con todo buhos ng umaalingasaw na pabango.

May mga pabangong matapang meron naman na parang wala lang. May mga pabango na lasting at meron ding hindi. Merong mumurahin at meron ding mamahalin.

Pinakamahal ko na sigurong pabango ang Victoria Secret (sosyalan...libre ang plug!)… sulit pa rin ang bili ko dahil kahit na nabili ko ng mahal…umabot naman ng isang taon…dahil nga hindi ako sanay magpabango (pero ang totoo tinitipid…hehehe).

Pinakamura na siguro ang mga Johnson baby cologne (plug na naman)…pero ganun pa man…pare-pareho lang silang hindi agad nauubos…nito na lang yata ako nakakaubos dahil sa medyo mas may oras akong magpabango…(parang noon wala…lol).

Anyway, marami na akong nakilala na mahilig magpabango at karamihan noon ay babae…but now pati mga lalaki bonggang saboy din ng pabango ang inilalagay sa katawan at kung minsan super tapang ang amoy…as in!

Isa sa mga kasamahan ko na nakaupo sa harap ng aking mesa ang mahilig magpabango. Noong una hindi ko masyadong napapansin pero isang beses…gutom na gutom na ako…papaalis siya sa kanyang mesa ng maalalang maglagay ng pabango…grabe…parang hinalukay ang tiyan ko.

 Parang gusto kong sabihin na… na kung gusto niya ay ipaligo na lang niya ang pabango niya…pero hindi ko naman ginawa.  Meron din isang beses na kakaibang pabango talaga ang maamoy kahit pa sabihing nagpabango ng bongga.

 Bakit pa kasi nauso ang pabango? Buti sana kung puro magandang amoy lang talaga ang maamoy …minsan kasi ang mabango para kay Juan at hindi mabango para kay Pedro. Pero sana naman, hinay-hinay lang ang pagpapabango… kung minsan kasi nagiging walking pabango na sa dami ng inilagay na pabango! (*^_^)

March 28, 2011

Martes, Marso 22, 2011

Usapang bulutong

Isang nakakatuwang kwentuhan tungkol sa bulutong tubig o chickenpox ang naging paksa ng usapan kahapon. Sabi kasi uso na naman daw ang bulutong at doon nagsimula ang kuwento.

Noon, akala ko mga kabataan lang ang nagkakaroon ng bulutong at lahat dumadaan at nagkakaroon nito…hindi pala. Mali pala ako sa hinalang iyon dahil meron pa palang hindi nagkakaroon ng bulutong.

Isa sa mga kasamahan ko ang hindi pa pala nagkakaroon ng bulutong kaya ng pinag-usapan namin ang tungkol dito aba’y walang humpay na tanong ang ginawa niya.

Hindi na daw ngayon kailangan palabasin lahat ng bulutong…kapag may lumabas daw na isa magpatingin na daw sa doctor o dermatologist. Isa pa may bakuna na para dito. Nag-aalala din ako para sa anak ko kaya interesado din ako sa pinag-iisipan namin.

Sa usapan naming ay bigla siyang nagtanong kung saan daw nagpatingin ang isa pa naming kasamahan na si Rie noong nagkaroon siya nito. Noong nakaraang taon lang kasi siya nagkaroon at natatakot si Taz…dahil nga hindi pa siya nagkakaroon.

Si Taz ay isang mahusay na mang-aasar sa amin. Mahilig manlait kapag nagbibiruan kami at talagang sagad sa buto. Bigla ko tuloy nasabi na gusto ko siyang makitang magkaroon ng bulutong at kapag nangyari ‘yun ay reregaluhan ko siya ng itlog na puti, itlog na pula, sugpo at alimasag.

I wonder kung makapang-asar pa siya pagkatapos n’un…hahaha…ang sama ko daw…sabi n’ya pero habang nag-uusapan kami talagang ayaw niyang magkaroon nito. Sabagay sa edad niya, mahirap nga ang magkaroon ng bulutong kasi mas malalaki at malalim ang iniiwang nitong sugat…kailangan talagang magpaderma.

Sayang nga naman ang kanyang makinis na mukha…hahaha…ang kanyang makinis na balat na may kaputian. Kung ako ang nasa kalagayan n’ya marahil ay hindi ko rin nanaisin na magkaroon nito. Kaya nga lang paano kung magkaroon nga siya nito ngayon. Ano kaya ang gagawin n’ya?

Hindi ko naman pinapanalangin na magkaroon siya nito…nakakatuwa lang na ang isang tulad niya ay may takot pala sa bulutong. Hindi ko lang alam kung ano ang kinakatakot niya…iyon bang magkakapeklat siya o iyong magiging bahagi siya ng mga asaran naming araw-araw? …hahaha…nagtatanong lang naman…(*^_^)