Sabado, Marso 16, 2013

Bakas ng isang buong taon

Matatapos na naman ang isang taong paghahanda ng mga gawain, pagsasalita ng malakas, pagpapahaba ng pang-unawa at pagbibigay ng pansin sa kinakailangan. Mabuti at makakapagpahinga ang aming utak at lalamunan para mapaghandaan ang mga susunod na aakayin.

Kaya bago matapos ang taong ito narito ang ilang bunga ng mga pinagpaguran ng mga mag-aaral.


Gawa ng Pangkat 1 Ang Kalupi


Gawa ng Pangkat 2 Banyaga
Nakuha ng Pangkat 2 ang mga sumusunod na Pagkilala
Pinakamahusay na Aktres - Mary Grace Duero
Pinakamagaling na Pangalawang Aktres - Kate Gabin
Pinakamahusay sa Paglalapat ng Musika 
Pinakamagandang Sinematograpiya
Pinakamagandang Maikling Pelikula


Gawa ng Pangkat 3 Kinagisnang Balon
Nakuha ng pangkat na ito ang 
Pinakamahusay na Aktor - Ricardo Momongan Jr.
Pinakamagaling na Pangalawang Aktor - Ronnie Orga


Gawa ng Pangkat 4 Sa Lupa ng Sariling Bayan

Ilan sa mga magandang blog na ginawa nila...

Blog ni Maricar Austria

Blog ni Anngelou Carpio

Blog ni Jake William Duaman

Blog ni Sairah Padernal

Sana ay ipagpatuloy nila ang pag-update ng blog kahit hindi na kinakailangan. 

Mas maging mabunga sana ang pag-aaral nila sa ikaapat na taon!
(*^_^)

Miyerkules, Marso 13, 2013

Nakakatuwa naman!

Hindi ko inaasahan ang natanggap ko ngayon mula sa mga mag-aaral ng Ikatlong Taon Pangkat 1 na naglalarawan sa akin. 

Natuwa ako sa kabuuan kahit pa may mga maling grammar dahil ito'y nakasulat sa Ingles.

Ang simple lang nagpakakagawa ngunit dahil sa ibinigay nilang oras para ito ay buuin sobra akong nasiyahan. Hindi ko naman ito hiniling sa kanila subalit nagpapasalamat ako sa pagbibigay halaga nila sa akin.

Maraming salamat talaga sa mga gumawa. (*^_^)





Linggo, Pebrero 10, 2013

Pebrero, Araw ng mga Puso

Uso ang mga bulaklak, tsokolate at mga stuff toys. Pebrero na kasi at ibig sabihin marami na naman ang nagpapahayag ng kanilang damdamin dala ng papalapit na araw ng mga puso.

Nakakalokong isipin na sa buwan lamang na ito masyadong pinag-uukulan natin ng pansin ang tungkol sa Pag-ibig. Ano bang meron sa Pebrero bukod sa kulang ito sa araw? Ano pa ba ang meron sa buwan na ito at halos lahat gusto ng ka-date.

Sa isang banda, nakatutulong sa mga negosyante ang buwan na ito lalo na kung ang negosyo ay bulaklak, tsokolate, cake, stuff toys at kahit anong sweet sa panlasa ng isang babae o lalaki.

Katulad ng buwan na ito, hindi normal ang panahon na ito sapagkat nagiging abala tayong lahat at nag-aalala sa pwede nating ibigay na regalo sa mga minamahal natin. Pero kung ating susuriin, hindi lang naman dapat sa araw na ito binibigyan ng panahon ang ating mga mahal kundi araw-araw.

Pero ano bang magagawa natin, parang isang napakabangong perfume ang araw ng mga puso na kumalat sa buong mundo kung kaya't pinaghahandaan ng lahat. Para bang sinasabi na dapat sa panahong ito maging sweet naman tayo... dahil sa loob ng isang taon...madalas ay abala tayo sa kung au-anong bagay at hindi natin napag-uukulan ng sapat na panahon ang mga mahal natin.

Ganoon pa man, may mga taong hindi alintana ang pagpasok ng buwan na ito. Normal lang. Parang walang okasyon. Ito 'yung mga taong walang kaasu-asukal sa katawan. Habang nag-aabala ang lahat sila naman 'yung natuon na sa ibang bagay at deadma ang nangyayari sa paligid nila. (Bitter lang siguro...haha)

Napakahaba ng simula ko... ang gusto ko lang sabihin... masarap sa pakiramdam na mabigyan ng bulaklak lalo na kung hindi ito hinihiling.


Sa ating lahat, Maligayang Araw ng mga Puso.

(*^_^)

Martes, Enero 29, 2013

Biyaya sa pamilya

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang kuwento basta ang alam ko lang lagi akong tinatanong kung kelan ko susundan si Joyce.


Syempre naman gusto kong magkaroon ng kapatid ang anak ko kaya lang hindi pa siguro panahon noon para siya ay masundan kaya ngayon lang dumating.

Maglilimang buwan na nga siya ngayon...at nagsisimula na siyang magparamdam. Dumadalas na ang galaw niya kahit naglalakad ako o kaya nakatayo o nakaupo lalo na kapag nakahiga.

Marami ang natuwa para sa akin. Sabi nga nila tama lang na masundan na si Joyce kasi walong taon na...kung tutuusin malayo na ang agwat nila.

Pero ang kuwento ko ay tungkol sa panahon na hindi ko alam na dumating na pala siya.


Last two weeks of September without knowing that I'm pregnant...sumali ako sa cheerdance. Ang saya-saya ko pa nga na magstreching, bonggang galaw at super sunod sa mga step. Wala naman kasi akong nararamdamang kung ano. Hindi nga ako nahihilo basta ang alam ko lang...kaya ako sumali sa cheerdance para magbawas ng timbang.

Sa araw ng competition, isa sa hindi ko inaasahang mararamdaman ko ang parang mahilo at kapusin ng hininga sa oras mismo ng sayaw. Natakot akong tumumba pero sabi ko kaya ko itong tapusin at talagang bote ng mineral ang una kong hahanapin. Maayos ko namang natapos ang pagsayaw na hindi gumawa ng eksena.

October. Adik nga yata ako sa internet, halos araw-araw updated ang fb ko at karaniwang nakapaglalagay ako ng post sa blog...pero tila ang aga kong inaantok simula matapos ang cheerdance competition. Inisip ko dahil ito sa anak ko na palagi akong niyayang matulog katabi niya. Kaya hindi ko na nagagawang magpuyat at tumutok sa computer.

Ilang beses nasayang ang mga unlisurf ko dahil sa nawalan ako ng ganang magbukas ng computer. Palagi rin akong naglalaway... nakakainis na nga. Natakot ako na baka may kakaiba na akong sakit kaya minsan sinubukan kong magsearch sa internet kung anong sintomas ang ganoon. Nahihirapan din akong huminga at parang lagi akong sinisikmura. Hindi ko maintindihan. Isa sa lumabas sa na-research ko ang sakit na GERD...super ang pag-aalala ko. Gusto ko nang magpatingin sa doktor pero natatakot ako.

November. Kahit sa trabaho inaantok ako kahit ang aga-aga. Wala na akong ginawa kundi maghikab at pabayaang losyang ang sarili. Sa mga panahong ito napansin ng mga malalapit kong kasama o kaibigan ang gawi ko. Binibiro nila ako na baka buntis daw ako pero sabi ko hindi kaya. Pero nagkuwento ako sa kanila ng mga kakaibang nararamdaman ko.

Sabi nila... walang duda sis, buntis ka. Magpatingin ka na sa OB.

ANO DAW?!?! Buntis daw ako. Bigla akong kinabahan. Bonggang kaba. Natakot ako dahil baka may mga nakain o nainom na akong gamot na makakaapekto sa magiging baby ko. Super praning ako.


Bumili ako ng pregnancy test. Lumabas na malinaw ang isang linya at malabo ang isa. Sa isip ko, naku negative naman pala. E, malay ko ba naman na positive pala 'yun. Nasa denial stage ako... baka nagkakamali lang sila ng palagay...pero pinagtutulakan nila akong magpatingin sa OB.

At 'yun nagpatingin nga ako. Base sa sinabi ng OB magdadalawang buwan na siya. Totoo nga, dumating na siya.

Kung tutuusin hindi  ko na alam kung ano ang pakiramdam ng isang buntis. Walong taon na ang nakalipas...kaya clueless ako sa mga dapat gawin mabuti na lang at may mga kaibigan akong nagbibigay ng kanilang mga payo.

Bawal ang ganito, kumain ka ng ganito. Iwasan mo ang maganto, dapat ganito.

Sa sobrang dami nga ng sinasabi nila, nakakalito na. Pero masaya naman sa pakiramdam kahit may kaba sa bagong yugto ng pagiging ina ko.


Matapos magbunyi ang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala... wala namang ginawa ang mga butihin kong mga kaibigan kundi yayain ako kung saan-saan. Kumain kung saan-saan at bumili ng kung anu-ano. (parang ang dami... haha!)

Nakaramdam ako ng pagduruwal pero napakadalang. Mas aktibo nga ako ngayon kaysa noong una sapagkat apat na buwan akong bed rest ayon sa doktor...pero ang kwento tungkol doon ay sa susunod ko na lamang ibabahagi dahil ang mas mahalaga ay ngayon. :)

Nasa ikalimang buwan na ako ngayon... nakakakaba pero masaya!

Lunes, Enero 14, 2013

Kuwentuhang EXCITE

Ano ang EXCITE?

Ito ay Enhancement and eXpansion of Capability in Information Technology and English (EXCITE).


Opening program


(Para mas maintindihan click na lang ung naka-highlight.hehe)
Registration.

Hindi ko palalawakin kung tungkol saan ang Excite pero ikukuwento ko ang naging karanasan ko sa pagdalo ng isang buong linggo.

Participants

Matagal na dapat akong naka-attend d'yan pero dahil mas may kailangan akong unahin napagpasyahan kong ibang ka-department na lang muna ang pumalit sa akin.

Sa pagpasok ng bagong taon, nabigyan ulit ako ng pagkakataong makadalo at syempre di ko na pinalampas. Dati-rati apat lang ang pinapadala bawat school ngayon lima na kaya mas masaya sa pakiramdam na marami kami kahit hiwa-hiwalay ang training namin.

Tatlo kasi sa amin ang sa English training, 'yung isa naman sa Basic IT at ako ang napadpad sa Intermediate IT... ang sosyal ng dating!

Papunta na sa kanya-kanyang training room.

Sabi ng mga kasamahan ko na nakatapos na ng training na ito, baka ma-bored ako kasi maalam daw ako sa computer at may blog na daw ako. Pero super excited pa rin ang feelings ko baka kasi madagdagan ang kaalaman ko. :P

English

Intermediate IT

Basic IT
Unang araw. Nag-usap-usap kaming magkakasama na magsasabay-sabay kami sa pagpunta sa URS Morong. Hindi kasi ako pamilyar dun kaya baka makaligaw-ligaw ako pagpasok ng gate. May free breakfast na nakahain sa aming mga participant (at sa isang buong linggo libre ang miryenda at tanghalian). Syempre, sinong aayaw sa libre, di ba? Super kain kami at nang halos lahat ay nakakain na nagsimula na ang opening program.

Ipinaliwanag kung ano ang EXCITE, ang objective nito at mga rules para sa amin. Ipinakilala rin ang mga tao na mag-aassist sa amin. Naghiwa-hiwalay na kami matapos ang program at nagtungo na sa aming mga training room.
Batch picture kay Prof. Aireen Matimatiko and Ms. Sidney

EXCEL ang unang topic namin at tatlong araw naming ie-explore. Noong una, akala ko alam ko na ang lahat ng gagawin sa excel pero syempre nagkamali ako. Marami pa pala akong dapat malaman... mga formula na noon ko lang nalaman.

Nag-enjoy ako ng bongga sa excel. Kahit napakaraming activity may free internet naman during break time. Ang saya! Nakapag-check ako ng blog ng mga students ko. (double purpose!)
Batch picture kay Sir Owen Escuadra and Ms. Sidney

Dalawang araw naman ang nakalaan para sa blogging at pag-explore ng google. Pero medyo minalas yata ang batch namin dahil nawalan ng internet connection nung first day. Nagkaroon daw ng problem at kailangang ayusin. Mabuti na lang may dalang broadband ang aming speaker kaya mega-explain s'ya kaya nga lang mas maganda kasi kung nasasabayan namin ang ginagawa n'ya.

Kaya noong hapon pinapanood na lang muna kami ng isang pelikula dahil iyon daw ang ilalagay namin sa blog namin kapag umayos na ang connection. Dismayado ako...'yun ang totoo pero wala naman kaming magawa. Hindi naman siguro ginusto ng speaker namin na mawalan ng connection kung kelan kailangan namin mag-internet. Sa excel kasi kahit walang internet tuloy ang ligaya ng mga activity pero sa blogging...sawi kami dahil sa kawalan ng internet connection.

Last day. Second day ng blogging. Medyo umayos na ang connection kaya nakagawa at nakasunod na karamihan sa amin sa mga ginagawa tulad ng paggawa ng email address, profile sa google, at paglikha ng blog. Meron na ako ng lahat ng iyon kaya sinusundan ko na lang ang hindi ko pa alam. At dahil naghahabol kami ng dapat naming gawin... kami ang pinakahuling natapos sa lahat ng training at inabot na ng gabi.
English group Antipolo

English group Rizal


Basic IT group


May graduation pa after. Binigyan ng mga certificate at may mga nagsalita about their experiences sa training. Nakakatuwa rin ang karanasang idinulot ng EXCITE sa akin dahil sa mga naging kasama ko mula sa iba't ibang school sa Rizal at Antipolo. Nakakatuwa rin ang mga kuwentuhang wala lang pero tawanan lang ang peg.

Ganoon din ang naging experience ng apat kong kasama. Sabi nga sa susunod, iikot ulit ang dadalo dito at malamang sa hindi sa English training na ako. Siguro isa na naman iyong nakakatuwang karanasan.

Looking forward na nga ako. haha! (*^_^)

Huwebes, Oktubre 4, 2012

Ang aking mga Guro 2

Natutuwa kami sapagkat noon reunion namin dumating sila. :)
Napagdesisyunan ko na dapat ko pang ituloy ang pagkukuwento sa mga naging guro ko sa hayskul ... pero hindi ko na iisa-isahin. Kaya naman kung sino ang nagkaroon ng tattoo sa utak at puso ko...sila ang bida sa pangalawang yugto ng aking mga guro.

Hayskul.

Filipino. Isa sa mga naging paborito kng guro sa Filipino ay si Bb. Inlayo. Nakakatuwa siyang magturo, may kantahan at kung minsan umiindak pa siya sa harapan. Naging masaya ang Filipino para sa akin nung ako'y nasa Unang taon.

English. Kung meron man akong natatandaan na guro sa English siguro si Mrs. Zenaida Aquino na 'yun. Hindi ko lang siguro ganun kagusto ang English. Kasi kailangang sagutan ang makapal na libro na Grammar and Composition...pero mahal na mahal ko ang pagbabasa sa wikang Ingles pero hindi ko trip pag-aaralan ang grammar...literature lang! (Wala nga akong gaanong maalala sa itinakbo ng buong apat na taon ko hayskul pagdating sa asignaturang Ingles...parang lost ako masyado!haha...)

Math. Isa lang ang natatandaan kong guro sa Math. Siya ay walang iba kundi si Mr. Dugay. Kesehodang umabot hanggang pinto ang solusyon basta maunawaan lang namin. Nakakatakot si Sir Dugay pero super funny siya. Paborito niya ang awiting 'Ever since the world began'... ewan ko lang kung hanggang ngayon. (hehe...) Nakikita ko pa rin siya paminsan-minsan at tulad pa rin siya ng dati! :) 

Science. Dalawang guro sa Agham ang natatandaan ko. Una si Mrs. Martinez, nagtuturo ng Chemistry. Paano ko ba siya malilimutan, eh, sa kanya ako nakaranas na magputong ng kalabasa dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng symbol na 'K'...kaya ang potassium di ko makakalimutan. Ang isa pang guro sa science na di ko malilimutan ay si Mr.  Panganiban. Hindi ko masyadong gusto ang Physic pero dahil sa kanya... na-enjoy ko ang science 4. Mabait at malunay kasi siya magsalita ngunit may diin kung saan di mo nanaising makipag-tsismisan sa iyong katabi. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin siya ... ngunit hindi ko tiyak kung nagtuturo pa siya.
Kasama namin si Mrs. Martinez at Ms. Tacsuan. :)

Aaraling Panlipunan. Isa lang ang natatandaan kong guro sa AP. Siya ay walang iba kundi si Sir Taguinod. Dahil sa kanya nakabisado ko ang mapa ng iba't ibang kontinente. Lagi kong inaabangan ang oras ng kanyang turo dahil sobra akong nag-eenjoy.

TLE. Si Mr. Sibal ang hindi ko makakallimutang guro sa TLE sapagkat sa kanya ako nahasa sa paggamit ng typewriter na hanggang sa ngayon ay nagagamit ko sa pagtipa ng keyboard ng computer. Nagturo din siya ng business management at pagprint sa t-shirt. Isa rin ito sa mga kaabang-abang na subjet para sa akin.

MAPEH. Nag-iisip ako kung sino ang tumatak na guro para sa akin sa asignaturang ito... at laging bumabalik ang isipan ko kay ms. Tacsuan. Mabait, maganda pero stirkto. Madalas siyang makasama sa mga palaro. :))

Kung pag-uusapan naman ang Values Education... si Mrs. Lugo na 'yan. Napakamalumanay magsalita. Maganda at mabait. 

Pero ang isang tao na hindi ko pwedeng makalimutan nung hayskul ay walang iba kundi ang aming punongguro...si Mrs. Jornacion. Kapag sinabing 'nand'yan na si MISIS...alam na namin kung sino. Napaka-strikto niya at sadyang disiplinado sa maraming aspeto. Takot ako sa kanya noon... pero natutuwa ako tuwaing nakikita ko siya. Naaalala ko kasi ang aking kabataan sa kanya. :)

Hindi ko naman sinasabing sila lang ang mga naging guro ko. Marami sila subalit sila 'yung mga tumatak dahil na rin sa paraan nilang magturo. Lahat pa rin naman ng mga naging guro ko nung hayskul ay bahagi na ng aking buhay. 


PS...
Hindi ko na inilagay ang kanilang mga pangalan sapagkat baka magkamali pa ako. :P

Nais ko pa sanang ikuwento ang mga propesor ko nung kolehiyo ngunit sa aking palagay may ibang araw para dito. 

Sa susunod sila naman ang ibibida ko. (*^_^)

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Ang aking mga Guro



Bigla kong nasabi sa sarili ko na parang isang sulatin lang na kailangang ipasa ang title ng post ko na ito pero dahil sa palagay ko ito ang pinakatamang pamagat...hayaan ko na lang tutal...Araw naman ng mga guro.

Hindi ko kailangang sabihin na ang mga gurong mababanggit ko ay mga paborito ko noong ako'y nag-aaral pero mas tama sigurong sabihin na sila ang mga tumatak sa isip at damdamin ko.

Isang buwan ang nakalaan para sa mga guro mula noong September 5 hanggang October 5 pero parang hindi naman ito naramdaman. Kung meron mang bumati parang iilan lang naman talaga...at naalala lang ito sa huling araw ng selebrasyon.

Sabi nga nila, ang pagiging guro ay isang noble profession kaya nakakabilib ang mga guro. Ayon nga sa mga palasak na usapan o kaya naman ay madalas magamit sa iba't ibang speech ang mga katagang 'kung walang guro wala ring mga doktor, inhenyero, abogado at iba pang mga bigating mga tao sa ngayon.'

Ibig lamang sabihin na malaki ang impluwensya ng isang guro sa isang bata. Tulad na lamang ng aking mga naging guro noong ako'y nag-aaral pa.

Nagsimula akong mag-aral noong anim na taong gulang - prep. Ang una kong naging guro ay Ms. Melo. Sabi nila noon,  magkamukha daw kami dahil sa medyo malapad din kasi ang mukha niya subalit mapagpasensya siya sa amin kahit may kakulitan kami.

Minsan, nagpakulay siya ng isang ibon. Ano bang malay ko noon sa kulay? Ang alam ko kapag maraming kulay very good. Kaya naman naging technicolor ang ibon. Pinuri n'ya ang gawa ko maganda raw at sinabi niya na may mga ibon na talagang maraming kulay. Natuwa ako, syempre, bata ako at mahalaga sa akin ang papuri niya.

Nakatapos ako ng prep...mataas ang aking marka. Naggrade one na ako at si Mrs. Bernardo naman ang naging guro ko. Mahigpit siya sa klase pero magaling siyang magturo. Mabilis na akong magbasa noon pero mas nahasa niya ang pang-unawa ko sa aking mga binabasa at naging interesante sa akin ang science. Isa siya sa mga gusto kong guro noong ako'y nag-elementarya.

Grade Two. Lumipat ako ng paaralang malapit sa amin. Medyo masama ang loob ko noon na hindi ko na makikita si Mrs. Bernardo pero wala naman akong magagawa. Naging adviser ko si Mrs. Felipe. Hindi naman sa hindi ko siya gusto pero may tanong sa isip ko noon... bakit ganoon siya at di siya katulad nung nakaraang guro ko. Bakit lagi na lang akong maglilista ng maingay? Lumipas ang ikalawang bahagi ng elementarya - ganun lang kabilis.

Grade Three. Si Mrs. Tiratira ang adviser ko. Ang lakas ng boses niya. Umaabot halos sa bahay namin. Walking distance lang kasi 'yung school kaya nga takot na takot akong umabsent dahil baka makita ako nila Ma'am na pagala-gala habang nagkaklase sila. Perfect attendance yata ako noon.

Grade Four. Si Mrs. Dualan naman ang adviser ko. Dumadagundong din ang boses niya sa aming silid. Maghapon ang pasok namin sa kanya. Mabait at strikto sa oras ng klase. Isa siya sa mga natuwa nang malaman niyang isa na akong ganap na guro. Inaanyayahan pa nga niya akong pumasyal sa kanila.

Grade Five. Hanggang grade 4 lang ang kasya sa school namin kasi extension lang kaya nung grade five na kami dun na kami sa main campus. Si Mrs. Santos naman ang aking naging gurong tagapayo. Malumanay magsalita parang hindi makakasakit ng kahit isang mag-aaral. Napakabait at hindi yata marunong magalit. Pero palaging malinis ang aming silid.

Grade Six. Last year sa elementary. Si Ms. San Marcos (misis na yata siya ngayon) naman ang naging adviser ko. Mabait din at malumanay makipag-usap ngunit may kakayanan siyang patahimikin ang buong klase at walang kawala ang mga pasaway. Maliit lamang siya ngunit nagagawa niya kaming pasunurin! Kaya nung kaming nagtapos di ko pinaligtas ang pagkakataon na makakuha ng picture kasama siya.


Siguro nga kung uso na noon ang celfon na may camera lahat sila ay makukuhanan ko ng picture. Pero para maging patas... di na lang ako maglalagay ng larawan. (palusot... :P)

Pero isa lang naman ang gusto kong ipunto, nais ko silang pasalamatan sa lahat ng kanilang nagawa para sa akin. (*^_*)

Pahabol...

Mga guro ko palang 'yan sa elementarya... paano naman ang hayskul syempre may part 2! :P