Lunes, Setyembre 22, 2014

Para kay Ateng




Sa una naming pagkikita, para siyang na-culture shock sa mga sinabi ko tungkol sa kakaharapin niya. Inakala ko pa nga na baka magback-out siya dahil na rin sa dami ng bata na kailangan niyang turuan bawat klase pero palaban siya.


Hindi man kami matagal na naging magkakilala pero parang matagal na kaming magkaibigan. Nag-click agad kami. Madalas magkaututang dila kami sa kahit anong paksa... mapa-pamilya, buhay, gawain, mga insecurities, mga pangarap sa buhay at usaping pag-ibig.

May mga usapang kami lamang ang nagkakaunawaan at may mga pagkakataong humahalakhak kami sa joke na kami lang ang nakakaalam ng dahilan. Masarap siyang kasama, may pagkamaldita nga lang. Masuri sa pamimili ng mga gamit at fashionista rin. May kakulitan din siya pero syempre mas makulit ako. 

Nagkapuwang siya sa aking puso bilang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan tulad ni sisteret... kung tutuusin tila siya ang pumalit sa pangungulila ko dito. 

May pagkakataon na pareho pa kaming naluha sa ilang mga session namin... ngunit kinailangan niyang mamili at magdesisyon. Lumipat siya at tunay akong nalungkot.

Kaya sa espesyal niyang araw ay nais ko siyan batiin ng isang

MALIGAYANG KAARAWAN!!!

Nawa'y mapasaiyo ang lahat ng iyong mga ninanais. Mapuno ng kaligayahan at mabusog sa pagmamahal. :)
miss you overload! (*^_^)

Biyernes, Agosto 22, 2014

Himutok

Gusto ko sanang kutusan ang tulad mo
mahilig mag-isip ng kung ano-ano
wala naman sa lugar ang  pagtatampo.

          Gaano ba kakitid ang utak mo
          at hindi maunawaan ng husto
          naabala ang lahat saan mang dako.

                    Kung ang ginawa mo'y nakiisa
                    at hindi pansarili mong mga nasa
                    siguro ay mas nakatulong ka pa.

                              Ngunit pinuno mo nang isipin
                              ang mga tao sa iyong paligid
                              nakasira ka nang sobra sa gawain.

                                        Ano man 'yang pinadaraanan mo
                                        wag na sanang kami'y idamay pa
                                        at kami'y hindi mahilig sa negatibo. (*^_^)

Biyernes, Hulyo 25, 2014

Coffee Jelly ni Alvin

 Isa sa mga kinawiwilihan namin ngayon ang pagkain ng coffee jelly na gawa ni Alvin. Creamy at malambot ang gelatin nito at dahil sa marami ang nagnanais na matuto kung paano gumawa ng desert na ito... nagbigay na siya ng procedures na inaasahan naming lahat na maging successful.


Eto ang INGREDIENTS:

     1 CAN EVAPORATED MILK (BIG)
     1 CAN CONDENSED MILK (BIG)
     1 PC. NESTLE CREAM
     1 KILO SUGAR (SUPER BROWN)
     25 GRAMS NESCAFE
     1 (P20.00)AGAR-AGAR (FROM MORONG 'GELATIN POWDER')
     4 1/2 LITERS OF WATER

PROCEDURES:

1. PUT 4 1/2 LITERS OF WATER IN A STOCKPOT.

2. MIX AGAR-AGAR AND NESCAFE IN WATER. WHEN THEY ARE ALREADY MELTED, PUT IT UNDER FIRE. WAIT UNTIL THE MIXTURE REACHED ITS BOILING POINT.

3. PUT THE SUGAR.

4. WAIT AGAIN FOR THE MIXTURE TO BOIL. THEN, TURN OFF THE FIRE.

5. POUR THE MIXTURE IN A TRAY WHERE IT WILL BE COOLED.

6. AFTER CUTTING THE MIXTURE INTO DESIRED SHAPE, MIX IT WITH THE EVAPORATED MILK, CONDENSED MILK AND NESTLE CREAM.

7. REFRIGERATE IT.

8. BEST SERVED WHEN CHILLED.

'Yan na ang paraan sa paggawa ng coffee jelly.

Try n'yo ring gumawa... pero ang masasabi ko lang, kailangan ng pasensya lalo na kung first time pa lang gumawa. (*^_^)

Miyerkules, Hulyo 16, 2014

Ano nga iyon?

Kapag tapos ka nang magsalita
pakikinggan mo ba ako, 
mga sasabihin ko ba'y uunawain mo
panahon mo ba'y ilalaan mo pa
tulad ng ginawa kong pakikinig sa'yo?

Kapag tapos ka nang magsalita
sasagot ba ako 
o tahimik na lang akong lalayo...
papatol ba ako't magpapakababa
o titingnan na lang kitang nadidismaya

Kapag tapos ka nang magsalita
susuriin ko ba 
lahat ng sinabi mo
o titingnan kita
hanggang sa ika'y matunaw?#

http://25.media.tumblr.com/tumblr_mccramvzdc1rey9iqo1_500.jpg



Sabado, Hulyo 12, 2014

Blog kung saan-saan


Noong una, hindi ko alam kung paano magblog. Pero ang alam ko, maari itong maging daan para sa pagpapahayag ng mga saloobin at gayundin ng mga sariling katha na kung saan ay maaaring makita at mabasa ng ibang tao.

Ang totoo niyan, hindi ako sanay na may nagbabasa ng mga ginagawa ko. Una, dahil sa natatakot akong mahusgahan ang mga sinusulat ko pero sa isang banda ng aking isipan gusto kong may pumuna. Gusto kong may magbigay ng kanyang opinyon ukol sa aking mga ginawa.
Kaya naman nang magsulputan ang kung ano-anong site na maaaring makabuo ng blog ay gumawa ako. 

Nandyan ang blogger, livejournal, wattpad, itong tumblr at may isa pa na hindi ko na matandaan kung anong pangalan. Parang tanga lang na gumawa ng kung anong mga sulatin. Umaasa na may papansin sa aking mga sinulat at pinaskil.

Nito ko lamang napagtatanto na ang pagba-blog ay isang daan para kumonekta sa mga mambabasa. Hindi naman ito payabangan ng salita. Kung minsan nga kung ano pa ang pinakamababaw na sinulat o pinaskil yun pa ang nakakuha ng interes ng marami kaya naman naisip kong mas maging ako kapag nagsusulat.

Iniiwasan kong makulong sa mga tradisyunal na paraan ng pagsusulat. Mas pinili kong magsulat ng mga bagay na pumukaw sa aking interes. Mga bagay na gusto. Hindi naman kailangan sobrang seryoso ngunit hindi rin naman basta lang.

Maganda ring sa mga sinusulat mapa-rebyu man ito ng mga palabas, nobela at kung ano pa ay makapag-iiwan ng mga butil na kaalaman o kaya nama'y kaisipan na gigising sa kaisipan ng mga mambabasa.

Maibalik ko lang sa aking naunang sinasabi... sa dami ng aking ginawan ng blog... laging dito ako bumabalik sa blogger. Ewan ko ba kung tutuusin ang iba ay mas madali lang ang pagpapaskil ngunit mas gusto ko ang paraan dito. Masaya na ako rito at nawa'y magpatuloy pa ang aking pagpapaskil kahit napakaraming gawain.

Kung sabagay, sabi nga kapag ang isang bagay na gawain ay nakapagbibigay saya sa atin kahit gaano kahirap o kaabala nagagawan ng paraan para maisagawa ang ninanais.(*^_^)

Photo credits:
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRimrY1Kh1BJeH0z_bDq16gwkn4qKvZB7UWjcMQch9MaqW_53ON
http://www.artisanskinfacebody.com/uploads/2/9/4/8/29480759/7524478_orig.jpg

Miyerkules, Mayo 28, 2014

Entrance Exam



Matapos ang halos 14 na taon, ngayon na lang ulit ako kumuha ng Entrance Exam.

Nawindang ako. Totoo.

Hindi naging madali ang mag-file ng application. On-line magre-register at ang payment ay sa main at ang filing ay sa graduate studies. Sa unang sabak, kulang. Umuwi kaming luhaan at hinagilap ang kulang na papel.

Kinabukasan, bumalik kami. Dala na namin ang mga bagay na wala nung nagdaang araw. Ngunit ewan ba sadyang mapanukso ang pagkakataon... mali pa rin ang aming bitbit. Pero na-realize naman namin na hindi nga iyon ang hinihingi kaya ayun hanap ng paraan. Nakapag-file naman kami ng application.

Ngayon ang nakatakdang entrance exam. Nag-aalala ako. Hindi ako nagrebyu, una dahil sa wala akong ideya kung anong nilalaman ng exam. 9:00AM ang nakalagay sa permit namin. Nagkaroon kami ng usapan. Magkikita ng 7:30 na nauwi sa 8:30... mabuti na lang may MRT. Siguro mga 15-20 minutes nandoon na kami. Pagbukas ng pinto ng MRT, nanakbo kami pababa ng hagdan... tuloy-tuloy patungo sa destinasyon. Mga tatlong kalye ang tinakbo naman... habol-habol namin ang hininga.

Sakto ang dating namin. Inakyat namin ng mabilis ang second floor. Sabi kasi nakapaskil raw sa pinto ang mga pangalan pero wala naman kaya bumaba ulit kami para alamin 'yung kwartong pupuntahan. Magkahiwalay kami.

Pag-upo ko parang may bukal ako ng pawis. Di matapos-tapos ang pagpahid ko sa aking tuloy-tuloy na pagpapawis. Aircon ang room...okay sana kaso naiisip kong masama 'yun sa mga tulad kong nanakbo, pinawisan tapos ay malalamigan. Pero siguro dahil minsan lang okay na rin.

Lumipas ang 30 minutes hindi pa nagsisimula. Wala pang proctor. Mabuti na lang, nagkaroon ako ng oras para kumalma at makapagpahinga. Ngunit ang sandaling hinihintay naming lahat ay dumating.

Pinamigay ang mga booklet at answer sheet...ayun, o... hindi ako inabutan ng booklet pero kinuhaan naman ako. (natakot ako baka mahuli sa pagsagot.)

Lintak na exam 'yan... Puro English... sa pagkakaalam ko Filipino ang major ko, eh, bakit ganoon? Pero ano bang magagawa ko... kaya sinagutan ko rin naman sa wikang Ingles. Halos matuyo ang utak ko at ang nakakaloka may computation pa... waaaaah... help me Lord na lang ang nasabi ko.

Matiwasay ko namang natapos ang exam. Hindi ko lang tiyak kung tama lahat ng sagot ko. Una, hindi na ako sanay sa mga ganoong uri ng exam at pangalawa, hindi ako bihasa sa Ingles pero marunong akong mag-ingles.

Nagkita ulet kami, at pinag-usapan ang nangyari. Parang isang oras na ang lumipas di pa rin kami maka-move on sa exam. Pero at least, nasubukan ko ulit kulitin ang isipan ko. Nagfunction naman yata ng maayos.

Hindi rin pala maganda 'yung walang exercise sa mga ganoong klase ng pagsusulit. Nakakagulat.
Pero, we're not really hoping for the best but we're ready for the worst. >cross-fingers<

Sa araw na ito, maituturing kong 'da best experience ang maghabol ng oras' ang tagal ko nang hindi nagawa 'yun. Pakiramdam ko tuloy nasa bahagi ako ng Bourne Legacy. haha (*^_^)

Martes, Abril 8, 2014

Team bonding 101



Ayon sa isang qoute:
All work and no play makes Jack a dull boy.
at dahil ayaw naming maging dull boy and girl... nagkaroon kami ng Team Building!

We went to Paraiso Beach Resort at Sariaya, Quezon and have fun.

Two days and one night kami roon. Dumating kami ng 12pm doon at ariba na sa dagat ang iba. Yung iba dahil uso ang selfie... namasyalan na agad at nagkukuha ng mga picture ng kanilang sarili o kaya kasama ang kanilang mga friendship.


Post dito. Post doon. At dahil hi-tech na lahat, agad-agad ang iba naka-status na sa FB o sa kaya ay sa Twitter. (Ang sosyal!)

May mga inuna ang kumain. May mga nagpahinga dahil sa haba ng byahe. May mga naghuntahan. May mga nag-videoke. May maganda ang boses pero may mga gustong magpumilit humawak ng mic.

Ang mga takot sa araw, hinintay muna ang paglubog ng araw bago lumusong sa tubig.

About the place, maganda naman. May swimming pool din bukod sa baybaying dagat. Nakakatuwa rin dahil may palaruan para sa mga bata at mga isip bata. May ilang mga hayop na maaaring makita. Masarap din ang mga pagkain.


Pero bukod sa mga magagandang tanawin, masasarap na pagkain at mainit-init na tubig ng dagat at pool... ang masayang bagay na meron sa pamamasyal na ito ay ang mga kasamang maaaring hindi pa lubusang kakilala o kaya naman ay mga kasama nang inugatan sa trabaho.

Pagkatapos kumain ng hapunan, nagkaroon ng gathering (team building). Nagsimula kami sa panalangin na pinangunahan ni Sir Roque. Sinundan ng ice breaker ni Ma'am Carly with her girlfriends Ma'am Shen Ann and Ma'am Ruth. Nakigulo rin sa ice breaker si Sir Timmy sa kanyang bahay kasama si Sir Vergel at Sir Andrew. Tamang tawanan lang.



Isa sa mga highlight ng gabi ang pakikinig sa word of wisdom na mula kay Sir Tipay kung saan ay tinalakay niya ang VOTE. V for vision, O for organize, T for trust and E for endure. Sinasabi na kailangan ng unity and trust sa kapwa para maging maganda ang samahan sa buong faculty.


Nagbigay naman ng words of encouragement si Sir Beltran, ang aming principal at isa sa mga ibinahagi niya ang parable tungkol sa mga geese na lumilipad ng naka-V formation. Lumilipad sila as a group at hindi nag-iiwanan. Naibahagi rin niya ang tungkol sa pencil maker. Sa huli ng kanyang pananalita sinabi niya na kailangan daw na magkaroon ng legacy sa mga bata ang bawat isa sa amin at matutong makinig dahil sa pakikinig mas mauunawaan natin ang isa't isa.

Ang gawain naman na ibinigay ay ang pagsasama-sama ng mga magkaka-department at pag-uusapan ang kung ano mang problema sa grupo. Pero may rules na ibinigay: 1. Wait for your turn, 2.Respect. Refrain from butting in while someone is speaking. 3. Accept positively what you hear and reflect.

Dapat ay 15 minutes lang ang group activity ngunit dahil siguro sa dami ng kailangang pag-usapan... tumagal ang sharing ng isang oras. Nagkaroon naman ng sharing after at nakakatuwa naman ang result.

May kanya-kanyang sabeh ang bawat dept.

EP - sabi nila maganda ang chairman.

MAPEH - tawagan nila 'gurl' kahit may mga boylet.
TLE - Bawal ang nakasimangot at payat


AP - pwede ang payat at iisipin ang sinasabi ng bata


SCIENCE - sila raw ay gwapo at magaganda (ayon lang yun sa kanila) at may pagkakaisa

MATH - Inglesero... kailangang magreach out


ENGLISH -  we had issues but not yet settled... but we're able to talk about it. We are dynamic.

FILIPINO - Were interrelated.

UTILITY - pagpapahalaga sa pagmamay-ari ng paaralan...

Natapos ang gawain hatinggabi na. Karamihan ay nagpahinga pero may mga nagkukuwentuhan, may mga social drinking....at may mga ayaw paawat sa videoke.

Sa pagsapit ng umaga, talbugan na agad sa tubig habang hindi pa matindi ang init ng araw habang ang TLE naman ay naghahanda ng agahan. Masayang almusal ang nangyari. :)



Tamang saya lang naman ang nangyari. Masayang nag-uwian at plakda lahat sa bus. :) :) :)




Sabado, Marso 8, 2014

Likha ng Diamond - Part 3

Para sa nagdaang linggo eto ang mga nagpakita ng kanilang likha:

Tamis ng Unang Pag-ibig
Ni: Darlene B. Aranjuez

Nung nakilala ka mundo ko’y nag-iba,
Sa ngiti mong kay ganda ako’y sumasaya
Sa labi mong ka’y pula nabighani na
Pag nandyan ka na di ako makahinga

Pa’no pa kita maaalis sa isip,
Kung sa pagtulog ikaw ang panaginip
At pa’no ko pa nanaising gumising,
Kung sa mundo kong yun ikaw ang kapiling

Ngunit nararamdaman di ko malaman
Sapagkat itong puso’y naguguluhan
Dahil ang umbig di pa nararanasan,
Kaya sana puso ko’y di mo sasaktan

Ngunit pag-ibig ko di pa sigurado,
Pagka’t malabo pa tibok nitong puso
Ngunit pag nandyan ka mundo’y gumuguha,
Di ko alam lahat sila’y naglalaho

Subalit kung puso kong ito’y umamin
Dinggin mo kaya itong aking damdamin,
Ikaw ba ay papayag maging akin,
At sasabihin mong ako ay mahal mo rin

Kung sasabihing kasinungalingan to,
Magbabago pa kaya yang isipan mo,
Kung malalaman mong pag-ibig ko’y totoo
At mangangakong puso ko’y iyong-iyo

Ganun ba talaga pag puso’y nagmahal,
Gagawin ang lahat para lang tumagal,
Kahit puso ay masaktan at masakal,
Titiisin lahat dahil ika’y mahal

Kahit anong hirap aking kakayanin
Kahit ano pang pagsubok hahamakin
Basta wag ka lamang mawala sa akin
Dahil di kakayanin nitong damdamin

Ang pag-ibig ko sayo’y sadyang malubha,
Dahil di ko kayang tumbasan ng ‘yong luha
Kahit ang pumatay aking magagawa,
Basta sa akin wag ka lang mawawala

Alam mo ba lahat sayo’y ibibigay,
Pati buhay ko akin ng iaalay
Kahit kapalit nito ako’y mamatay
Basta sakin huwag ka lang mawawalay.

Oh Pag-ibig
Ni: Arquel John V. Nantiza

Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo
Kung minsan ay baluktot, kung minsan ay wasto
Bulag ang katulad tila nalilito
Kung minsa’y may sakit ng pagkaperwisyo

Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila
Madarama nama’y kilig sa simula
Sa gitna may ngiti sa duloy may tuwa
Kung nagmamahal ka ng tapat at akma

Sa daraang araw, oras at sandali
Kahit na mag-isa ikaw ay ngingiti
Kung maaalala ang suyuang muli
At ang matatamis na sintang mabuti

At ang minamahal kung makakapiling
Ay tila kay bilis ng oras sa ding-ding
Hahalik sa pisngi at saka yayakapin
Limot na problema hindi makakain

Kung ika’y iibig tandaan mo lamang
Ang tunay na kulay sikaping sulyapan
Pagka’t marami dya’y nagpapanggap lamang
Sa baba ng lupa ang pinanggalingan

Crush Kita
Ni: Keinrich Ace G. Uy

Nung una kang makilala’t makausap
Parang ako’y nasa mataas na ulap.
Kapag ako ang iyong kaharap
Isip ko’y ikaw ang pinapangarap.

Di talaga kita maalis sa puso’t isip ko
Parang ginamitan ng malakas na mahika sa iyo
Daig pa ang pinagsamang redhorse at shabu
Lakas ng tama ko sa iyo

Nasa iyo na ang lahat ng hinahanap ko
Hindi na kailangan ng google at yahoo
Ayo slang sa akin kung ukaw lang ang,
Friend ko sa Fb at follower sa twitter ko

Daig ko pa ang nabaliw pag kausap ka.
Kasi sa totoo lang baliw na baliw sa’yo
Kung ang mundo ko umiikot lamang sa ilusyon
Sa totoong buhay ang makasama ka ang aking ambisyon.

Salamat kahit di mo ko minahal
Dahil ikaw ang ilaw ng aking buhay
Salamat at ikaw aking nakilala
Masasabi ko lang sa’yo mahal na mahal kita

Kabataan: Ang kinauukulan
Ni: Reymond Solomon

Kabataan ang droga ay iwasan
Hindi yan ang sagot sa’ting katanungan
PAGBABAGO !ay nasa kamay mo na
Upang lalong maabot, manalig sa kanya

Ang kadahilanang paggamit ng droga
Maraming hindi nakapagsuot ng toga
Alalahanin, nandito pa kami
Tandaan mo nasa huli ang pagsisisi

Marami ka pang pagdadaanan
Kabataan huwag ka lang bibitaw
Suliranin iyong masusulusyunan
Makakamit mo ang katanungan

Ito na ba ang gusto mong mangyari sa iyo
Ang mawalan ng saysay sa mundong ito
Kung ako sa iyo, mabuhay ng totoo
Upang mahubog ang iyong pagkatao.

Gusto mo bang ika’y maging sagabal
Sa hangarin n gating bayan
Kung ako sayo’y ika’y magdasal
Upang pagpalain ng poong maykapal.

Alay Sa Mga Magulang
Ni: Jerome M. Onanad

O magulang, magulang kong mapagmahal,
Salamat, pagkat ako’y pinagdarasal,
Araw-araw, ako’y inaalagaan,
Binibigay lahat ng pangangailangan.

Pangako sa’yo, ika’y masusuklian,
Aking pag-aaral ay pagbubutihan,
Mga tinurong asal ay tatandaan
Dadalhin sa paglaki, kahit saan man.

Sa paglaki ko aalagaan kayo,
Hindi ipagpapalit kahit kanino,
Ibibigay lahat ng iyong gusto
Ito ang alay ko sa inyo mahal ko.

Siklo Ng Pag-Ibig
Ni: John David A. Estabillo

Pag-ibig koy tapat
Galing sa isip
Dumaan sa dibdib
At sinabi ng bibig

Pinilit kong itago
Upang iyong pagtingi’y di mabago
Ngunit makulit ang tadhana
Di ko namalayang pansin mo na pala.

Sa una’y kagalakan
Sa gitna’y katakataka
Yun pala’y sa huli sakit ang matatamasa.
Parang linyang “panakip butas na lamang”

Hanggang aking matanto
Ito’y parte ng buhay
Kung aangat parang yelo naman, kung lumagapak wasak.
Pangyayaring masaklap ang kailangan upang tumibay tumatag.

Biyernes, Pebrero 21, 2014

Likha ng Diamond - Part 2

Mga tulang tila may pinaghuhugutan. :)


Kabataan noon, Ano na Ngayon?
Ni: Rochelle A. Capon

Kabataan kay sarap pakinggan
Kala natin puno ng kasiyahan
Iba ay tila nagbubulagbulagan
Sa sitwasyon n gating inang bayan.

Masayang mga pagkakataon 
Kay bilis-bilis ng panahon
Tila bata pa tayo kahapon 
Di namalayan ang buwan naging taon

Lahat tayo may kanya- kanyang karanasan
Kaylan man di natin makakalimutan
Panahon ng kabataan 
Ano ang paroroonan.

Bawat alon na humampas 
Bawat pakpak na pumagaspas
Mga panahon na lumipas 
Kabataan ang dapat di pinalagpas

Kabataan noon may kasipagaan at
Sagana pa noon sa likas na yaman 
Nakakalungkot di na natin naranasan
Ngunit sino nga ba ang may kasalanan?

Kabataan ngayon ang layo ng pinagkaiba
Kinabukasa’y inasa sa pamilya
Kinabukasan napunta saw ala
Magsisi man ngunit ito’y huli na

Iba’y bulag sa katotohanan
Itinatangkilik ang impluwensiya ng dayuhan
Kabataan ang susi sa kahirapan
Kabataan ang magpapaahon sa bayan

Ngunit bansa natin anong kinahinatnan
Kung kabataa’y lunod na sa kamalian
Di makita sinag ng katotohanan 
Ngunit masaklap iba’y nagbubulagbulagan.

Palihim na pag-ibig
Ni: Carmela Catibog

Sa aking kaibigan ako’y umiibig
Simula noon sa kanya umikot aking daigdig 
Kahit alam kong hindi dapat
Ngunit pa’no ang puso kong nagmamahal ng tapat.

Kapag kami’y magkasama 
Oh! Anong saya ang nadarama
Kahit napakaraming tao sa paligid 
Pagkasama ka’y tila nasa langit.

Pag-ibig koy nais ko ng ipagtapat
Ngunit pagkakaibiga’y baka magkalamat
Kaya nadarama’y ikukubli na lamang
Pag-ibig ko sayo’y isasaalang-alang

Ngunit sana pag-ibig na nadarama 
Huwag namang ipagwalang bahala 
Tibok ng puso ko sayo’y walang hangganan 
Hindi ko malilimutan kaylanman.

Pangarap lang kasi kita
Ni: Rosabelle Orozco

Sa bawat oras na ika’y nakikita
Hindi ko na mawari ang nadarama
Ngiti sa labi lagging naaalala
Sa panaginip ikay aking laging kasama

Mukhang gwapo, kinikilig pag nakita 
Mapupungay mong mata sa akin biyaya
Tindig mo’t kisig talo pa ang artista
Walang sinabi si Daniel ng kapamilya 

Pag lumapit ka ako’y kinakabahan
Pag ika’y kausap ako’y nauutal
Pilit mang takpan ngunit di maiwasan
Nadaramang sing lalim ng karagatan

Hindi maintindihan ang nadarama 
Nasa alam kung dati ay paghanga, 
Paghangang umigting na ng lubusan, 
Ano ba ito pag-ibig na kaya?

Kung pag-ibig na nga ito ayaw ko na
Hanggang pangarap lang naman kasi kita
Minsan lang umibig, ikaw ang napili
Ngunit hindi mo naman minimithi.

Tila ako ay mayroong karelasyon
Na hindi alam maski aking pangalan
Aking puso ay tila gusting lumabas
Sa oras na magkrus ating mga landas

Kaya aking hiling sa mga bituin 
Sana’y maging akin makinang na bit’win
Kaya sana’y pagsamo ko’y dinggin
Pakaingatan ng pangarap maging akin.

Tadhana
Ni: Reyla Mae A. Chavez

Kung papipiliin ako sa pagitan ng dalawa
Ang mahalin ka o ang paghinga
Mas pipiliin ko pa ang mawala
Mapatunayan ko lang na mahal kita 

Para tayong intersection sa matematika
Na kahit anong gawin di pinagtatagpo ng tadhana;
Sa pagdaan mo,siya namang paglingon ko
At paglagpas mo ,siya namang pagsunod ng mga mata ko.

Kung sa panaginip mo’y magkita tayo
Sana’y ikaw ang Romeo at ako naman ang Juliet mo;
Hindi evil sister ng Cinderella mo
Kundi prinsesa ng buhay mo

Kung hindi man para sa isa’t isa
Asahan mong ikaw lang ang nag-iisa
Dito sa puso ko wala ng iba
Ikaw lang ang bukod tangi kong sinisinta

Paghanga
Ni: Shiela Marie Nodado

Sa dami-dami ng aking tagahanga 
Ikaw lang ang aking tunay na ligaya
Ganito ba talaga ang pinagka-isa 
Ng lalaking nakita at nakasama

Di man lubusang kilala sa isipan 
Ibang- iba naman ang nararamdaman
Siguro’y nadala lang sa kagwapuhan
Ni kuyang sitsit niya’y ako’y natamaan

Isa nga bang himala ang namagitan 
O isang trip na minsa’y pangkaraniwan
Sabi nila’y sa aki’y huwag mag-asa
Baka ito’y biro na dapat magduda

Minsan sila’y nagmodel kasama siya 
Rampang nakakatuwa’t may angas pa
Sabi pa nila’y parang treex maglakad
O baka naman talaga siya’y pandak

Isang araw ang di ko makalimutan 
Lumabas ako sa aming paaralan
Nang maabutan ang aking kaibigan
Lumapit sa akin at segway na kwentuhan

Bago lumapit si kuyang maliit 
Ginaya ang aking pambungad na ngiti 
Nagtaka kami kung sinong sumitsit
Nagtuturuan pa silang mga pogi.

Nang sumitsit ulit nag-iba ang tinig
Lumingon kami at sakin nakatitig
Di makapaniwalang puso’y nagpipintig
Babe uwi ka na ? sambit niyang aking kinakilig.

Kinabukasan na’y ako’y nagulantang
May nagsabing meron siyang nililigawan
Nanlumo ako at nawalan ng saya
Wala ding gana’tnawalan ng pag-asa

Nagpasya na ko’y wag ng humanga pa
Dahil ayaw kong makasira sa iba
Salamat na lang na nakilala kita
Dahil sayo ako’y naging isang makata

Isang palaisipan kung sino ka ba?
Nagtaka sila kung bakit ako’y nagtula
Hindi naman marunong, siguro’y nadala sa paghanga
Hanggang dito malamang ako’y hinihingal na.

Lunes, Pebrero 17, 2014

Likha ng Diamond - Part 1

Para gisingin ang imahinasyon at talento sa pagsulat ng mga mag-aaral, kinailangan nilang gumawa ng sarili nilang mga likhang akda na babasahin sa harapan kapag sila ang nabunot. 

Narito ang ilan sa mga likha nila:



Kwentong Pag-big
Ni: Shaira Gayle Techon 

“Unang araw pa lang ay minahal na kita”
Linya ito sa isang dating sikat na kanta
At marahil bagay na bagay sa’ting dalawa
Ay oo nga, ako nga lang pala.

Sa klase man alam ko na ako’y magulo
Minsan ay madaldal at malikot
Pero isa lang ang masasabi ko 
Paraan lang ito para mapansin mo.
Sa pagmamasid ko sa ugali mo 
Napansin kong inverse attitude tayo
Makulit ako at ikaw nama’y seryoso
Pag pinagsama siguradong away ang matatamo.

Maihahalintulad kita sa matematika
Na kung minsan ay nakakaloka.
Hirap intindihin at hirap pag-aralan
Ang ugaling mo na minsan ay parang ewan.

May oras na pumasok sa isipan ko
Nararapat ba ang isang tulad ko sayo?
Ako na walang ibang ginawa 
Kundi ang hangaan ka sa’yong mga nagawa.

Ngunit ugali mo na rin ang naging kasagutan
At nagbigay sa akin ng munting daan
Para matanggap ang katotohanan
Na hindi tayo nararapat para sa isa’t isa

Alam ko na, na imposible na magkakasama tayo
Bobo sa matalino, ano to pang-korean lang ang kwento?
Tanggap ko na, na hanggang dito na lang tayo
Na dedmahan at kung minsan ay titigan lang ang motto.

Alam ko may nararapat para sa’ting dalawa
Hindi man tayo para sa isa’t isa 
Masaya pa rin ako at nakilala kita
Dahil sayo nagbago ako at naging matatag pa.

Dabarkads, Barkada 
Ni: Lovely Ann Saliot

Isang libo’t isang tuwa buong bansa… Eat Bulaga!

Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito nadarama ko ang tuwa at tulungan ng bawat tao. Sa programang Eat Bulaga makikita natin angbigayan at tulungan nila sa mga taong nangangailangan ng tulong. Kahit anong bigat ng problema kanilang natutulungan at napapasaya. 
Di lang sa programa ng Eat bulaga ang may tulungan, kundi sa buong bansa. Syempre dito rin sa ating eskwelahanmay tulungan din. Makikita natinang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga guro at mga estudyante upang mapaganda an gating eskwelahan. 

Di rin naman mawawalan ng tulungan sa silid-aralan, tulungan sa pagkopya ng sagot. Hindi maaalis ang tulungan sa barkada, kapag broken-hearted ang isang kaibigan, nariyan ang barkadang handing tumulong sa iyo. Sarap talagang magkaroon ng maraming dabarkads. Dahil sila ang nagbibigay ng ligaya at pag-asa sa ating buhay.

Wala ka na
Ni Jonnaline C. Alfon

Sinulat ko ang tulang ito upang sa’yo mapabatid 
At malaman mong ikaw pa rin ang pinipintig
Nang puso kong may lubos na pagsisisi
At ngayon handa ko nang ipaglaban hanggang huli.

Mahal kita, aking sinta
At iyon aking nadarama
Simula ng lumayo lagi akong nabalisa
Batid kong naging masakit ng ika’y aking iwan 

Lalo na dahil hindi ako sayo nagpaalam
Kaya ngayon hiling ko sana’y pagbigyan
Nais ko muli tayong magkabalikan
Nalaman kong ikaw pala ang kulang 

Dito sa puso ko na may puwang
Mula ng makita kong may kasama kang iba
At kitang-kita sa mata mo ang saya.
Naisip ko na sana ako ang nadyan 

At ang panibughong ito ay di ko damdam
Ako sana ang may hawak ng kamay mo 
At nakikipagtawanan kasama mo.
At sa oras na ito aking pinapangako

Na ibibigay sayo oras na buong-buo
Walang ibang kahati ikaw lang at ako
Pangako ipaglalaban na kita hanggang dulo.

Huwebes, Enero 30, 2014

Mga matutunan sa Noah's Ark

Dahil ipapalabas ang Noah's Ark nahanap ko ito. Hindi ko na matandaan kung saan ko kinuha ang write ups na ito. Basta ang alam ko, nagandahan ako kaya kinopya ko sa aking kwaderno mahigit 15 taon na ang nakakalipas.

Gusto lang ibahagi sa lahat:

Everything I need to know and learned from Noah’s Ark

1. Don’t miss the boat.
2. Remember that we are all in the same boat.
3. Plan ahead. It wasn't raining when Noah built the ark.
4. Stay fit. When you’re 600 yrs. Old, someone may ask you to do something really big.
5. Don’t listen to critics; just get on with the job that needs to be done.
6. Build your future on high ground.
7.  For safety’s sake, travel in pairs.
8. Speed isn’t always an advantage; the snails were on board with cheetahs.
9. When you’re stressed, float a while.
10. Remember, the ark was built by amateurs; Titanic by professionals.
11. No matter the storm, when you are with God, there’s always a rainbow waiting.
                                                                         -Anonymous

my handwriting 15 years ago.... haha~

NOTE: Uulitin ko po hindi po ako ang orihinal na sumulat niyan. Hindi ko naman inaangkin pero dahil nagandahan ako nais kong ibahagi sa inyo. 

Biyernes, Enero 24, 2014

Bakit wala akong post?


Hindi ko talaga alam kung bakit di ko ma-update ang blog ko lalo na noong bakasyon bago magbagong taon.

Sobrang nakakaasar kapag ang daming pumapasok na ideya sa utak ko na hindi ko mailabas dahil sa isang bagay... ang nakakabuwisit na kabagalan ng net. Kaya madalas lumilipad na lang sa langit... pumuputok na parang mga bula ang mga naiisip ko...hanggang sa tuluyang hindi ko na maisulat.

Marami akong gustong isulat. Mga tao, mga pangyayari, mga kulay, mga hangarin, mga nararamdaman at kung anu-ano pa na pumapasok sa aking malawak na isipan ngunit sa kasamaang palad... ay hindi ko ito naisusulat. Kung maisulat ko man... hindi kayang habulin lahat kaya karaniwang unahan lang ang naisusulat. Kung minsan, nilalagay ko sa note sa aking celfon pero tulad ng sulat kamay, mahirap ding habulin ang mga salitang dinidikta ng aking utak.

May katamaran din kasi ako. Kahit ayaw na akong patulugin ng mga ideyang nasa isip ko...ayaw ko pa ring bumangon at magbukas ng computer kahit isinisigaw na ng utak ko na magbukas ako. Mabilis kasi akong magtype... kahit paano ay nakakasabay sa bilis ng mga tumatakbong salita sa utak ko tulad ngayon.

Pakiramdam ko tuloy ang dami kong na-miss na mga kuwento... mga bagay na nangyari na... mga bagay na dapat ay naibahagi ko pero di ko nagawa. Sa mga oras na ito. Ito ang unang post ko para sa taong 2014.

Huli na para bumati pa ako ng 'manigong bagong taon.' pero bumati pa rin ako... mabuti na ang bumati ng huli kaysa kalimutan na lang ng okasyon. 

Kung tutuusin parang wala namang kabuluhan ang post kong ito... pero gusto ko lang magsulat ng mga nasa utak ko sa mga oras na ito na pilit na hinahabol ng aking mga kamay sa pagtipa ng keyboard. 

Hanggang sa susunod na pagpapaskil. (*^_^)