Biyernes, Hulyo 13, 2012

Hari ng Komedya

Isa lang ang alam ko, maraming beses n'ya akong napatawa. Mula sa mga pelikula at mga palabas na pangtelebisyon doon ko siya nakilala.

Hindi naman ako isang super fan pero alam ko na gusto ko ang paraan n'ya ng pagbibigay-aliw sa mga manonood.

Eh, sino ba namang Pilipino ang hindi nakakikilala sa kanya? Halos 60 taon n'yang binigyan ng saya ang buong bansa at maituturing nang bahagi ng buhay ng isang karaniwang Juan at Inday.

Naabutan ko pang ipinapalabas sa RPN 9 ang John en Marsha at lumaki akong nanonood ng Home Along da Riles. At ang kauna-unahang kong napanood na pelikula sa sinehan ay ang Once upon a time kung saan siya ang bida.

Thankful ako dahil sa kanya ay napapawi ang lungkot na nararamdaman ko noon sa pamamagitan ng mga palabas niya.

Hindi ko man personal na kilala ang tinaguriang Hari ng Komedya masasabi kong sa dami ng mga nagbibigay ng papuri sa kanyang paglisan ay sapat nang kaalaman na siya ay isang mabuting tao sa harap at likod ng tabing.

Malungkot man ang lahat sa pagkawala niya... pero ang alaala niya ay mananatiling masaya sa puso ng bawat Pilipinong manonood ng kanyang mga pamanang mga palabas.



Biyernes, Hulyo 6, 2012

Sisteret


          Sisterrrrrr…… madalas ay bati niya kapag dumarating sa school. Bago siya makarating sa mesa niya ay napakarami niyang estasyon. Sa edad niya, mas bata siya tingnan dahil sa medyo maliit s’ya at payat. Pero masayahin at palakaibigan.
         
Masarap kasama sa mga gimikan si Sister…’yun ang tawag namin sa kanya. Todo birit sa videoke…mega-indak kung kailangan at marami ding kwento sa buhay.

          Business minded si Sister, pabango, sabon, bag, basahan, at malamang madagdagan pa ang mga iyon sa susunod. Sabi nga n’ya, pwedeng-pwede siyang magnegosyo na lang kasi malakas ang kanyang convincing power sa mga mamimili…kaya tuloy halos lahat kami eh, na-convince n’ya na bumili sa kanya ng pabango…hehehe…

          Pagdating sa pagtuturo, bigay na bigay din itong si Sister. Pinipilit niyang ipaintindi sa mga mag-aaral n’ya ang kanyang itinuturo kahit hindi n’ya talaga major ang Filipino…BS Psychology kasi ang natapos niya. Kompleto ‘yan sa visual aids at mga teksto. Minsan nga tinatawag siya ng mga bata ng Mrs. Teksto dahil araw-araw may tekstong ipinapabasa.

          Bahagi na siya ng pang-araw-araw na buhay ng mga bata at naming mga kasamahan n’ya lalo na sa akin. Hindi ko itatangging malapit siya sa akin dahil iyon ang totoo.

          Pareho kasi kaming masayahin…parang laging walang problema. Marami kaming napagkukwentuhan. Buhay sa eskwelahan, buhay may-asawa, pagiging babae, pagiging ina, maging mga…takot namin sa darating na panahon…

          Sa mga naging kasamahan ko sa pagtuturo ng halos magpipitong taon na masasabi ko na siya ang isa sa pinakagusto ko at malapit sa akin.

Hindi ko naisip na darating ang panahon na magkakahiwalay kami…hindi dahil may pinagtalunan kami kundi dahil kinailangan na niyang lumipat ng ibang paaralan mas malapit sa bahay nila.

          Isa ito sa ikinabigla ko at ikinalungkot.

          Biglang pumasok sa isipan ko ang mga tanong na… sino na ang pagsasabihan ko ng mga nangyayari sa buhay ko at makakapalitan ko ng opinyon sa halos lahat ng bagay? Sino na ang yayakapin ko tuwing pumapasok ako na madalas kong gawin sa kanya? Sino na ang tatawagin kong Sister? Sino na ang bibirit sa videoke? Sino na ang makakasabayan ko sa pagsayaw? Sino na ang bagong magrereyna sa pabebenta ng pabango?

          Lahat ng ito ay pumasok sa isipan ko…nalungkot ako…naluha ng palihim.

          Ang buong akala ko, mawawala lang siya ng dalawang buwan dahil nagsilang siya ng ikalawang anak niya…iyon na pala ang hudyat ng aming paghihiwalay. Iyon na pala ang umpisa ng minsanan na lang naming pagkikita.

          Marami naman akong kasamahan na kaibigan ko pero para sa akin iba ang lalim ng aming pagkakaibigan. Hindi ko napaghadaang maaaring magkahiwalay kami. Pero alam ko na hindi naman nagtatapos sa kanyang pag-alis ang aming pagkakaibigan. Iba lang kasi ang pakiramdam ng palagi kayong nagkikita at kahit maikli ang mga kuwentuhan ay bumubuo ng araw mo. Gan’on siya sa akin.

          Siguro, hudyat na rin ang paglipat namin noon ng tirahan… na darating ang ganitong pagkakataon. Noon kasi ay madalas kaming pumunta sa kanilang bahay tuwing walang pasok. Magkukuwentuhan at magkakainan ng puspas…tawag nila sa lugaw. Iyon ang mga araw na masarap balikan. Mga araw na binigyan ko ng halaga katulad ng halaga niya sa akin bilang kaibigan.

          Ngunit kahit gan’on pa man, alam kong mananatili pa rin siyang espesyal sa akin. Mahirap makalimutan ang tulad n’ya na laging nagbibigay ng saya sa araw ko. Magkikita pa rin naman kami at makakapagkuwentuhan hindi na nga lang madalas tulad ng araw-araw na pagkikita namin dito sa ekwelahan.

          Hindi ko na rin masyadong maririnig ang salitang sister…sa kanya kasi nagsimula ang salitang iyon at siya lamang ang tumatawag ng ganoon sa amin. Nakakalungkot pero kailangang tanggapin.

          Sabi nga “there’s no permanent but change” lahat maaaring magbago. Sa ngayon, nangailangan lamang si Sister ng pagbabago para na rin sa ikabubuti ng kanyang pamilya.

          Mamimiss ko siya…namimiss ko na nga siya… pero wala naman akong magagawa. Mabuti na lang at may cell phone na at internet…marami nang paraan para magkaroon ng komunikasyon.

          Hayyy….

          Paalam Sister…. Alam kong magkikita rin tayo di nga lang madalas. 

Note: Matagal ko na itong naisulat sa note sa FB pero hindi ko nailagay dito sa blog.
Naalala ko lang ulet si Sister kaya naman naisip kong i-post dito. (*^_^)

Huwebes, Hulyo 5, 2012

Bday Wishes

nakaraang taon pa itong cake na ito! haha!
at haggardness ang fesla ko! 
Hindi ko masyadong feel ang super broadcast ng birthday.
Sanay ako sa low profile kapag sumasapit ang kaarawan ko... 
una, dahil wala akong handa...
pangalawa, wala akong panlibre
at pangatlo, sanay na ako na hindi nababati tuwing birthday.

Kaya naman medyo overwhelmed ako sa mga nakakaalala at bumabati sa pamamagitan ng celfon at lalo na sa FB dahil... broadcast nga pala ang bday ko doon.

Anyway, dahil araw ko naman ito siguro hindi masamang maglista ng mga wish...

Here's my wish list
1. I really, really want a new phone...(but I guess sa sunod na taon na iyon matutupad...:P)

2. Books (ang dami nang bago... sad to say siguro sa December pa ulet ako makakabili...huhuhu :((





3. DVD's ( Can't wait to have a copy of BIG)


4. Good health ( well, I can't buy health...:))

5. Happiness ( hindi rin nabibili...)

Wala namang espesyal na pangyayari sa araw ko ngayon bukod sa binalak ko talagang umuwi ng maaga. Wala lang gusto ko lang makasabay ang aking asawa sa pag-uwi.

Masaya na ako na nailibre niya ako ng pizza at pina-inom ng gulaman juice sa mga stall sa MOA (Mall of Antipolo) hahahha... habang naghihintay ng oras sa pagsundo sa aming anak.

*So, I end up today meeting old schoolmate and she's clueless about the occasion. Anyway, I just glad to see her.*

Wala man akong handa ngayon... masaya pa rin naman ako. Mas mahirap masanay sa sarap kung sa huli naman ay hirap. 

Mananatili akong masaya sa isang buong taon para positive vibes ang pumasok sa aking panibagong kabanata. 

Bago ako makalimot, salamat sa mga bumati at nakaalala.( as if mababasa nila ito! heheheh)
(*^_^)

Martes, Hunyo 26, 2012

Walong taon :)


          Walong taon ko nang kasama ang 
                     bespren ko....
                         kuya ko...
                             ka-trabaho ko...
                                   kaasaran ko...
                                        kaututang dila ko...
       At sa walong taon na iyon, masaya naman ako at di pa rin siya nagsasawa sa pagmumukha ko. Di pa rin siya napipikon sa mga sinasabi ko. Di siya napapagod na bigyan ako ng payo. Di siya nawawalan ng oras sa aking mga pangangailangan lalo na kung may problema.
        Masasabi kong isa na siya sa mga mabuting tao na nakadaupang palad ko dito sa mundong ibabaw.
        Di ko nga lubos maisip na matagal na rin pala kaming nagkasama. Nagkasamaan man ng loob alam kong iyon naman ay di magtatagal.
Isa siya sa mga taong naniniwala sa aking galing, sa aking talento na kahit na minsan ay may halong pang-aasar.
Masasabi ko rin na ako ang nagiging dahilan para siya ngumiti o kaya’y humalakhak kahit na hindi ako nagpapatawa… o di ba, kakaiba? Saan ka pa?
Ngayon ko lang napag-isip-isip… ano nga ba ang meron siya at hanggang ngayon nandyan pa rin siya? Nakakaasar kung minsan pero mas madalas ay kailangan ko siya.
Tama, kailangan ko siya. Bakit naman hindi? ‘pag wala akong pera syempre sa kanya ang takbo ko… ‘pag may problema na di ko mabigyan ng solusyon…syempre takbo ulit sa kanya….
Siguro ganon talaga, di ba?
Pero kahit may mga pagkakataon na nag-aaway kami ay di ko siya kayang talikuran. Kahit gan’on siya ay mahal ko pa rin siya. Mas malalim. Mas nagiging importante siyang parte ng aking buhay.
Siguro kaya ako laging nakadepende sa kanya ay dahil sa mas matanda siya sa akin… walong taon ba naman… mas marami na siyang naranasan. Mas marami na siyang pinagdaanan na bagyo at unos.
Sa tuwing maririnig ko ang mga kuwento niya… di ko maiwasang humanga sa kanyang pagtitiyaga. Malungkot kasi ang kanyang naging kabataan...
Pero ayaw kong pag-usapan ang malungkot niyang kahapon. Kasi mas importante ang ngayon na masaya siya na kasama ako.
Kung paano kami naging malapit ay isa na namang mahabang kuwento na maraming sanga-sanga…. Di ko na nga maisip kung bakit nagkaganoon pero sa ngayon ay maayos na ang lahat…
Pero, ano bang meron ngayon?
Ang totoo niyan walong taon na kaming magkaibigan…. At natutuwa ako’t siya ang bespren ko for life… walang iba kundi ang mahal ko… ang mahal kong asawa….

Para sa iyo…. Tandaan mo lang na…

Mahal kita kahit mas matanda ka sa akin
Mahal kita kahit kuripot ka
Mahal kita kahit may nunal ka na ala-nora aunor
Mahal kita kahit medyo maliit ka
Mahal kita kahit suplado ka sa personal
Mahal kita kahit na gupit aguinaldo ka
Mahal kita kahit na di ka marunong pumorma
Mahal kita kahit na minsan pasaway ka
Mahal kita kahit na minsan parang tatay ka sa akin
Mahal kita kahit na may punto ang salita mo
Mahal kita kahit na mas magaling ka mang-asar
Mahal kita kahit na manhid ka
Mahal kita kahit na di ka malambing
Mahal kita kahit na feeling mo gwapo ka kahit hindi
Mahal kita kahit na feeling mo ay hindi
Mahal kita kahit ano ka pa…..
Mahal kita kahit maging sino ka man (naks kanta yun ha!)
Basta mahal kita…. …… period!

Para sa iyo mahal ko….. Happy anniversary!.....


Mahal na mahal kita…

Lunes, Hunyo 18, 2012

Walang lang!

Wala naman talaga akong balak mag-internet o kaya mag FB o kung ano pa mang may kinalaman sa world wide web...

kaya lang, may mga pagkakataong hindi maiiwasan...
may mga kailangang hanapin...
may kailangan makuhang file o kaya naman ay may importateng mensahe na sa pamamagitan lamang ng internet makukuha.

Nakakatamad din kaya ang mag-internet. Nakakatamad ding mag-research...ang dami-daming nagsusulputang mga links na kung minsan di mo malaman kung may virus bang dala o wala.

Kung minsan nakasama lang sa tags... eh...nabubuksan kahit walang kinalaman sa hinahanap.

Hindi rin advisable na mag-internet habang may ibang ginagawa sapagkat mas madaming nauubos na oras sa pagsu-surf kaysa sa paggawa... kaya mas madalas sa hindi nililimitahan ko ang aking sarili sa pagbubukas ng internet... eh ang kaso may mga taong sadyang nag-uudyok upang magbukas ako at mag-unli surfing kahit hindi ko talaga nais na tulad ngayon.

Kakalokah lang.... pag naka-unlisurf kasi... nanghihinayang na akong di gamitin...syempre dapat grab the opportunity hindi ba?

hays... kakalokah!

(*^_^)


Linggo, Hunyo 17, 2012

Si Tatay



       Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ngunit alam kong kailangan ko siyang pasalamatan at bigyan ng pagpapahalaga para sa espesyal na araw na ukol lamang sa kanya.
        Maraming bagay siyang naituro sa akin at masasabi kong kung ano man ako ngayon ay dahil ito sa kanya. Hindi siya perpekto ngunit alam ko na lahat ng kanyang ibinigay para sa amin ay napupunan na nito ang mga kakulangan niya.
        Hindi siya pamilyar sa salitang ‘pahinga’ simula kasi ng mag-aral kaming magkakapatid pati ang araw ng Linggo ay ipinapasok niya sa trabaho para lamang makapagtapos kami dahil sabi nga niya…iyon lang ang maaari niyang maipamana sa amin at ayaw niyang matulad kami sa kanya.
        Kung may mga pagkakataong sumasama ang loob ko sa kanya noon mas naiisip ko ang mga kabutihan at pagmamahal niya sa amin kung kaya’t nawawala din ang mga pagdaramdam ko sa kanya.
        Iba siya magsalita…nakakatawa ngunit makahulugan. Madalas siyang magsalita ng mga katagang…kung kailan natatae saka naghahanap ng papel...wala yatang tao sa bahay…kasi marumi…at marami pang iba.
        Nakita ko kung paano siya magalit…kung paano siya matuwa…kung paano siya masaktan…at kung paano niya tanggapin ang mga problemang dumarating sa kanyang buhay.
        Marahil sa aming magkakapatid, ako na yata ang lubos na makapagsasabi ng mga pagbabagong naganap sa kanya mula sa pagiging matipuno noon na ngayon ay pinahihina ng trabaho ang kanyang katawan.
        Mali mang sabihin ngunit masasabi kong mas minahal ko siya kaysa sa aking ina dahil na rin siguro sa mga pinagdaanan namin na magkasama.
        Una, lumaki akong siya ang kasama habang ang mga kapatid ko ay nasa probinsya…na alam ko namang di man nila nais na magkahiwa-hiwalay kami ay kinailangan.
        Ikalawa, nang umalis ang aking ina at nagtrabaho sa ibang bansa pinilit niyang gampanan ang gawain ng isang ina.
        Ikatlo, palagi siyang nakasuporta sa mga hilig namin…tulad ng pagtugtog ng gitara, pagguhit…panonood ng mga pelikula at iba pa. Hindi siya nagagalit kung makakakuha ng line of seven sa card…sabi n’ya okay lang daw iyon, ang mahalaga ay pumapasa...
        Ikaapat, madalas siyang bumili ng mga bagay na maaari naming ikatuwa…mga laruan, gamit sa bahay na hindi lamang s’ya ang makikinabang kundi lahat kami.
        Kung tutuusin, marami pang dahilan kung bakit mahal na mahal ko siya. Ngunit sa mga oras na gusto kong ikwento ang tungkol sa kanya ay hindi ko mapagsunud-sunod ang mga salitang gusto kong gamitin para siya maipagmalaki.
        Isang bagay lang ang di ko masyadong nagugustuhan sa kanya kahit kasi hirap na siya sa trabaho ay di siya nagpapahinga. Minsan tuloy naiisip ko na mahirap talaga magpalaki ng magulang sapagkat para sa kanila alam nila ang makakabuti sa kanila.
        Ngunit kahit gan’on siya, mahal na mahal ko siya at kung makapipili ng magulang ay siya pa rin ang nais kong maging ama. Marami na siyang nagawa para sa amin at sa tingin ko hindi pa nangangalahati ang nagagawa namin para sa kanya na kung minsan ay minamasama pa ng iba.
        Marahil hindi nga kayang hagilapin ng makitid na isipan ng iba kung bakit sa kabila ng pagiging istrikto niya ay labis ko siyang minahal. Umikot ang buong buhay niya sa pagtratrabaho para sa amin at mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Kaya naman proud ako sa kanya.

        Happy Father’s Day, Tatay! Mahal na mahal kita.
        

*Kung sakaling naging magulo ang mga pangungusap ko ay humihingi ako ng paumanhin.
(*^_^)

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Guro.


Sabi n’ya…salamat sa Diyos at natapos din…

Sabi naman n’ya…mabuti pa ikaw nagpapasalamat na ako…Help me God…

Ilan lang ito sa mga usapang tila joke pero may katotohanan…madalas itong maririnig sa amin tuwing matatapos ang taon. Madami kasing kailangang tapusin at ipasa sa nakatakdang deadline.
Kung minsan akala mo ay tapos ka na…pero may kulang pa pala. May mga pagkakataong may makakaasarang kasamahan dahil sa hindi pa nagbibigay ng kailangang datos para sa ginagawa mo.

Ganyan ang buhay ng mga tulad naming mga guro. Para bang hindi na nauubusan ng gagawin at kahit naman sa pangkaraniwang araw ng pagtuturo at pagpasok sa paaralan laging kumakaway ang mga Gawain. Kaya naman kapag nakatapos na sa isa ay abut-abot ang pasasalamat habang ang iba naman ay tila humihiling sa taas na matapos na ang kaniya.

Nakakabaliw na nakakatuwa ang magturo. Nakakatuwa ang mga interaksyon sa mga bata subalit nakakabaliw ang sangkaterbang paper works. May mga ora-oradang ipapagawa na kung minsan kahit nagtuturo ay maaabala sapagkat kailangan ng ipasa…agad-agad…parang atat lang!

Noon, ang konotasyon ko sa mga guro…nakaharap lagi sa mga mag-aaral at nagtuturo. Gagawa lamang ng kanyang lesson tapos biswal at magrerekord ng grade pero hindi pala. Napakarami palang iintindihin ng isang guro bago n’ya maintindi ang kanyang pagtuturo. Nakakalungkot, hindi ba… Sapagkat ang isang dahilan kung bakit nasa paaralan ang guro ay para hubugin ang isipan ng mga kabataan ngunit paano naman maibibigay ang sangdaang porsyentong powers ng guro kung bugbog na sa mga kung anu-anong report.

Ngunit sabi nga, kung gusto may paraan kung ayaw maraming dahilan… kaya naman lahat ng gawaing ‘yan ay easy lang sa gurong maabilidad at may puso sa kanyang ginagawa. Kaya nga lang, tila nagiging palabigasan na lang ang pagiging guro. Para bang kaya kumuha ng education ay dahil stable ang status ng trabaho. Parang peso sign lang ba… ganun!

Pero sana hindi ganoon…hindi naman kasi biro ang maging isang guro. Madaming maapektuhan lalong-lalo na ang mga kabataang uhaw na uhaw sa kaalaman. Bagamat mahirap at masakripisyo ang pagiging guro masasabing isa ito sa pinaka-noble profession.

(*^_^)
Hunyo 14, 2012