Huwebes, Disyembre 12, 2013

Ako na ang MAPAPEL.

Ilan sa mga naiipong kong sulatan...~
Mga kwaderno na naglalaman ng aking kabataan. (Talaarawan)
Kinailangan ko nang itapon dahil sa bagyong Ondoy. huhu~
Maraming pagkakataon na hindi ako pinapatulog ng mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Kaya naman madalas, bumabangon ako sa kalaliman ng gabi para lang magsulat. Isulat kung ano mang nilalaman ng aking isipan.

Kung minsan nakabubuo ako ng tula o kaya naman ay sanaysay… depende kung ano ang pumasok sa aking isipan. Ngunit madalas, mabilis ang mga letra sa aking isipan na di kayang habulin ng aking mga kamay sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kwarderno o kaya naman sa papel na nakakalat sa aking lamesa.

Kapag naiisip kong buksan ang kompyuter para i-type lahat ng mga pumapasok sa aking isipan, mas nananaig ang katamaran at antok…kaya kung minsan lumilipas na ang mga naiisip kong paksa, kuwento, tula, sanaysay at kung anu-ano pa.

Eto ang dahilan kung bakit mahilig akong bumili ng mga notebook o anumang klase ng sulatan. Sa madaling salita: ako ang taong mapapel.

Mapapel. OO, aaminin ko na… masyado na nga akong mapapel. Tumatambak ang mga notebook na wala namang nakasulat o kaya mga stationery o kaya mga colored paper o kaya yellow paper o kaya mga scratch na pwede pang sulatan sa likod. Isa ‘yang patunay na mahilig talaga ako sa papel.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing may makikita akong mga kakaibang sulatan ay talagang matagal ko itong sinusuri o kaya namang ay ora-orada ko itong bibilhin. May mga pagkakataon na pinapigilan ko ang aking sarili… hindi ako dumaraan ng mga bookstore para di ako makakita ng bagong prospect. Kaya ko namang pigilan ang aking sarili sa cravings ko yan sa mga sulatan… pero mas maraming pagkakataon na sinusunod ko pa rin ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong sulatan kahit pa sa ngayon ay madalas akong nakaharap sa computer.

Gusto ko nga palang maging isang manunulat. Iyon ang totoo kaya siguro nahilig ako sa pagbili ng mga sulatan para lahat ng gusto kong ikuwento ay mailagay ko sa mga pahina ng mga ito. Pero, hindi ganoon kataas ang aking self confidence… pakiramdam ko walang magbabasa…baka makasakit ang mga salitang binitiwan ko… baka hindi magustuhan. Kaya naman, tanging mga pahina lamang ng mga kwaderno ang nakasasaksi ng aking mga sinulat…mula sa mga hinaing, mga pangyayaring masaya, galit, lungkot at kung ano-ano pang mga naisipan kong isulat.

Sa pagbuo ko ng blog sa ngayon, pakiramdam ko may pagkakataon akong sumulat…at maaaring mabasa ng iba ang aking mga gawa… maaaring ang kuwento ko ay nangyari rin sa kanila. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpaskil. Pero, hindi naman ako umaasa na may magtitiyagang magbasa sa mga sinusulat ko. Ngunit di ko maiaalis na masarap sa pakiramdam na may nagbigay ng oras para magbasa ng mga laman ng aking utak. Nakakatuwa rin kapag may mga comment…parang nae-excite pa tuloy akong magpatuloy sa pagsulat.

Ganunpaman, buo na sa sarili ko na kahit walang mag-abalang magbasa ng mga nakasulat sa aking mga kwaderno o kaya sa aking blog ang mahalaga sa akin ay ang mga sandaling nagsulat ako dahil sa may nangyari sa araw na iyon. I can capture the moment even without camera but the details of that special day.

Sa madaling salita, napakahalaga sa akin ng mga kwaderno, notebook, scratch paper at iba ng mga sulatan sapagkat sila ang aking nakakausap sa mga sandaling wala akong ibang mapagkuwentuhan ng mga bagay-bagay sa paligid. Kaya, aaminin ko na, AKO AY MAPAPEL. (*^_^)

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Lihim na kaaway

Lihim na kaaway sa akin ay kumakaway
Mula sa malayo, kamay ay winawagayway
Matamis ang ngiti, katawa’y umiimbay
Kaya naman sinagot ko rin siya ng kaway.

Buo sa aking isipan, totoo ang pinapakita
Ni hindi ko pinag-isipan ng hindi maganda
Sa aking paningin, maituturing na mutya
Pagkat buo ang tiwala na sa kanya’y itinakda.

Gusto kong isipin na dapat kitang pagpasensyahan
Maaaring nasabi mo lang ang mga iyon sa isang biruan
Ngunit sa kilos mo’t galaw tila iyong pinatunayan
Ang isang tulad ko ay di mo talaga kaibigan.

Maraming nalaman at narinig na sinabi mo
Ngunit sa isip ko, gawa-gawa lang ‘yon ng kung sino
Wala akong balak na patulan ang tulad mo
Ngunit wag sanang humantong na bumigkas ang bibig ko.

Ako'y marunong umunawa at pasensya’y mahaba
Kung may mga araw ako’y makapagwika
Ako’y tao lamang, maunwaan mo sana
Ngunit di tulad mo, harapan akong magsalita.

source: dramabeans
Note: Ito ang nilalaman ng aking isipan sa mga oras na ito. (*^_^)

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Kontrabida churva...

Protagonista - bida, karaniwang umiikot sa kanya ang kuwento
Antagonista - kontrabida, nagpapahirap sa buhay ng bida

http://www.bench.com.ph/benchingko/kontrabida/images/films/kontrabida-101.jpg

Karaniwan ang bida ang laging mabait, kawawa at nabibigyan ng simpatya at kapag kontrabida ka, wala ka nang ginawa kundi mag-isip ng mga bagay na pwede mong gawin upang maging miserable ang buhay ng bida.

Pero, paano naman kung wala kang ginagawang masama at ang tanging kasalanan mo lang ay magsabi ng totoo, masasabi bang pagiging kontrabida na 'yon?

Parang nagawa akong kasalanan na ganoon...pero sinabi ko lang naman ang katotohanan... masama ba 'yon? Bigla akong nag-reflect sa sarili ko? Tama ba ang ginawa ko... o baka mali?

Kaya lang, nandoon ako sa punto na gusto kong sabihin ang totoo dahil may mga bagay na dapat isiwalat kahit na magmukhang masama pa ako sa ibang tao. Kung hindi man paniwalaan ang mga sinabi ko... siguro mas maganda kung sila na lang ang makatuklas.

Ang alam ko, nagsasalita ako batay sa aking mga karanasan... hindi kayang dayain ng mga mabulaklak na salita ang mga karanasang nagbigay aral tungkol sa pagtitiwala. Marahil, alam ko na ang karakas kung kaya't nakapagsasalita ako ng ganoon.

Ngayon kung nagmukha man akong kontrabida... wala naman akong magagawa... kasi naniniwala akong okay lang magmukhang kontrabida maisiwalat lang katotohanan.

Ay oo nga pala, maaaring nagsalita ako at di pinaniwalaan... ang panahon na rin ang magpapakilala sa inyo ng mga tagong katangian ng nakakahalinang bulaklak.

Kung binisita mo ito at umabot ka sa pagbabasa ng bahaging ito na hindi mo maintindihan ang ibig kong sabihin...pasensya na... maaaring naitago ko lang ng husto ang kahulugan ng gusto kong sabihin.
Tamang basa ka na lang muna. (*^_^)

Pinili kita

Saan ba ang nararapat mong kalagyan? Nauubusan na kasi ako ng pasensya sa’yo… madalas mahirap kang ispelengin…ang dami mong arte.

May mga pagkakataon nga na gusto na kitang saktan ngunit alam kong ako rin naman ang mahihirapan kapag ginawa ko ‘yon. Pero nasasayang ang oras at panahon ko sa sobra mong kaartehan. Kung nalalaman ko lamang na ganyan ka, di na kita pinansin pa…pero umasa ako, eh.

Tama, madalas kang magpaasa. Maraming pangako pero lagi namang nawawala. Binibigyan mo ako ng sandaling ligaya pero ang kapalit naman matagal na kalungkutan at pagkayamot. Nakakayamot naman talaga lalo na kapag marami akong dapat gawin tapos di ko masimulan o kaya naman ay di ko matapos ng dahil sa’yo.

Pwede ba, umayos ka naman. Ang mga pangako mong magiging mabilis pangatawanan mo at hindi ‘yung nagpapaasa ka lang. Baka kapag naglabas lang ako ng pera at saka sumige pero kapag papaubos na, basta ka na lang mang-iiwan sa ere.

Kaya naman sa susunod, umayos ka na! Pangatawanan mo rin ang lagi mong sinasabi na ‘You’re SIMPLY AMAZING. Kung tutuusin, nagtaksil na ako sa aking unang minahal kung sana’y pinanghawakan ko ang kanyang salita na ‘I'M MAKING GREAT THINGS POSSIBLE’ eh, di sana hindi na ako nahihirapan ngayon. Pero pinili kita, Smartbro… kaysa sa kanya kaya sana naman gawin mo ang nararapat, hindi ‘yung nagpapaasa ka lang.

http://www1.smart.com.ph/Bro/images/lte/1.jpg?sfvrsn=0



Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Egg shell

Almusal namin. :)
Karaniwan, itlog ang ulam namin sa umaga tulad ngayon. Matapos kong basagin sa gitna ang itlog biglang sumagi sa isip ko ang isang bagay na ginagawa ng mga matatanda sa balat ng itlog.

Ito ang paglalagay ng balat ng itlog sa mga dulo ng dahon ng mga orchids...at dahil may orchids na kami naisip kong ilagay ang mga balat. Ang problema sa gitna ko kasi hinati 'yung itlog at hindi sa dulo kaya nalalaglag. Pero padadaig ba ako, ipinilit ko pa rin silang ilagay at sinigurado kong di malalaglag...ang kaso naman si Yolanda (super typhoon) ay nagbabadyang bumisita.

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang dahilan kung bakit nilalagyan ng itlog ang mga halaman partikular na ang mga orchids. May scientific explanation kaya 'yon? May sustansya kayang makukuha ang mga halaman mula sa mga natirang laman nung shell? Hindi kaya dagdag dekorasyon lang ito sa halaman? Pero kahit ano pa man ang dahilan... wala namang masama kung gawin ito lalo na kung wala namang masamang epekto sa tao at halaman, di ba?

Kaya naman sa susunod hindi ko na babasagin sa gitna ang itlog sa bandang dulo na lang para sakma sa dahon ng orchids. Mas maganda rin kasing tingnan kung buo ang shell... siguro mas maganda kung kukulayan ko ito... parang easter egg lang...that gives me an idea... haha~

Marami pa namang beses akong maluluto ng itlog sa almusal kaya marami pa akong pagkakataong makapaglagay sa aming halaman. (*^_^)


Huwebes, Oktubre 31, 2013

Creepy sa katanghalian

Tanghaling tapat. Matapos kumain nagpahinga ako ng kaunti dahil ala-1 babalik kami sa comlab para ipagpatuloy ang In-service training namin. 
Mga kasama kong mag-inset. :)

(Sembreak ng mga bata at kaming mga guro na hindi umupo sa eleksyon ay kailangang pumasok at ako ang naatasang pamunuan ang gawain.)

Maganda naman ang simula ng umaga namin. Nagdasal at nag-exercise pa nga kami. Sa madaling salita, walang problema. May dumating na speaker...ayos din.

Balik sa lunch time... sinara ko ang comlab after declaring ng lunch break... binigay kasi sa akin yung susi at dahil sa nag-aalala ako na baka may masira ni-lock ko muna habang nagkakainan kami. Quarter to one bumalik akong mag-isa sa comlab, abala pa kasi sa pagkukuwentuhan ang mga kasama ko at inakala ko na may naghihintay na sa akin para buksan ung lab.

Habang bumababa ako ng hagdan nakita ko ang isang estudyanteng papunta sa dulo ng hallway...dead end 'yun at wala na siyang iba pang pwedeng puntahan kaya nasabi ko sa sarili ko na sisitahin ko na lang pagbaba ko. Naiisip ko kasi na baka isa siya sa mga pinabalik para sa review.

Narating ko naman ang hangganan ng hagdan at bago ako tuluyan dumiretso sa padlock ng comlab nilingon ko ang batang nakita ko...pero wala siya. Inisip ko na baka pumasok sa katabing klasrum pero naka-lock din ito. Pinagana ko ang aking mata, sinuri ang bawat kanto ng hangganan... pero talagang wala siya.

Imbes na tumakbo ako at magsisigaw... pinakalma ko ang isip ko... binuksan ko pa rin ang comlab... binuhay ang mga ilaw at huminga ng malalim. Pagkatapos kalmado akong umakyat ulit sa taas at tinawag ko na ang mga kasamahan ko. Ang totoo hindi ako natakot...kinabahan lang ako...siguro kung natakot agad ako...bonggang tili ang gagawin ko.

Pero, nag-isip ako kung sasabihin ko ba sa kanila 'yung nakita ko...pero naisip ko na baka matakot silang lahat mas mahirap naman 'yun kaya sinarili ko na lang at nagsimula na muli ang gawain namin. Natapos kami mga mag-aalas-kwatro. 

Nag-aalisan na silang lahat... nakaramdam ako ng kaba... baka mamaya maiwan na naman akong mag-isa at biglang lumitaw 'yung batang nakita ko...mabuti na lang at may isang nakipagkuwentuhan sa akin tungkol sa isang palabas na pareho naming pinapanood...sinabihan ko siya na hintayin n'ya akong matapos mag-ayos at sabay na kaming umakyat.

Di ko kasi masabi sa kanya tungkol sa nakita ko. Pero isa lang ang sigurado ako, hindi ako inaantok. Nakita ko talaga ang isang batang babae na lagpas balikat ang buhok at nakaputing pantaas. 

Hay, akala ko nga sa gabi lang nagpaparamdam ang mga gan'on... di pala... kahit anong oras pala pwede. Kakalokah lang talaga... tapos kapag kinuwento ko sa iba sasabihn baka guniguni ko lang daw. 

Anyway, hindi naman ako namimilit ng maniniwala sa akin... pero sigurado ako sa aking nakita.
(*^_^)

Linggo, Oktubre 27, 2013

Nang-agaw ang Tumblr

Nag-eenjoy ako ngayon sa pagpo-post ng kung ano-ano sa tumblr...noon kasi hindi ko masyadong ma-gets! Nito ko lang ulit binuksan at sinubukan kong magpost ulit at 'yun boom...sunod-sunod ko namang ginawa.haha~

Mabilis lang magpost sa tumblr...instant kung baga... kung di ka na mag-iisip ng matagal mga pictures na lang at lagyan mo ng kung ano mang masasabi mo sa ipo-post mo. Ang saya lang...bigla akong nag-enjoy at parang tila tinalikuran ko ang aking blogspot...

Pakiramdam ko tuloy...mawawalan ako ng oras para magpost dito sa blogger. Bigla ako nakaramdam na para bang ako'y nagtataksil...ngunit napag-isip-isip ko... kung tutuusin pwede ko rin namang gawin 'yung paraan ng pagpapaskil.

Madalas kasi pinag-iisipan ko kung ano ang mga dapat kong ilagay sa aking mga blog. Madalas iniisip ko kung ano ang mga magandang bagay na naganap, mga aral na dapat malaman at kung ano-ano pa. Pero, sa tumblr...parang isang picture... may nasasabi ako na hindi ko na kailangan pang mag-isip ng matagal.

Kung nakakapagsalita lang siguro ang blogger... sasabihin nito sa akin...

unfair ka... pwede mo rin iyong gawin sa akin bakit di mo ginawa?
Tama, pwede kong gawin dito sa blogger kung ano man ang pwede kong gawin sa tumblr pero magkaibang level lang kasi. Mas mabilis lang kasi magpost sa tumblr... iyon lang siguro 'yun.

Kaya naman napag-isip-isip kong mula sa mga mabilisang post na ginagawa ko sa tumblr... makakakuha naman ako ng mga bagong ideya na mailalagay ko sa blogger. Pasaway ba ang dapat itawag sa akin?!?
Kalokah lang kasi.