Martes, Mayo 12, 2020

30 Day Photo Challenge: Day 1

A picture of yourself with fifteen facts



  1. Isip bata pa rin hahaha
  2. Mahilig akong manood ng mga asian films and series
  3. Marunong akong mag-bike 
  4. Pink ang paborito kong kulay pero ang mga kaibigan ko di makapaniwala...
  5. Kaya kong magtirintas ng sarili kong buhok
  6. Naging basketball player sa intrams (Mahilig ako sa basketball)
  7. Paborito ko ang Bioman at Ghost fighter
  8. May koleksyon ako ng songhits
  9. Mabilis akong matawa sa mga maliliit na bagay
  10. Pakiramdam ko mayroon akong bionic eye dahil nakikita ko ang mga maliliit na insektong kumakagat sa akin tulad ng niknik o kaya pulgas
  11. Habulin ako....ng lamok 
  12. Hindi ko kayang magdala o gumamit ng shoulder bag...awkward ang pakiramdam
  13. Iyakin... lalo na kapag nanonood ng movie o series
  14. Mahaba ang pasensya kong maghintay at pumila (magandang training venue ang PUP)
  15. Night owl...

Lunes, Mayo 11, 2020

Sampung taong kalokohan

Dumarating siguro sa buhay ng tao na habang tumatagal na ang isang gawain, nakakaramdam ka na ng...pag-ayaw. Para bang hindi mo na gusto 'yung ginagawa mo o kaya hindi na napagtutuunan ng pansin.

Ganito yata ang nangyari sa akin.

Sampung taon na ang nakalipas nang maisipan kong bumuo ng isang blog. Gusto ko kasing magsulat.  Gusto ko kasing magkuwento ng kung ano-ano. Para bang naging isang daan ito upang magkaroon ng ibang lugar ang boses ko. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipaskil ang mga sinusulat ko.
Una kong post tungkol sa The Last Song. 😊

Noong 2010, natuto akong gumawa ng blog. Excited ako. Pakiramdam ko, natupad ang pangarap ko na makapagsulat at may makakabasa sa mga ito. Napuno ako ng mga ideya na gustong-gusto kong isulat pero mas madalas hindi ko naman pinapaskil sa pag-aalalang wala itong kwenta. Kaya ang ginawa ko, sinasala ko ng husto ang mga pinapaskil ko dito. Nakakatawa lang na gusto kong magsulat pero takot akong magpaskil sa pag-iisip na wala namang kwenta ang mga sinusulat ko.

Tumaas naman ang pagpapahalaga ko sa mga sinusulat ko noong may mga nagsasabi sa akin na okay naman daw akong magsulat. Maganda ang mga sinusulat ko pero minsan ako mismo ang hindi nasisiyahan sa mga sinusulat ko. Kaya minsan alanganin ako sa mga post ko.

Nakakuha ako ng inspirasyon sa mga naging mag-aaral ko noon. Hinikayat ko silang gumawa ng blog. Doon nila ipapaskil ang kanilang mga awtput. Magsusulat sila ng dyornal, babasahin ko ang mga iyon at bibigyan ng marka. Nagkaroon ako ng pananabik na magsulat. Kaya naman noong 2011-2014 naging mabunga ang blog na ito dahil marami-rami akong naipost. Dala na rin siguro nang kagustuhan kong may mabasa ang mga mag-aaral ko mula sa akin.



Nakakatuwa palang makabasa ng komento  lalo na 'yung mga positibo at malamang may nagbabasa ng mga ginawa ko. Nakatulong ito sa akin para magpatuloy. Natuwa ako noong maibahagi ang mga bagay na nilalaman ng isip ko at nai-inspire din ako sa mga sinusundan kong mga blogger.

Pero...siguro tulad ng sinabi ko sa unang bahagi ng post na ito, dumarating sa buhay ng tao na nagsasawa o umaayaw na tayo hindi dahil sa hindi na natin gusto ang ginagawa natin kundi dahil sa may mga pangyayari na nagbunsod sa atin upang magpahinga.

Nakaramdam ako ng lungkot nang mapansin kong hindi na nag-uupdate ang mga sinusundan kong mga blog. Siguro naging abala sila kanilang mga buhay...parang tulad ko rin. Pero madali akong ma-inspire at noong panahong gusto kong magkaroon ng inspirasyon...naging malabo dahil isa-isang hindi na nagsusulat ang mga sinusubaybayan ko.

Tinamad na ako. Nawalan ako ng gana. Nawalan ako ng ideya. Nawala ang eksayment.

Ganoon pala iyon. Mawawalan ka na ng gana...mawawala ang eksayment. Maghahanap ka ng inspirasyon. At kapag wala ka nang masumpungan, titigilan mo na. Ayawan na.

Naalala ko lang, madalas kong anyayahan ang mga kaibigan ko sa fb na pasyalan nila ang walang kwentang blog na ito...nakakalokah lang talaga siguro ako na mag-aanyaya nang gan'on. Pero may mga nagogoyo din naman ako.

Ang weird ko lang talaga... napag-isip-isip ko na bakit ko ba sinasabing walang kwentang blog ito. Hindi rin naman kalokohan lang ang mag-isip at magtagni-tagni ng mga salita upang makabuo ng isang paskil. Napag-isip-isip kong ako nga siguro ang problema.

Hindi ko naman sinukuan ang pagba-blog...hindi lang siguro ako makabuo ng mga ideya na gusto kong isulat. Naghahanap pa rin siguro ako ng inspirasyon kaya kahit paminsan-minsan may mga naitatala pa rin naman ako.

Kailangan ko lang sigurong dumaan sa ganito...para makapag-isip. Para magkaroon ng inspirasyon. Para buhayin nang paulit-ulit ang pangarap kong makapagsulat...at may makababasa ng mga ito.

Kaya ngayong ika-10 taong nitong blog kong ito...gusto ko ulit magsimula. At sisimulan ko ito sa isang hamon.

Magsasagawa ako ng 30 Day Photo Challenge!!!

Kaya naman kung sinusundan n'yo ang blog ko o napapasyal kayo... subaybayan ninyo ang photo challenge ko sa sarili ko...hahaha πŸ˜„

Maikuwento ko lang....

Year 2012, may sinusundan akong blog itsmadzday2day.blogspot.com ... hindi na ito updated, 2013 pa huling post niya.  May ginawa siyang challenge doon... parang galing lang din sa ibang mga blogger at iyon ang gusto kong gawin ngayon.

Sana nga lang mapangatawanan ko. 😁

At iyon ang drama ko sa post na ito.(*^_^)

Lunes, Pebrero 10, 2020

Minsan ako'y nagsulat

Mga diary ko na inabot ng baha noong bagyong Ondoy.
Napilitan akong itapon dahil nagdikit-dikit
na ang mga pahina.- Marvie
Matagal na akong hindi nakapagsusulat.
Matagal na hindi ko na alam kung paano bumalik.
Naalala ko noong unang beses na nakapagsulat ako ng isang tula.
Hindi man namin binasa sa klase, pero nakaramdam akong isa akong manunulat.
Hanggang sa lahat ng mga kaklase ko ginawan ko ng tula mula sa mga letra ng kanilang mga pangalan.
Natuwa sila. Sa murang isipan ko, masarap palang magsulat.

Nagsulat ako ng diary. Araw-araw nagsusulat ako...at kung iisipin para bang nagsusumbong lang naman ako. Nagsusumbong dahil napagalitan ng nanay o kaya ng tatay ko. Naglalabas lang ako ng sama ng loob ko kapag napapagalitan ako dahil sa mga kapatid ko o kaya nama'y tungkol sa mga crush ko na palagi ko lang tinitingnan sa malayo. Ganoon tumakbo ang mga araw ng pagsusulat ko sa diary. Hanggang binalak kong magsulat ng kuwento.

Nakapagsulat naman ako ng kuwento. Ang mga tauhan ay hango sa mga kaibigan ko. Simple ang kuwento pero natutuwa akong sinusulat ko ang mga ito. Pero dumating ang mga alalahanin sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Natakot ako na baka pangit ang ginawa ko hanggang sa hindi ko na ito ipinababasa. Itinatago ko ang mga sinusulat ko. Natakot ako sa mga sasabihin ng mga makakabasa. Hindi pala malakas ang loob ko.

Nagpatuloy naman akong magsulat ngunit sinisigurado kong walang makababasa nito.
Nagsulat din ako ng mga tula na nilalapatan ko ng musika. Natuwa ako sapagkat kaya ko palang bumuo ng kanta. Naging inspirasyon ko ang mga crush ko na hindi naman ako crush...ganoon din ang mga kaibigan ko na may mga kuwento sa mga pinagdaraanan nila sa buhay. Masarap sa pakiramdam na nakabubuo ako ng isang awit.

Unti-unting lumakas ang loob ko na iparinig ang aking mga awitin. Naibigan ng mga kaibigan ko at kung minsan ay hinihimig din nila. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Nakahanap ako ng suporta sa aking mga kaibigan.

Kung minsan talaga kailangan mo lang ng isang tao na magsasabi sa iyo na okay 'yan. Ituloy mo 'yan. Natuwa ulit ang puso ko. Nakatagpo pa ako ng mga propesor na nagpataas ng aking pagnanais na magsulat muli ng mahahabang kuwento hanggang makabuo ako ng nobela sa tulong na rin ng aking mga kaibigan.

Sinimulan kong sumulat ng isang nobela tungkol sa aming magkakaibigan at base ito sa paborito kong anime. Gamit ang mga likod ng bondpaper na gamit na... sinimulan ko ang unang kabanata. Natuwa ako sa bawat araw na sinusulat ko ang mga pangyayari sa ginagawa ko. Natuwa ako dahil nalaman din ng aming propesor ang tungkol dito.

Subalit may mga bagay talaga na gusto mo pero dahil sa ilang pangyayari na kahit ayaw mong mangyari ay dumarating. Nakaramdam ako ng hindi magandang pakiramdam sa tinakbo ng aming pagsusulat. Nakaramdam ako na ako'y nanakawan. Hanggang nawalan ako ng ganang magsulat.
Natapos namin ang nobela pero nawalan na akong gana.

Siguro ganoon talaga.
Hanggang nalaman ko ang pagsusulat ng blog. Nakakatuwa rin na kahit kung minsan ay walang kuwenta ang mga sinusulat mo ay may nagbabasa kahit paisa-isa. Muling nag-init ang pagnanais kong magsulat kasabay ng kasagsagan ng pagbabasa ko ng iba't ibang akda, panonood ng mga pelikula at pagsusulat ng pailan-ilang liriko ng kanta.

Nabuhayan muli ako ng kagustuhang magsulat. Pero dahil sa trabaho...naisantabi ko ang pangarap kong magsulat.

Ngayon nandoon ako sa punto na gusto ko na ulit. Baka sakaling dumating ulit ang alab sa puso kong magsulat. Kaya sa palagay ko hindi ako dapat sumuko. Kung hindi pa talaga ito ang tamang panahon, ang mahalaga sinusubukan ko ulit. (*^_^)

Biyernes, Hulyo 5, 2019

Kuwentong may okasyon

Anong gusto ko ngayong nadagdagan na naman ang edad ko?



Sa totoo lang, marami akong gusto...lalo na noong bata pa ako at sa dami ng gusto ko, madalas hindi nangyayari o kaya ay natutupad.

Noong bata pa ako, nangarap ako na magkaroon ng party sa birthday ko pero madalas, isinasabay ito sa birthday ng kapatid ko. Pareho kasi kaming July...nasa unahan ako siya naman nasa huli...kaya ang pagdiriwang birthday niya. Nagtatanong pa ako noon sa sarili ko kung bakit laging ganoon, iniisip ko na lang na ang dahilan ay pagtitipid. Isa pa, ang petsa ng aking kaarawan ay hindi tapat sa sweldo ng aking mga magulang kung kaya't hindi na ako umaasa...na-realize ko na lang 'yun nung nagtatrabaho na  ko.

Madalas ding umuulan sa birthday ko, kaya noon lagi kong dalangin na sana hindi umulan o kaya walang bagyo kapag sasapit ito. Pero sa isang banda, iniisip ko na lang na blessing ang ulan kaya okay lang.

Gusto ko ring makatanggap ng mga regalo (sino ba namang ayaw?) pero mas madalas na wala. Kaya nung minsang tinanong ako ng tatay ko kung anong gusto ko sa birthday ko (fourth year high school na yata ako noon), pinera ko na lang...at least mabibili ko gusto ko. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakahawak ako ng 500 pesos. Nanlaki ang mga mata ko...naisip ko bibili ako ng Sweet Dreams pocket book (uso noon kasabayan ng Sweet Valley High) at saka bibili rin ako ng songhits...'yung Solid Gold. Masaya na ako noon. Kahit na hindi ako nakatatanggap ng regalo tuwing birthday ko naisip ko na sapat na pinag-aaral nila ako at may pagkain sa bahay.

Isa rin sa wish ko na sana magluto ng spaghetti ang nanay ko kapag dumarating ang okasyon na iyon, pero laging pansit canton ang niluluto niya...ang dahilan, hindi raw madaling mapanis ang pansit. Naisip ko na lang, kasi n'ung mga panahong iyon, wala pa naman kaming ref...so praktikal na pansit na lang rin. Kung sabagay noon, hindi naman ganoon kagarbo ang mga handaan. Pansit, lumpiang shanghai, tasty at barbecue ang karaniwang handa sa mga okasyon at ang inumin kung hindi softdrinks ay ang tinimplang Sunny Orange o kaya grapes. Marami nang nakakakain noon. 

Dahil sa ganitong mga pangyayari, nasanay na akong ganoon taon-taon ang takbo ng birthday ko...karaniwan walang handa kundi pansit para raw humaba ang buhay ko at wala ring mga regalo. Naisip ko na lang na siguro kapag nakapagtapos ako at nagkatrabaho mas magiging okay na ang pagdiriwang ng kaarawan ko pero dahil nga sa sanay na ako sa ganoong takbo bawat taon...bumibili na lang ako ng bagay na nagpapasaya sa akin. 

Masaya na ako sa mga pagbati ng mga kapamilya ko. Sa ngayon naman, nagkakaroon naman ng simpleng handaan o kaya pagkain sa labas...kaya okay na rin. Ang mahalaga naman sa mga kaarawan ay pagpapasalamat sa buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal.

Sa ngayon, dalangin ko na lang ang malusog na pangangatawan, masayang pamumuhay kasama ang aking pamilya at manatiling positibo sa mga pagsubok sa buhay. 

Kaya, Maligayang kaarawan sa akin! πŸ°πŸŽˆπŸŽˆπŸŽˆπŸŽ‰πŸŽ‰πŸŽ‰

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Lunes, Hunyo 24, 2019

Padaan sandali...

Inaagiw na yata ang blog ko... hehehe



Isang taon nang tulog ang blog ko dahil sa hindi ko maharap. Gustuhin ko mang bumalik parang ang hirap sapagkat maraming nakabinbin na gawain at trabaho. 

Sabi ko papasyalan ko lang ito sandali pero napatipa ako ng konti. 

Natuwa ako nang makita kong may pageview pa rin pala ang blog ko...amazing! (hehehe...) So, meron pa palang napapadpad dito...Salamat sa inyo! mula iyan sa kaibuturan ng aking taba...este...puso. 

Para sa mga napapadpad sa blog na ito:  Kumusta? Pasensya na at wala pa ring bagong kuwentong may kuwenta dito. Sana kapag sinipag na akong mag-update ay makapamasyal ka pa rin dito. 😊

Saglit na pagpasyal lamang ito na walang laman...sabaw na yata ang utak ko sa dami ng dapat kong isipin.  Ninanais ko nang bumalik at pansining muli ang aking mga blog kaya lang talagang sa ngayon hindi ko mahanapan ng oras. 

Namimiss ko nang gumawa ng mga review...magkuwento lang ng kung ano. 

Pangako, muli akong magsusulat. Muli akong magiging masaya sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng kalayaan. 

Hanggang sa sunod na paskil! πŸ‘‹πŸ‘‹πŸ‘‹

Martes, Setyembre 11, 2018

Malalim pa ang gabi



Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.

Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.

Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa. 

Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan. 

Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat. 

Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.

Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.

Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito. 
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)

PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)

Linggo, Agosto 6, 2017

May maisulat lang



Hindi ko na napansin ang pagtakbo ng oras. Ang alam ko lang ay may kailangan akong gawin at tapusin. Ngunit sa kabila ng mga gawaing ito, napadpad akong muli sa aking pahinang matagal ko nang hindi napagtutuunan ng pansin.

Kung tutuusin wala naman talaga akong balak isulat...bagaman may mga ideya na patuloy na pumapasok sa isipan ko, mga nais kong ibahagi subalit hindi ako makahanap ng oras at panahon para isatitik ang mga ito.

Sa matagal na pananahimik ko sa pagsusuri ng mga pelikula at pagsusulat ng mga pangyayaring naranasan ko... nais ko muling bumalik. Nais ko muling magbahagi. Hindi ko naman kinalimutan kaya nga lamang ay maraming gawain na nakapipigil sa aking gawin ang isa sa mga hilig ko...at ito ay magsulat.

Masasabi kong nakaw na sandali ang pagkakataong ito na makapagpaskil ako ngayon. Maikling hinaing lamang ang magagawa ko sapagkat hindi sumasapat ang mga salitang aking nabubuo upang ayusin at pagandahin ang mga habi ng pangungusap ko.

Bahala na kayong umunawa, kung mauunawaan ninyo. Tanong ko lang palagi sa aking sarili tuwing ako'y magpapaskil... may nagbabasa ba naman sa mga paskil ko. (Asa mode lang di ba?)(*^_^)


Photo Credit:Ugly Dukcling Don't


Lunes, Abril 10, 2017

Kalma lang bawal pikon

Pikon ang laging talo.

Madalas itong binabanggit kapag napansin ng kausap mo na naasar ka o nagalit at hindi mo nakuhang kontrolin ang iyong sarili. Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo at nadaragdagan ang mga wrinkles mo dahil sa hindi mo makuhang ngumiti man lang. Sa paglipas pa ng ilang araw magugulat ka at marami ka na palang puting buhok dahil madalas kang mainis, maasar o kaya nama’y magalit.

Tanong ko lang, hahayaan mo bang pumangit ka dahil sa mga ganoong bagay? Hindi mo dapat dibdibin ang mga ganoong pangyayari...dapat ay gumawa tayo ng paraan para mawala ang inis at asar na ‘yan.

Narito ang ilan sa mga katwiran ko kapag nakadarama ako ng pagkaanar o inis.

1. Kapag galit ka, magpaganda ka!




Ito ang pinaka unang katwiran ko sa buhay... dapat maganda ako kapag humaharap sa aking mga kliyente...magalit man ako, maganda pa rin! (Dapat super red and lipstick para masaya.)

2. Gusto kong maging alien

Madalas ko itong isipin kapag nakakaharap ko ang mga taong malabong kausap. Sila kasi ‘yung mga taong kahit gaano pa kalinaw ang paliwanag at instruction na binigay ay hindi nila ma-gets. Para bang Malabo pa rin... kaya minsan gusto kong maging alien, ang labo kasi nila. Hayyy...

3. OO na lang


Ito na lang ang masasabi ko sa sarili ko kapag ang kausap ko ay maraming sinasabi, panay paliwanag at paligoy-ligoy. Hindi ko na alam kung saan ba talaga ang punto. Nakakayamot makinig lalo na kung alam mo na ang totoo tapos kung ano-ano pa ang sasabihin. Pwede ba, hindi ako t_n_a... nag-aral din naman ako... kaya sige, oo na lang para matigil ka na. Kapagod sa tainga ang mga alibi.

4. Idaan sa ngiti

Isa sa mga bagay na dapat mong gawin kapag nayayamot na ay ngumiti. Una, wala ka na namang magagawa kung sakaling nakagawa ng pagkakamali. Pangalawa, mapapagod ka lang sumimangot na magiging dahilan para pumangit. Sabi nga mas maraming muscle ang gumagana kapag nakasimangot kaya dapat ngumiti na lang tayo kahit nayayamot.

5. Magselfie na lang

Madalas kapag selfie, ngumingiti tayo... kaya kaysa ma-imbyerna, i-selfie na lang yang pagka-badtrip na nararamdaman at saka magbuntong hininga. Maasar ka man hindi halata.

Kung tutuusin marami naman tayo pwedeng gawin para hindi tayo tuluyang magalit at matanggal ang nararamdaman nating inis o kaya ay pagkaasar. Nasa atin na rin kung masyado tayong magpapaapekto sa mga iyon.

Maikli lang ang buhay para sayangin ang oras para maasar at mainis. Baka mamaya niyan tayo lang ang naiinis pero yung kinaiinisan natin wala lang sa kanila...lugi pa tayo. Kaya dapat mas marami tayong oras na maging masaya, at lagi tayong maging positibo. (*^_^)

photo credit:
https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwivn6Sf0KvTAhWBMpQKHevDCZEQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fkatelouisse.wordpress.com%2F2017%2F01%2F24%2F4199%2F&psig=AFQjCNFqys1qlu_nEpBL_n1_-igtm1J91w&ust=1492523037802819

https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwjIrdrM0qvTAhUMkJQKHeczApAQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fmemesuper.com%2Fcategories%2Fview%2Fe6940c873e2b1b5ed5bd25248e187e5c6dbd1219%2Foo-na-lang-meme.html&psig=AFQjCNGVRNp6T7WGt8m4t0o8O9rHs2h3vA&ust=1492523798728202


Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)

Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Linggo, Abril 10, 2016

Usapang aswang and everything

Nalalaman kong hindi pa panahon para pag-usapan ang tungkol sa mga nakakatakot na pangyayari o karanasan ngunit dahil sa nakapangako na ako sa isang kaibigan na nangangailangan ng kuwentong ito, isasalaysay ko na lamang dito. Hindi kasi kami magkaroon ng pagkakataong magkita at magkuwentuhan tungkol sa pakay niya kaya hayaan niyo nang maging creepy ng sandali ang pagbabasa niyo ng blog ko sa panahon ng tag-init.


Kapag lumaki ka sa panahon namin noon na malaki ang paniniwala sa mga duwende, mga aswang, mga multo at kulto na nangunguha ng bata para pang-alay. Ilan iyan sa mga nagbibigay sa amin ng dahilan noon para matakot kami na abutin ng pagkagat ng dilim sa lansangan.

Ngunit maniniwala ba kayo kung sasabihin kong may mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari noon na aking nasaksihan na nagpaniwala sa akin na totoo ang ilan sa mga ito?


Isa na dito ang tungkol sa mga duwende. Maraming kuwento ang lola ko noon sa akin na ako raw ay mahilig maglaro mag-isa at may kinakausap. Tuwing ikinukuwento niya iyon kinikilabutan ako pero sa isang banda ng isip ko siguro ay masarap magkaroon ng kaibigang duwende. Madalas, may mga nawawalang gamit sa bahay namin na matapos kang mahilo sa paghahanap biglang lilitaw. Halimbawa ay suklay, na makikita na lang sa ibabaw ng aming lamesa. Pinaniniwalaan ng lola ko na duwende ang may gawa noon. Syempre bilang bata, naniniwala ako ngunit minsang kinuwento niya na sa likod bahay namin na may puno ng bayabas ay nakita niyang nagkukuyakoy ang isang bata na may sombrerong kulay pula, matulis na sapatos na pataas ang dulo, makintab ang damit na mahaba ang manggas at lagpas tuhod na pambaba at nakasuot ng puting medyas. Masaya raw itong nagkukuyakoy sa puno.

Ilan pa sa mga nagpatunay na may duwende raw sa amin ay ang aking tito na sinususugan naman ng ninong ko, na kapag raw sila ay nagkakaingay sa kuwentuhan sa labas ng aming bahay at naghahalakhakan kasama ang aking lola at tatay ay may bigla na lang may mambabato. Ang harap ng aming bahay noong bata pa ako ay isang bakanteng lote na mapuno na kung minsan ay tinutubuan ng mga talahib kapag tag-ulan. Minsan ko na ring naranasan iyon noon na habang sila’y nagkukuwentuhan biglang may bumato, kaya sasabihin naman nila ninong ‘nagagalit na mga kaibigan natin, tayo na’t umuwi.’

Kapag naman may nababati sa amin, nag-aalay sila ng pagkain sa mga ito. Maaari raw kasing nagalaw ito o nasaktan ng hindi namamalayan kaya noon uso ang pagsasabi ng ‘Tabi-tabi po, makikiraan po!’ Sinasabi kasi na kapag hindi mo ito winika ay maaaring makasakit ka ng mga di nakikita... maaaring duwende o kaya ay mga maligno.

Noon, balitang-balita rin ang paggala ng mga aswang. Kaya naman kapag may buntis ay talagang pinag-iingat ng husto dahil may tiktik raw na gumagala. Nandiyan pa ang sinasabi ng mga matatanda tungkol sa pag-alam kung ang kaharap mo ay isang aswang. Tao raw sila sa umaga at sa gabi ay nag-iiba ang anyo. Minsan nagiging itim na pusa o kaya ay malaking ibon. Malalaman mo raw kung aswang ang kaharap mo kapag baliktad ang kanyang anino at pailalim kung tumingin.

Dahil sabi-sabi lang naman ito, hindi ganoon katindi ang aking paniniwala rito kaya nga lamang nang minsang may nagbuntis sa isa sa mga kapitbahay namin, isang pangyayari ang gumising sa amin isang gabi. Nagsisigawan ang mga kalalakihan at parang may hinahabol at doon sa may likod daw naming tumalon kaya napalabas kami ng bahay.

May aswang raw. Kinilabutan ako. Sabi nila tinamaan raw sa kamay at batay sa usapan nila ay titingnan nila sa kabilang baryo baka roon nagtatago ang nasabing aswang. Kaya naman nang sumunod na gabi ay inantabayanan nila. Nakakatakot kasi noong gabi iyon sa tapat ng bahay ng nagbubuntis ay may isang malaking kuwago ang paikot-ikot sa bubungan nito na pilit na binubugaw ng asawa ng babae.

Magkakamag-anak ang mga naroon kaya nagtulong-tulong sila. Malaki raw kasi ang posibilidad na babalik iyon dahil malaki na ang tiyan ng buntis. Inabangan nila pati kami naki-abang (actually, 'yung tatay ko, usisa lang ako). Sa kalaliman ng gabi, napansin nila ang isang lalaki sa bubungan ng bahay kaya ang ginawa nung tatay ng kaibigan ko ay umakyat sa bubong na naka-brief lamang at naglagay ng langis upang akalain raw nito na kauri siya. Hinihikayat niya itong bumaba dahil gusto nila itong hulihin ngunit mabilis itong bumaba sa bubong at ang nakakapangilabot ay imbes na paa ang mauuna sa pagbaba nito ay ulo ang unang bumaba... nagkagulo sila sa paghabol habang napapasok naman ako sa bahay sa takot. Sa kanilang paghabol, naging itim na pusa raw ito at muling tumalon sa pader sa likod bahay namin.

May paniniwala ang mga taga sa amin na ‘yung bagong mukha sa kabilang baryo ang aswang kaya sinusog nila kinabukasan ang lugar ngunit sinabing nakaalis na raw ito. Nakakatakot... pero hanggang sa ngayon nandoon pa rin ‘yung palaisipan kung totoo nga ba iyon o hindi.

May mga kuwento rin ng mga multo at white lady. Kuwento kasi ng lola ko, noong dumating sila sa doon sa lugar naming, kasing taas ng bahay ang mga talahib. Marami ring natagpuang mga bomba roon lalo na sa bakuran namin. Pinaniniwalaan na naging kampo ng mga sundalong Hapon ang lugar na iyon noon kung kaya’t maraming nakabaong mga ganoon. Nariyan ang mga kuwento na may mga naglalakad at parang naghihila ng mga bakal tuwing hatinggabi. At sa may tapat raw ng puno ng Mangga na katabi ng tanke ng tubig ay may lumalabas na White Lady.

Ayoko nga maniwala pero alam ko sa sarili ko na minsan na akong nakakita ng White Lady. Mahaba ang kanyang buhok at siyempre nakaputi. Hindi ko tiyak kung nakita ko ba ang mukha niya sapagkat mas madalas kapag naglalakad ako ay sa bandang baba ako nakatingin. Alam kong may makakasalubong ako pero nagitla ako dahil sa pakiramdam ko ang bilis niyang maglakad kaya nilingon ko ito at doon ko nakita na nakalutang siya hanggang sa mawala. Nagtatakbo akong pauwi ng bahay. Kaya kapag natatapat ako sa may tanke ng tubig napapatakbo ako. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw kong inuutusan sa gabi para bumili sa tindahan dahil noong panahong iyon ang lalayo pa ng mga tindahan.

Minsan naman ay may sumisitsit o kaya ay parang tinatawag ang pangalan mo. Iyong isang ate ng kaibigan ko ay nakasabay ko minsan, gabi iyon at papauwi kami, sa pakiwari ko nanood kami sa may basketball court ng laro at nagkataong nagkasabay kami dahil pareho lang naman ang daan naming. Pagtapat naming sa punong mangga may sumisitsit, paulit-ulit at malakas sa asar niya ay minura niya ito ng minura hanggang makaliko siya papunta sa kanila at ako naman ay binilisan ko ang paglalakad. Halos di ako huminga sa takot ko noon.

Bagaman hindi na ito masyadong pinaniniwalaan sa ngayon, masasabi kong naging isang malaking bahagi ito ng aking pagkabata. Kahit pa maraming nagsasabing hindi ito totoo at kuwento-kuwento lang ang naging karanasan, naramdaman at nasaksihan ko ay magiging batayan ko na ito ay totoo.

Biyernes, Marso 25, 2016

Mahal na Araw na, bawal raw 'yan!


Kapag lumaki ka noong mga panahon na napakalaki pa ng impluwensya ng mga pamahiin maraming bagay ang hindi maaaring gawin kapag dumarating ang Mahal na Araw. Malaking kasalanan ang hindi pagsunod sa mga matatanda at tiyak namang susunod ka dahil sa mga maaring mangyari sa iyo kapag ginawa mo pa rin 'yung mga sinasabi nilang hindi mo pwedeng gawin.

Bilang isa sa mga kabataang lumaki ng panahon na iyon, narito ang ilan sa mga sinasabing bawal mong gawin kapag sumasapit ang panahong ito.

  • Bawal maglaro. Kapag bata ka, pagbabawalan ka ng mga matatandang magtatakbo o kaya nama'y maglaro ng bola. Noon, natatakot kami kasi may nakapagsabi sa amin na kapag naglaro raw kaming bola parang pinaglalaruan din namin ang ulo ni Kristo. Syempre sa takot namin, hindi talaga namin iyon ginagawa...at talagang sinusunod namin ito pero kunektado ito sa isa pang bawal.
  • Bawal magkasugat. Siguro kaya ipinagbabawal na maglaro noon kasi nga bawal ring magkasugat dahil sa paniniwalang matagal itong gagaling at ang sabi pa ay isang taon daw ito bago gumaling. Sino ba namang gustong magkaganoon kaya naman talagang nag-iingat kami ng husto. Sa isang banda, minsan na akong nagkasugat pero gumaling rin naman sobra nga lang akong natakot sa paniniwalang ito.
  • Bawal ring mag-ingay. Siyempre ginugunita ang pag-aalay ng buhay ni Kristo para akuin ang kasalanan ng mga tao... hindi nga tamang mag-ingay. Kaya nga lamang, bawal ring magtawanan o magsaya kasi nga bawal ang maingay. 
  • Bawal maligo kapag Biyernes Santo. Kahit init na init ka na at dahil sumapit na ang alas-3 hindi ka na pwedeng maligo ayon sa mga matatanda noon. Tatabingi raw kasi ang mukha mo kapag naligo ka. Gugustuhin ba naming mangyari iyon syempre hindi kaya hindi na lang kami naliligo. Mahirap na baka nga tumabingi ang mukha namin.
  • Bawal rin daw magpukpok o gumawa sa bahay. Wala raw kasing Diyos na gagabay at maaaring masaktan kaya ipagpaliban na lang muna ang anumang gawain. Kaya rin siguro walang pasok ang panahong ito.
  • Isa pa ang pagbabawal na kumain ng karne kaya naman kung hindi ka mahilig kumain ng gulay tiyak kaunti lamang ang makakain mo dahil karaniwan ng niluluto sa bahay ay mga gulay at isda.
Ilan lamang ito sa mga sinasabi sa amin noong mga bata pa kami na sa ngayon ilan dito ang hindi na rin masyadong pinaniniwalaan tulad ng paliligo at tungkol sa pagkakaroon ng sugat. Ngunit  kahit ano pang mga pamahiin at mga pinaniniwalaan noon hanggang sa ngayon ang mahalaga ay gunitain natin na may tumubos ng ating mga kasalanan. 

Magbigay tayo ng panahon na magtika at pagnilayan ang ating mga ginawa at ihingi ito ng kapatawaran. Kung tutuusin hindi naman mahalaga kung nasusunod mo o hindi ang mga kinasanayang mga paniniwalang ito tuwing sumsapit ang Semana Santa. Ang mahalaga ay maalala nating humingi ng kapatawaran sa mga nagagawa nating hindi maganda lalong-lalo na sa ating kapawa at magpasalamat sa lahat ng biyayang tinatanggap natin. 

Photo credit: https://pixabay.com

Martes, Marso 8, 2016

Pamamaalam

Madalas ang pagpapaalam ay may pangako ng pagbabalik ngunit kung minsan tuluyan nang paglisan. Masakit sa damdamin at kung minsan hindi katanggap-tangap... nangangahulugang sa langit na lang kayo muling magkikita.


Pamamaalam.

Tuwing dumadalaw ako sa mga burol o kaya nama'y nakikipaglibing laging sumasagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Naiisip ko bigla ang kanilang kahalagahan at 'yung kakayanan kong tanggapin ang mga ganoong mga sitwasyon.

Karaniwan, kapag may namatayan pinag-uusapan ang pagtanggap... ang pagmove-on at pagsasabi na kapiling na niya ang Dakilang Lumikha ngunit ang hindi alam ng iba hindi ganoon kadali tanggapin ang pagkawala ng isang mahal sa buhay.

Sabi nga, mahirap magsalita lalo na kung hindi pa ito nararanasan kaya naman mas tamang sabihin na lamang na nakikiramay ka at nakiki-simpatya sa kanila. Naroroon ang pagnanais mong pagaanin ang kanilang mga kalooban sa kabila ng isang napakabigat na pagsubok.

Madali nga lang sabihing 'kaya mo 'yan...' o kaya ay 'isipin mo na lang na hindi na siya mahihirapan.' ngunit kapag pala sa iyo nangyari, kahit gaano kadali unawain ng mga salitang ito hindi pala ganoon kadali ang tumanggap.

Tumatakbo kasi sa isipan natin ang mga darating na araw na wala na sila. Maiisip mo ang mga masasayang alaala na kasama siya at pagkatapos ay maitatanong mo sa iyong sarili kung magiging ganoon pa rin ba kasaya ang mga pagdiriwang na darating dahil wala na siya.

Maiisip mo ang mga bagay na nais mo pang gawin para sa kanila na hindi mo na magagawa pa dahil tuluyan na siyang namaalam at hindi na nagbigay pa ng ibang hudyat ng pagbabalik. Hindi pala ganoon kadaling tumawa kapag nawala na sila. Hindi na pala ganoon kasaya ang alaala kapag wala na sila. Laging susunod ang lungkot at sasabayan ng pagpatak ng luha. Hindi ganoon kadali ang magpaalam.

At sa mga sandaling maaalala ang kanilang pagkawala, nagiging saksi na lamang ang kalaliman ng gabi sa pagluha ng tahimik at pangungulila. Unan na lamang ang makadarama ng mahigpit na yakap at kumot na lamang ang tutugon dito.

Hindi madaling tanggapin ang lahat, kahit nalalaman pa natin na sila'y payapa na at masaya.
Madali lang naman magsabi ng 'Paalam' ngunit hindi ganoon kadali tanggapin ang pamamaalam.
Makangingiti at makahahalakhak ka nga pagkatapos ng pamamaalam ngunit palagi nang may pangungulila.

Hindi na kailanman magiging tulad ng dati ang mga darating na araw sapagkat wala na sila.

Sabado, Pebrero 20, 2016

Kaiba sa mga Sabado

Sabado.

Nagpasya akong dumaan sa bahay nila Tatay... ginagawa ko naman 'yun simula pumasok ang bagong taon. Pero iba ang araw na ito. Habang naglalakad ako mula sa kanto na binabaan ko ... iniisip ko kung ano pang silbi ng pagdalaw ko.

Mabigat man sa pakiramdam... nagpatuloy ako sa paglalakad. Bawat hakbang gusto kong isipin na may daratnan ako sa bahay... daratnan ko siyang nag-aabang sa pagdating ko ngunit alam ko namang hindi na iyon mangyayari.

Wala nang maghihintay pa sa akin at magre-request ng "Dumito muna kayo, wala namang pasok bukas?' Request na madalas kong hindi mapagbigyan. Siguro dala ng mga nakaatang na mga gawain sa akin... at 'yung isipin na hindi makakatulog ng maayos ang mga bata.

Gusto kong isipin na kapag dumating ako at pumasok sa bahay ay nandoon siya at ngingiti dahil dumating ako. Iyong pakiramdam na masaya siyang makita ako at aalukin ng mga pagkain dahil inaalala niya na maaaring gutom ako mula sa pinanggalingan ko. At kapag inabot ko ang kamay niya at nagmano, kung minsan ay may kabig na yakap mula sa kanya at halik sa noo. 

Uupo kami at magkukuwentuhan habang hawak ko ang kamay niya o kaya nama'y magkaharap kami. Habang nanonood ng TV ay nagpapalitan ng mga kuro-kuro, minsan tahimik.

Wala pa sa hinagap ko na darating ang pagkakataon na tulad ngayon. Hindi ko inasahan na hanggang doon na lang pala dahil umaasa ako... sa mahaba pa sana naming pagkikita tuwing walang pasok o kaya ay makita niya ang paglaki ng aking mga anak o kaya ay maka-date siya sa ilang mga espesyal na pagkakataon pero isa na lamang itong hangaring hindi na kailaman mangyayari.

Minsan, gusto kong isipin na mabuti na ring umuwi na siya roon upang hindi na siya mahirapan pero gusto ko ring isipin na sana bumuti pa ang kanyang kalusugan at humaba pa ang kanyang buhay dahil kailangan pa namin siya.

Kung sana ay mas napag-ukulan niya ng higit na pansin ang kanyang sarili siguro'y hanggang ngayon kapiling pa rin namin siya... ngunit mas binigyang pansin niya ang mga pangangailangan namin habang kami ay lumalaki at nagsimulang mag-aral. Inisantabi niya ang kung ano mang nararamdaman sa paghahangad ng mapag-aral kaming lahat na lagi niyang sinasabi na tanging pamana na maibibigay niya.

Ngunit, ayaw niyang makaabala. Ayaw niya na may nahihirapan dahil sa kanya. Sabi nga niya sa akin ng minsan kaming magkuwentuhan... kung ano pa raw ang ayaw niya iyon pa raw ang binigay sa kanya... ayaw n'ya raw kasing maging pahirap sa iba pero ewan daw niya kung bakit iyon ang binigay sa kanya.

Ilan lamang ito sa mga naikuwento niya kapag dumarating ako ng Sabado sa bahay. Malakas pa siya at nakakatayo noon pero parang ang bilis lang sa isang iglap wala na siya.

Ngayon, Sabado, mas pinili kong pumunta sa amin kahit alam kong wala na siya. Kahit alam kong hindi ko na siya makikita pang muli... sa pakiwari ko nga ang tagal ng ginawa kong paglalakad mula sa kanto hanggang sa bahay. Bagamat naroon ang mga kapatid at si Nanay... iba pa rin kapag nandoon si Tatay.

Siguro, dapat masanay na ako. Mahirap gawin pero pipilitin... bubuhayin ko na lamang siya sa aking alaala. (*^_^)

Biyernes, Enero 1, 2016

2016

Bahagi na muli ng kasaysayan ang taong 2015 at magsisimulang umukit ng mga pangyayari ang bagong taon.

Madalas din nating isangkalan ang pagpapalit ng taon sa mga ninanais nating baguhin sa ating mga sarili. Panahon na may mga nais tayong ipangako at pag-asang magagawa ang lahat ng ito ngunit kung minsan, hanggang umpisa lang naman tayo. 

Ganoon pa man, gusto nating gumawa ng listahan. Gusto nating magbago. Gusto nating magkaroon ng pag-asa na ang bagong taon ay magdudulot sa atin ng pagbabago sa maraming bagay. Gusto nating maramdaman na may target tayo na makuha sa pagtatapos nito at muli nating susuriin ang ating mga ginawa.

At tulad ng karamihan, maging ako ay gumagawa nito, hindi dahil sa maraming gumagawa nito kundi upang makita ko ang aking tatahakin para sa taong ito.

Palagi kong ipinagpapasalamat ang mga nangyaring maganda gayundin ang mga hindi gaanong kagandahan sa nagdaang taon at inihihingi ko ng paumanahin ang mga bagay na nagawa kong hindi maganda sa aking kapwa sa Diyos. Hindi ko iniaalis na marami akong mga nagagawang pagkakamali na kung minsan ay hindi ako aware kung kaya't ang lahat ng ito ay aking inihihingi na kapatawaran sa Kanya.

Sa taong 2016...

Gusto kong mas maging mabuting tao. May sapat na kaalaman sa tama at mali. Magkaroon ng mas matatag na paninindigan at maging matapang sa mga kakaharaping mga pagsubok.

Nais kong maging malayo sa mga karamdaman ang aking pamilya bagaman ang aking ama ay hindi gaanong malakas nawa'y malagpasan niya ang pagsubok na ito at siya ay gumaling. 

Mapuno sana ng pagmamahalan at pang-unawa ang aming samahan sa pamilya at mas maging buo at malapit sa isa't isa. 

Biyayaan sana ako ng sapat na katalinuhan at pang-unawa sa aking pag-aaral at gayundin sa aking gawain. Mas maging mahaba sana ang aking pasensya sa lahat ng bagay at sa panahong ako ay nakakaramdam ng inis o galit ay mas manaig sana sa aking puso at isipan ang tama at kahinahunan.

Nais ko ring maging malusog at aktibo ngayong taon hindi para ipangalandakan kundi para na rin sa aking kalusugan... at sana kasama ko ang aking pamilya sa pagnanais na ito.

Gusto kong ma-upgrade sa lahat ng bagay... mula sa pisikal, espiritwal, at intelektwal kaya nga nasabi ko na ... Starting today, I'll be a better me.

Gusto kong maging positibo sa lahat ng bagay... dahil sabi nga, kung anong iniisip mo ay iyon ang mangyayari kaya kung nanaisin ko ng mga magagandang bagay ang mangyari dapat ay hindi ko hahayaang makapasok ang mga negative vibes.

I want to be a better person, a better mother and a wife...I want to be more extraordinary and I think I can do it. I just need to be positive and everything will be fine with His guidance, I know I can. 
(*^_^)

*** at  hindi ko napigilang hindi gumamit ng Ingles. 

Manigong Bagong Taon sa lahat!

Lunes, Disyembre 21, 2015

May maisulat lang

Matapos ang mahabang panahon biglang sumagi sa isip kong magpaskil. Magtala. Magpahayag.

Sa kalaliman ng gabi, tanging buwan ang tanglaw kasama ang mga kumikinang na mga bituin.. nakaharap sa parisukat na mundo. Hindi mahagilap ang antok at nagtutumakbo ang isipan patungo kung saan.

Madalas ganito ang utak ko, maraming gustong isulat pero dala ng katamarang bumangon, madalas nawawala na ang mga ideya. Ito ang inaayawan ko sa aking sarili.

Minsan naisip ko na, sana'y kasing bilis ng mga naiisip ko ang pagtipa ng keyboard o kaya ang pagsusulat ko sa papel para hindi ako napag-iiwan ng mga nais kong ipahayag ngunit madalas akong mabigo sapagkat una na akong pinaghaharian ng katamaran.

Napapaisip tuloy ako kung magpapatuloy pa ako sa pagsusulat... ito lang ang tangi kong paraan para pakalmahin ang aking sarili. Bolpen at papel ang aking mga piping saksi sa mga pangyayari sa aking buhay kaya naman bakit ko tatalikuran ang pagsusulat.

Siguro dapat ang talikuran ko ay ang katamarang laging humaharang sa akin tuwing may pumapasok na mga ideya sa aking isipan ngunit madalas na pagod na ako at marami ring ginagawa kaya siguro hindi ko marahap ang aking hilig, ang magsulat.

Noong gumawa ako ng blog, pakiramdam ko marami akong magagawang post. Pakiramdam ko marami akong ideyang maisisiwalat at mga pananaw subalit habang tumatagal, unti-unti ko itong napapabayaan at hindi nabibigyang pansin.

May mga tagasunod rin naman ako at iyon ang isa sa mga nakalulungkot na sandali... para bang nag-imbita ako ngunit wala naman akong maihain sa kanilang mga pagkain.

Palagi ko namang sinasabi na ang pagbuo ko ng blog ay isang paraan ko para mahasa ang aking pagsusulat at may makarinig sa mahina kong boses sa pamamagitan ng aking mga sinusulat ngunit hindi ganoon kadali lalo na kung maraming responsibilidad na ginagampanan.

Kung sabagay, pampalipas oras ko at pagbibigay kasiyahan sa sarili ang pagsusulat. Na-realize ko na hindi ko naman ito ginawa para bigyan ng kasiyahan ang ibang tao kundi magbahagi ng aking mga kasiyahan, kalungkutan, opinyon at marami pang ibang damdamin. Basta ang alam ko ay masaya ako kapag may bago akong mga paskil at may mga tumingin at nagbigay ng oras para magbasa. (*^_^)


Photo credit: pure-laziness.blogspot.com

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Naglaho


Ito ang mga sandaling tila ayaw kong dumating
Mga panahong ang utak ko'y naaaning
Tila laman nito ay puro hangin
Lumilipad at walang silbi.

Matagal nang binabalak tumipa
Humabi ng mga letra at salita
Ngunit para bang kay hirap kumapa
Mga salitang nais itipa

Mga daliri'y tila naiinip
Kanina pa nakaporma at nanggigigil
Sa labas ng bintana'y napatingin
subalit mga salita'y di nasilip

Sumipol sumandali at pumikit
sinikap na pangungusap ay mahabi
kaya nga lamang parang nakasabit
mga ideyang ninanais maisatitik

Kamay ng orasan ay tumatakbo
habang ang isip ko'y nakahinto
Mga salitang pilit binubuo
tuluyan nang-iwan at naglaho.
(*^_^) 

Lunes, Agosto 24, 2015

Simple lang

Gusto kong maging simple ang lahat. 
Gusto kong maging magaan lang ang bawat araw na dumarating.
Gusto kong kasing simple lang noon ang ngayon.

Biglang sumagi sa aking isipan ang mga panahon na ako'y gigising sa umaga sapagkat kailangan kong pumasok at mag-aral. Kapag sumapit naman ang uwian ay agad na tatakbo sa bahay at magpapalit ng damit pambahay at tatakbong muli sa kalsada upang makipaglaro. Kalpag kumagat ang dilim, uuwi na, maghahapunan at saka matutulog.

Solve ang buong maghapon. Ang simple ng buhay. Walang conflict. 

May mga pagkakataong mapapaaway...dahil sa mga simpleng bagay tulad nang pang-aagaw ng bolpen, binato ng balat ng kendi o kaya naman ay dinaya sa chinese garter o sa labanan ng teks o goma. Pero 'pag sapit ng kinabukasan, magkakalarong muli at magtatawanan. 
Photo credit: http://greshamguitarandsound.com/wp-content/uploads/2013/11/broken-string.jpg

May mga bagay rin akong iniyakan noon. Naputol ang isang kuwerdas ng gitara, unang pagkakataon na nangyari iyon simula nang bilhin ni Tatay kaya takot na takot akong magsabi sa kanya. Nung tinanong niya ako kung bakit hindi ko ginagamit ang gitara, nakaramdam ako ng takot... hindi ako makapagsalita...pagkatapos ay umagos na aking luha. 

Sa pagtataka ng aking ama, kinuha niya ang gitara at nakita niya ang dahilan...bigla siyang ngumiti at sinabi, 'Anak, talagang napuputol ang string ng gitara. Napapalitan naman 'yan.' Mas lalo yata akong lumuha... umiyak na yata ako hindi dahil sa takot o ano pa man, kundi sa katangahan ko. At sa tuwing babalikan ko ang pangyayaring iyon, natatawa ako sa napakasimpleng problema na sa palagay kong napakabigat na noon. 

Noon, kapag iniisip ko ang ginugusto kong mangyari kapag ako ay nakapagtapos na ng pag-aaral parang napakadali lang ng lahat. Sabi ko pa, 'pag graduate ko, dapat magkaroon agad ako ng trabaho, tapos ipapagawa ko ang aming bahay at marami pang iba.

Ngunit ngayon, para bang ang mga simpleng pinapangarap ko noon ay mga bagay na hindi pala ganoon kadali maisakatuparan kahit pa may trabaho ka na. Hindi pala ganoon kasimple ang buhay kapag nakawala ka na sa paaralan. Iyon pala ang simula ng mga komplikadong pagdedesisyon na gagawin mo at hindi ito simpleng bagay lamang.

Tulad ng pagiging isang guro, noon, buong akala ko, ang gawain lamang ng guro ay mag-aral ng kanyang mga aralin at isalin ang kanyang mga kaalaman sa mga mag-aaral. Magtuturo lang at wala nang iba pa. Ngunit napagtanto kong hindi ganoon kasimple ang maging isang guro. 

Marahil ay hindi ko lang napansin ang mga gawain ng aking mga guro noon maliban sa kanilang pagtuturo sa klase kaya naman hindi ko naihanda ang aking sarili sa mga bagay na hindi ko inasahan.

Ang simpleng layunin ng isang guro na magturo at hangarin niyang may matutuhan sa kanya ang kanyang mga mag-aaral ay marami palang mga pinagdaraanang mga pagsubok. Hindi lang pala paggawa ng banghay-aralin at paggawa ng mga biswal ang inaatupag ng isang guro.

Maraming mga kailangang isaalang-alang ang isang guro bukod sa pagtuturo. Karaniwang ginagawa ng isang guro ang gumawa ng pagsusulit, magtatala ng mga marka ng mga mag-aaral, isaayos ang mga rekords ng bata tulad ng kard...but wait there's more... mga agarang mga ulat na kailangang ipasa at may mga takdang oras kung kaya't bilang isang guro, ang oras na maaari sana niyang igugol sa pag-aaral at pag-iisip ng mga bagay na makabubuti sa kanyang mga mag-aaral ay umiikli.

Tunay ngang hindi ganoon kasimple ang maging guro. At kung noon, napakasimple ng mga dahilan ng aking mga pagluha, kalungkutan at kasawian ngayon bagamat alam ko na hindi ganoon kasimple ang aking mga kinakaharap na mga suliranin ay nagagawa ko itong tawanan at balewalain. 

Ganoon naman yata... ang mga simpleng bagay iniiyakan at iyong mga mabibigat naman ay tinatawanan para magaan dalhin. (*^_^)

Lunes, Hunyo 22, 2015

It's all about TIWALA



Let me use the line of Laida Magtalas from
It takes a man and a woman ...
“TRUST. WOW, BIG WORD!”

Napakalaking sangkap ang TIWALA sa pakikipagkaibigan maging sa pakikipagkapwa tao kaya madalas ito ang isang bagay na iniingatan natin na masira. 

Nitong mga nakaraang mga buwan hanggang nitong isang araw tila nagpaparamdam ang salitang ito sa akin. 

Siguro dahil sa pinahahalagahan ko ang tiwalang binibigay ng kapwa ko sa akin at ganoon ko rin pinahahalagahan ang tiwalang ibinibigay ko sa iba. Hangga't maaari ay iniiwasan kong masira ang tiwala nila sa akin at inaasahan kong ganoon din ang gagawin ng mga pinili kong pagkatiwalaan.

Isa sa pinakamahirap gawin ay magtiwala pero kung minsan sumusugal tayong magtiwala dahil na rin siguro sa umaasa tayong bibigyang halaga ang tiwalang iyon. Ngunit sadya yatang may mga taong hindi marunong magpahalaga sa salitang ito. Kaakibat ng salitang ito ang pagpapakatotoo... ang pagsasabi ng katotohanan. Madalas, sa pagsasabi ng katotohanan magkakaroon ng kasiguraduhan ang isang tao na tama ang tiwalang kanyang ipinagkaloob.

Ngunit paano kung ang tiwalang ipinagkaloob ay hindi lang basta nasira kundi dinurog ng paulit-ulit... paano pa bubuuin ang TIWALA? Paano pa pakikinggan ang katotohanan?

Dumarating naman yata talaga sa hugtulan ang lahat lalo pa't binigyan na ng maraming pagkakataon kung kaya't kahit ano pang gawin hindi na maikakaila na AYAW KO NANG MAGTIWALA.

Hindi na rin nakatutuwa ang mga mahahabang paliwanag... mga paulit-ulit na dahilan... ang mga paiwas na pagsagot sa mga tanong na napakasimple pero ewan ko ba kung bakit napakahirap sagutin. 

Hindi na nakatutuwa ang mga pagbibigay ng mga materyal na bagay bilang pagpuno sa mga pagkukulang na ang tanging ninanais ay marinig ang katotohanan upang ang TIWALAng unti-unting nawawala ay maisalba pa.

Kung sabagay, hindi na ganoon karami ang masuri pagdating sa pagtitiwala. Marami na rin kasi ngayon ang mga sinungaling at mahilig mag-pretend para sa mga sariling adhikain. Para bang paiikutin ka lang sa mga palad nila at kapag nabuo na ang tiwala mo sa kanila at saka sila aatake ng mga balak nila.

Dahil rito, marami ang nagiging tanga. Sila ang mga taong buong-buo ang tiwala sa isang taong kapag sila'y nakatalikod o kaya'y hindi nakatingin ay pinagtatawanan o kaya'y kinukwestyon. Sila ang mga taong hindi marunong magtaka... hindi mabilis makatunog...at sa huli pa nga'y nababalikan ng sisi.

Nakalulungkot lang na napakahalaga ng PAGTITIWALA sa ating kapwa ngunit may mga taong nag-aasam nito para sa sarili nilang hangarin. Nakalulungkot lang na ninanais mong magpakatotoo at magbigay ng buong pagtitiwala ngunit sa maling tao pala mapupunta. Nakalulungkot lang na kahit ayaw mong isipin at bigyan ng panahon ang mga ganitong tao ay napipilitan kang makisalamuha sa kanila. At nakalulungkot lang na sa kabila ng mga nagawa nila ay nakukuha pa nilang ngumiti sa iyo nang harapan na para bang wala silang ginawang masama.

Sa ganang akin, ang isang taong binigyan mo ng pagkakataong bumawi sa nasirang TIWALA ngunit sinayang ang pagkakataon ay hindi na dapat pang pag-ubusan ng panahon. Hindi na kailangan pang pagpasensyahan sapagkat kung talagang ninanais na may magtiwala sa kaniya ay marapat lamang na nagsasabi ito ng katotohanan. Madalas kasi ang mga tanong na itinatanong sa atin ng ating kapwa ay hindi para marinig ang pangangatwiran mo kundi mabigyan niya ng katwiran na tama pala ang nalaman niya dahil may mga pagkakataong alam na ng kausap mo ang katotohanan at naghihintay lamang na magsabi ka ng katotohanan. (*^_^)

Photocredit: StarCinema