Lunes, Hunyo 24, 2019

Padaan sandali...

Inaagiw na yata ang blog ko... hehehe



Isang taon nang tulog ang blog ko dahil sa hindi ko maharap. Gustuhin ko mang bumalik parang ang hirap sapagkat maraming nakabinbin na gawain at trabaho. 

Sabi ko papasyalan ko lang ito sandali pero napatipa ako ng konti. 

Natuwa ako nang makita kong may pageview pa rin pala ang blog ko...amazing! (hehehe...) So, meron pa palang napapadpad dito...Salamat sa inyo! mula iyan sa kaibuturan ng aking taba...este...puso. 

Para sa mga napapadpad sa blog na ito:  Kumusta? Pasensya na at wala pa ring bagong kuwentong may kuwenta dito. Sana kapag sinipag na akong mag-update ay makapamasyal ka pa rin dito. 😊

Saglit na pagpasyal lamang ito na walang laman...sabaw na yata ang utak ko sa dami ng dapat kong isipin.  Ninanais ko nang bumalik at pansining muli ang aking mga blog kaya lang talagang sa ngayon hindi ko mahanapan ng oras. 

Namimiss ko nang gumawa ng mga review...magkuwento lang ng kung ano. 

Pangako, muli akong magsusulat. Muli akong magiging masaya sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng kalayaan. 

Hanggang sa sunod na paskil! 👋👋👋

Martes, Setyembre 11, 2018

Malalim pa ang gabi



Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.

Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.

Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa. 

Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan. 

Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat. 

Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.

Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.

Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito. 
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)

PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)

Linggo, Agosto 6, 2017

May maisulat lang



Hindi ko na napansin ang pagtakbo ng oras. Ang alam ko lang ay may kailangan akong gawin at tapusin. Ngunit sa kabila ng mga gawaing ito, napadpad akong muli sa aking pahinang matagal ko nang hindi napagtutuunan ng pansin.

Kung tutuusin wala naman talaga akong balak isulat...bagaman may mga ideya na patuloy na pumapasok sa isipan ko, mga nais kong ibahagi subalit hindi ako makahanap ng oras at panahon para isatitik ang mga ito.

Sa matagal na pananahimik ko sa pagsusuri ng mga pelikula at pagsusulat ng mga pangyayaring naranasan ko... nais ko muling bumalik. Nais ko muling magbahagi. Hindi ko naman kinalimutan kaya nga lamang ay maraming gawain na nakapipigil sa aking gawin ang isa sa mga hilig ko...at ito ay magsulat.

Masasabi kong nakaw na sandali ang pagkakataong ito na makapagpaskil ako ngayon. Maikling hinaing lamang ang magagawa ko sapagkat hindi sumasapat ang mga salitang aking nabubuo upang ayusin at pagandahin ang mga habi ng pangungusap ko.

Bahala na kayong umunawa, kung mauunawaan ninyo. Tanong ko lang palagi sa aking sarili tuwing ako'y magpapaskil... may nagbabasa ba naman sa mga paskil ko. (Asa mode lang di ba?)(*^_^)


Photo Credit:Ugly Dukcling Don't


Lunes, Abril 10, 2017

Kalma lang bawal pikon

Pikon ang laging talo.

Madalas itong binabanggit kapag napansin ng kausap mo na naasar ka o nagalit at hindi mo nakuhang kontrolin ang iyong sarili. Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo at nadaragdagan ang mga wrinkles mo dahil sa hindi mo makuhang ngumiti man lang. Sa paglipas pa ng ilang araw magugulat ka at marami ka na palang puting buhok dahil madalas kang mainis, maasar o kaya nama’y magalit.

Tanong ko lang, hahayaan mo bang pumangit ka dahil sa mga ganoong bagay? Hindi mo dapat dibdibin ang mga ganoong pangyayari...dapat ay gumawa tayo ng paraan para mawala ang inis at asar na ‘yan.

Narito ang ilan sa mga katwiran ko kapag nakadarama ako ng pagkaanar o inis.

1. Kapag galit ka, magpaganda ka!




Ito ang pinaka unang katwiran ko sa buhay... dapat maganda ako kapag humaharap sa aking mga kliyente...magalit man ako, maganda pa rin! (Dapat super red and lipstick para masaya.)

2. Gusto kong maging alien

Madalas ko itong isipin kapag nakakaharap ko ang mga taong malabong kausap. Sila kasi ‘yung mga taong kahit gaano pa kalinaw ang paliwanag at instruction na binigay ay hindi nila ma-gets. Para bang Malabo pa rin... kaya minsan gusto kong maging alien, ang labo kasi nila. Hayyy...

3. OO na lang


Ito na lang ang masasabi ko sa sarili ko kapag ang kausap ko ay maraming sinasabi, panay paliwanag at paligoy-ligoy. Hindi ko na alam kung saan ba talaga ang punto. Nakakayamot makinig lalo na kung alam mo na ang totoo tapos kung ano-ano pa ang sasabihin. Pwede ba, hindi ako t_n_a... nag-aral din naman ako... kaya sige, oo na lang para matigil ka na. Kapagod sa tainga ang mga alibi.

4. Idaan sa ngiti

Isa sa mga bagay na dapat mong gawin kapag nayayamot na ay ngumiti. Una, wala ka na namang magagawa kung sakaling nakagawa ng pagkakamali. Pangalawa, mapapagod ka lang sumimangot na magiging dahilan para pumangit. Sabi nga mas maraming muscle ang gumagana kapag nakasimangot kaya dapat ngumiti na lang tayo kahit nayayamot.

5. Magselfie na lang

Madalas kapag selfie, ngumingiti tayo... kaya kaysa ma-imbyerna, i-selfie na lang yang pagka-badtrip na nararamdaman at saka magbuntong hininga. Maasar ka man hindi halata.

Kung tutuusin marami naman tayo pwedeng gawin para hindi tayo tuluyang magalit at matanggal ang nararamdaman nating inis o kaya ay pagkaasar. Nasa atin na rin kung masyado tayong magpapaapekto sa mga iyon.

Maikli lang ang buhay para sayangin ang oras para maasar at mainis. Baka mamaya niyan tayo lang ang naiinis pero yung kinaiinisan natin wala lang sa kanila...lugi pa tayo. Kaya dapat mas marami tayong oras na maging masaya, at lagi tayong maging positibo. (*^_^)

photo credit:
https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwivn6Sf0KvTAhWBMpQKHevDCZEQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fkatelouisse.wordpress.com%2F2017%2F01%2F24%2F4199%2F&psig=AFQjCNFqys1qlu_nEpBL_n1_-igtm1J91w&ust=1492523037802819

https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwjIrdrM0qvTAhUMkJQKHeczApAQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fmemesuper.com%2Fcategories%2Fview%2Fe6940c873e2b1b5ed5bd25248e187e5c6dbd1219%2Foo-na-lang-meme.html&psig=AFQjCNGVRNp6T7WGt8m4t0o8O9rHs2h3vA&ust=1492523798728202


Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)

Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Linggo, Abril 10, 2016

Usapang aswang and everything

Nalalaman kong hindi pa panahon para pag-usapan ang tungkol sa mga nakakatakot na pangyayari o karanasan ngunit dahil sa nakapangako na ako sa isang kaibigan na nangangailangan ng kuwentong ito, isasalaysay ko na lamang dito. Hindi kasi kami magkaroon ng pagkakataong magkita at magkuwentuhan tungkol sa pakay niya kaya hayaan niyo nang maging creepy ng sandali ang pagbabasa niyo ng blog ko sa panahon ng tag-init.


Kapag lumaki ka sa panahon namin noon na malaki ang paniniwala sa mga duwende, mga aswang, mga multo at kulto na nangunguha ng bata para pang-alay. Ilan iyan sa mga nagbibigay sa amin ng dahilan noon para matakot kami na abutin ng pagkagat ng dilim sa lansangan.

Ngunit maniniwala ba kayo kung sasabihin kong may mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari noon na aking nasaksihan na nagpaniwala sa akin na totoo ang ilan sa mga ito?


Isa na dito ang tungkol sa mga duwende. Maraming kuwento ang lola ko noon sa akin na ako raw ay mahilig maglaro mag-isa at may kinakausap. Tuwing ikinukuwento niya iyon kinikilabutan ako pero sa isang banda ng isip ko siguro ay masarap magkaroon ng kaibigang duwende. Madalas, may mga nawawalang gamit sa bahay namin na matapos kang mahilo sa paghahanap biglang lilitaw. Halimbawa ay suklay, na makikita na lang sa ibabaw ng aming lamesa. Pinaniniwalaan ng lola ko na duwende ang may gawa noon. Syempre bilang bata, naniniwala ako ngunit minsang kinuwento niya na sa likod bahay namin na may puno ng bayabas ay nakita niyang nagkukuyakoy ang isang bata na may sombrerong kulay pula, matulis na sapatos na pataas ang dulo, makintab ang damit na mahaba ang manggas at lagpas tuhod na pambaba at nakasuot ng puting medyas. Masaya raw itong nagkukuyakoy sa puno.

Ilan pa sa mga nagpatunay na may duwende raw sa amin ay ang aking tito na sinususugan naman ng ninong ko, na kapag raw sila ay nagkakaingay sa kuwentuhan sa labas ng aming bahay at naghahalakhakan kasama ang aking lola at tatay ay may bigla na lang may mambabato. Ang harap ng aming bahay noong bata pa ako ay isang bakanteng lote na mapuno na kung minsan ay tinutubuan ng mga talahib kapag tag-ulan. Minsan ko na ring naranasan iyon noon na habang sila’y nagkukuwentuhan biglang may bumato, kaya sasabihin naman nila ninong ‘nagagalit na mga kaibigan natin, tayo na’t umuwi.’

Kapag naman may nababati sa amin, nag-aalay sila ng pagkain sa mga ito. Maaari raw kasing nagalaw ito o nasaktan ng hindi namamalayan kaya noon uso ang pagsasabi ng ‘Tabi-tabi po, makikiraan po!’ Sinasabi kasi na kapag hindi mo ito winika ay maaaring makasakit ka ng mga di nakikita... maaaring duwende o kaya ay mga maligno.

Noon, balitang-balita rin ang paggala ng mga aswang. Kaya naman kapag may buntis ay talagang pinag-iingat ng husto dahil may tiktik raw na gumagala. Nandiyan pa ang sinasabi ng mga matatanda tungkol sa pag-alam kung ang kaharap mo ay isang aswang. Tao raw sila sa umaga at sa gabi ay nag-iiba ang anyo. Minsan nagiging itim na pusa o kaya ay malaking ibon. Malalaman mo raw kung aswang ang kaharap mo kapag baliktad ang kanyang anino at pailalim kung tumingin.

Dahil sabi-sabi lang naman ito, hindi ganoon katindi ang aking paniniwala rito kaya nga lamang nang minsang may nagbuntis sa isa sa mga kapitbahay namin, isang pangyayari ang gumising sa amin isang gabi. Nagsisigawan ang mga kalalakihan at parang may hinahabol at doon sa may likod daw naming tumalon kaya napalabas kami ng bahay.

May aswang raw. Kinilabutan ako. Sabi nila tinamaan raw sa kamay at batay sa usapan nila ay titingnan nila sa kabilang baryo baka roon nagtatago ang nasabing aswang. Kaya naman nang sumunod na gabi ay inantabayanan nila. Nakakatakot kasi noong gabi iyon sa tapat ng bahay ng nagbubuntis ay may isang malaking kuwago ang paikot-ikot sa bubungan nito na pilit na binubugaw ng asawa ng babae.

Magkakamag-anak ang mga naroon kaya nagtulong-tulong sila. Malaki raw kasi ang posibilidad na babalik iyon dahil malaki na ang tiyan ng buntis. Inabangan nila pati kami naki-abang (actually, 'yung tatay ko, usisa lang ako). Sa kalaliman ng gabi, napansin nila ang isang lalaki sa bubungan ng bahay kaya ang ginawa nung tatay ng kaibigan ko ay umakyat sa bubong na naka-brief lamang at naglagay ng langis upang akalain raw nito na kauri siya. Hinihikayat niya itong bumaba dahil gusto nila itong hulihin ngunit mabilis itong bumaba sa bubong at ang nakakapangilabot ay imbes na paa ang mauuna sa pagbaba nito ay ulo ang unang bumaba... nagkagulo sila sa paghabol habang napapasok naman ako sa bahay sa takot. Sa kanilang paghabol, naging itim na pusa raw ito at muling tumalon sa pader sa likod bahay namin.

May paniniwala ang mga taga sa amin na ‘yung bagong mukha sa kabilang baryo ang aswang kaya sinusog nila kinabukasan ang lugar ngunit sinabing nakaalis na raw ito. Nakakatakot... pero hanggang sa ngayon nandoon pa rin ‘yung palaisipan kung totoo nga ba iyon o hindi.

May mga kuwento rin ng mga multo at white lady. Kuwento kasi ng lola ko, noong dumating sila sa doon sa lugar naming, kasing taas ng bahay ang mga talahib. Marami ring natagpuang mga bomba roon lalo na sa bakuran namin. Pinaniniwalaan na naging kampo ng mga sundalong Hapon ang lugar na iyon noon kung kaya’t maraming nakabaong mga ganoon. Nariyan ang mga kuwento na may mga naglalakad at parang naghihila ng mga bakal tuwing hatinggabi. At sa may tapat raw ng puno ng Mangga na katabi ng tanke ng tubig ay may lumalabas na White Lady.

Ayoko nga maniwala pero alam ko sa sarili ko na minsan na akong nakakita ng White Lady. Mahaba ang kanyang buhok at siyempre nakaputi. Hindi ko tiyak kung nakita ko ba ang mukha niya sapagkat mas madalas kapag naglalakad ako ay sa bandang baba ako nakatingin. Alam kong may makakasalubong ako pero nagitla ako dahil sa pakiramdam ko ang bilis niyang maglakad kaya nilingon ko ito at doon ko nakita na nakalutang siya hanggang sa mawala. Nagtatakbo akong pauwi ng bahay. Kaya kapag natatapat ako sa may tanke ng tubig napapatakbo ako. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw kong inuutusan sa gabi para bumili sa tindahan dahil noong panahong iyon ang lalayo pa ng mga tindahan.

Minsan naman ay may sumisitsit o kaya ay parang tinatawag ang pangalan mo. Iyong isang ate ng kaibigan ko ay nakasabay ko minsan, gabi iyon at papauwi kami, sa pakiwari ko nanood kami sa may basketball court ng laro at nagkataong nagkasabay kami dahil pareho lang naman ang daan naming. Pagtapat naming sa punong mangga may sumisitsit, paulit-ulit at malakas sa asar niya ay minura niya ito ng minura hanggang makaliko siya papunta sa kanila at ako naman ay binilisan ko ang paglalakad. Halos di ako huminga sa takot ko noon.

Bagaman hindi na ito masyadong pinaniniwalaan sa ngayon, masasabi kong naging isang malaking bahagi ito ng aking pagkabata. Kahit pa maraming nagsasabing hindi ito totoo at kuwento-kuwento lang ang naging karanasan, naramdaman at nasaksihan ko ay magiging batayan ko na ito ay totoo.