Huwebes, Oktubre 31, 2013

Creepy sa katanghalian

Tanghaling tapat. Matapos kumain nagpahinga ako ng kaunti dahil ala-1 babalik kami sa comlab para ipagpatuloy ang In-service training namin. 
Mga kasama kong mag-inset. :)

(Sembreak ng mga bata at kaming mga guro na hindi umupo sa eleksyon ay kailangang pumasok at ako ang naatasang pamunuan ang gawain.)

Maganda naman ang simula ng umaga namin. Nagdasal at nag-exercise pa nga kami. Sa madaling salita, walang problema. May dumating na speaker...ayos din.

Balik sa lunch time... sinara ko ang comlab after declaring ng lunch break... binigay kasi sa akin yung susi at dahil sa nag-aalala ako na baka may masira ni-lock ko muna habang nagkakainan kami. Quarter to one bumalik akong mag-isa sa comlab, abala pa kasi sa pagkukuwentuhan ang mga kasama ko at inakala ko na may naghihintay na sa akin para buksan ung lab.

Habang bumababa ako ng hagdan nakita ko ang isang estudyanteng papunta sa dulo ng hallway...dead end 'yun at wala na siyang iba pang pwedeng puntahan kaya nasabi ko sa sarili ko na sisitahin ko na lang pagbaba ko. Naiisip ko kasi na baka isa siya sa mga pinabalik para sa review.

Narating ko naman ang hangganan ng hagdan at bago ako tuluyan dumiretso sa padlock ng comlab nilingon ko ang batang nakita ko...pero wala siya. Inisip ko na baka pumasok sa katabing klasrum pero naka-lock din ito. Pinagana ko ang aking mata, sinuri ang bawat kanto ng hangganan... pero talagang wala siya.

Imbes na tumakbo ako at magsisigaw... pinakalma ko ang isip ko... binuksan ko pa rin ang comlab... binuhay ang mga ilaw at huminga ng malalim. Pagkatapos kalmado akong umakyat ulit sa taas at tinawag ko na ang mga kasamahan ko. Ang totoo hindi ako natakot...kinabahan lang ako...siguro kung natakot agad ako...bonggang tili ang gagawin ko.

Pero, nag-isip ako kung sasabihin ko ba sa kanila 'yung nakita ko...pero naisip ko na baka matakot silang lahat mas mahirap naman 'yun kaya sinarili ko na lang at nagsimula na muli ang gawain namin. Natapos kami mga mag-aalas-kwatro. 

Nag-aalisan na silang lahat... nakaramdam ako ng kaba... baka mamaya maiwan na naman akong mag-isa at biglang lumitaw 'yung batang nakita ko...mabuti na lang at may isang nakipagkuwentuhan sa akin tungkol sa isang palabas na pareho naming pinapanood...sinabihan ko siya na hintayin n'ya akong matapos mag-ayos at sabay na kaming umakyat.

Di ko kasi masabi sa kanya tungkol sa nakita ko. Pero isa lang ang sigurado ako, hindi ako inaantok. Nakita ko talaga ang isang batang babae na lagpas balikat ang buhok at nakaputing pantaas. 

Hay, akala ko nga sa gabi lang nagpaparamdam ang mga gan'on... di pala... kahit anong oras pala pwede. Kakalokah lang talaga... tapos kapag kinuwento ko sa iba sasabihn baka guniguni ko lang daw. 

Anyway, hindi naman ako namimilit ng maniniwala sa akin... pero sigurado ako sa aking nakita.
(*^_^)

Linggo, Oktubre 27, 2013

Nang-agaw ang Tumblr

Nag-eenjoy ako ngayon sa pagpo-post ng kung ano-ano sa tumblr...noon kasi hindi ko masyadong ma-gets! Nito ko lang ulit binuksan at sinubukan kong magpost ulit at 'yun boom...sunod-sunod ko namang ginawa.haha~

Mabilis lang magpost sa tumblr...instant kung baga... kung di ka na mag-iisip ng matagal mga pictures na lang at lagyan mo ng kung ano mang masasabi mo sa ipo-post mo. Ang saya lang...bigla akong nag-enjoy at parang tila tinalikuran ko ang aking blogspot...

Pakiramdam ko tuloy...mawawalan ako ng oras para magpost dito sa blogger. Bigla ako nakaramdam na para bang ako'y nagtataksil...ngunit napag-isip-isip ko... kung tutuusin pwede ko rin namang gawin 'yung paraan ng pagpapaskil.

Madalas kasi pinag-iisipan ko kung ano ang mga dapat kong ilagay sa aking mga blog. Madalas iniisip ko kung ano ang mga magandang bagay na naganap, mga aral na dapat malaman at kung ano-ano pa. Pero, sa tumblr...parang isang picture... may nasasabi ako na hindi ko na kailangan pang mag-isip ng matagal.

Kung nakakapagsalita lang siguro ang blogger... sasabihin nito sa akin...

unfair ka... pwede mo rin iyong gawin sa akin bakit di mo ginawa?
Tama, pwede kong gawin dito sa blogger kung ano man ang pwede kong gawin sa tumblr pero magkaibang level lang kasi. Mas mabilis lang kasi magpost sa tumblr... iyon lang siguro 'yun.

Kaya naman napag-isip-isip kong mula sa mga mabilisang post na ginagawa ko sa tumblr... makakakuha naman ako ng mga bagong ideya na mailalagay ko sa blogger. Pasaway ba ang dapat itawag sa akin?!?
Kalokah lang kasi.

Martes, Oktubre 22, 2013

Kwentong Jeepney: Bubot ka pa, Ineng!

Papasok na naman ako ng trabaho at syempre sasakay ako ng jip. Karaniwan, dedma lang ako sa itsura ng mga kasakay ko.

Pero ngayong araw na ito kasunod kong sumakay ang isang elementary student dahil sa kilala ko ang unipormeng suot niya.

Ang nakakaloka, ahit ang kilay, naka-foundation at mapula ang labi. Mahahaba ang kuko at may mga kung ano-anong mga nakasulat sa kanyang kamay at sa may binti na parang tattoo...na ipinagpapalagay niya, sa tingin ko, na maganda.

Gusto ko siyang tanungin, gusto kong usisain ang dahilan kung bakit ganoon ang itsura n'ya...pero di ko nagawa. Parang ako pa ang nahiya para sa kanya. Kung tutuusin ano bang pakialam ko, pero masyado lang siguro akong na- bothered sa kaanyuan niya.

Kung sabagay maraming tulad ng batang ito ang nagpupumilit na maging dalaga. Mga bubot na bubot pa'y kung manamit, mag-ayos at kumilos ay parang mga dalaga. Sa aking palagay, grade 6 na siya at sa edad niya, parang di niya alintana ang maaaring idulot ng mga koloreteng pinahid niya sa kanyang mukha at di rin yata niya pansin na nagmumukhang madungis na siya sa mga bolpeng tattoo na isinulat niya sa kanyang murang balat.

Bukod pa sa maaga nilang pagkilos bilang dalaga ay kapansin-pansin din ang maaga nilang pagkakaroon ng bf o gf... ano rin ba ang pakialam ko d'on...ang alam ko lang, sa edad nila, mas magandang maramdaman nila ang pagiging bata. Maglaro sila, magtawanan, magkuwentuhan, kumain ng dirty ice cream, maligo sa ulan... magpatintero, mag-agawan base at marami pang iba.

Isa lang naman ang pinupunto ko, minsan lang naman kasi magdadaan ang pagiging bata...kaya dapat sana i-enjoy na lang nila para kapag dumating ang panahon na umedad sila... wala silang na-missed out sa buhay nila.

Hayyy... kung ako lang eh, kamag-anak nito masasabihan ko talaga siya nang

Ineng, bubot ka pa! (*^_^)

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Lunes, Oktubre 7, 2013

Like din pala nila ako

Natuwa naman ako nang makatanggap ako ng mga liham, card at puso sa Araw ng mga Guro...meron din palang nagbibigay halaga sa akin bilang guro.


I have two hearts... :)





Natutuwa ako sa nilalaman ng kard na ito.

Karaniwan, di gaanong magugustuhan ng isang mag-aaral ang isang tulad ko pero ganoon pa man, nakakatuwang isipin na may mga nakaka-appreciate sa ginagawa ko. Kaya naman gusto kong magpasalamat sa mga gumawa at naglaan ng oras para pasalamatan ang isang tulad ko. 

Ngunit sa lahat ng gumawa ng card, natatangi pa rin ang gawa ng aking anak. Natutuwa ako sa palagian niyang paggawa ng card sa mga espesyal na mga araw tulad ng Teachers' Day! (*^_^)






Gawa ng aking anak! :)